Saturday, February 25, 2012
UNANG PASKO MAGMULA KAY ONDOY
UNANG PASKO MAGMULA KAY ONDOY
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a.Wee-ween Reyes, 11/04/2011
Puro kalungkutan aking nakikita
Hungkag na paligid aking nadarama
Hindi pa naalis ang amoy ng baha
Nagpapaalala nagdaang sakuna
Kay panglaw ng araw parang nagbabadya
Mga kalungkutan ang mata'y may luha
Ang takot ay nadyan laging nag-alala
Bakas ng kahapon sadyang narito pa
Si Ondoy dumating Setyembre nga noon
Ika bente seis nakadalwang taon
kaybilis ng araw sa nagdaang taon
Nasa aking diwa kaysamang kahapon
Oktubre nawala ang bahang nagwala
Iniwan ang lupang kanyang kinawawa
Mabaho ang putik sa mga kalsada
Ang kapaligiran puno ng basura
Ang buong paligid ay aming nilinis
Tinanggal ang amoy na nakakainis
Nobyembre'y narito bahay ay nagbihis
May bagong pintura nagmukhang makinis
Ay napakalungkot Pasko'y malapit na
Ako ay nag-isip paano sumaya
Ang bakas ni Ondoy ramdam na ramdam pa
Kaybigat ng loob ang puso'y naaba
Ako'y nagsimulang mag-ayos ng bahay
Lahat pinalitan ng pula na kulay
Ang mga kurtina lahat ay binagay
At biglang sumaya nawala ang lumbay
Nagkabit ng ilaw buong kabahayan
At pinuno ko pa hanggang sa labasan
Ngayon ang "Christmas Tree" ay tinayo naman
Nilagyan ng sabit kaygandang pagmasdan
Mga kapitbahay ay gumaya na rin
Ito kaya'y hudyat ng aking hangarin
Lumukso ang dugo puso at damdamin
Lahat ay natuwa labi'y may ngiti rin
Kaysayasaya na sa loob ng bahay
At masaya na rin mga kapitbahay
Pagkat kami ngayon ay nagbagong buhay
Si Ondoy nalimot kami'y napalagay
Ika-labing-anim at simbang gabi na
Lamig ng umaga kami ay nagtyaga
Hanggang sa matapos gumising ng kusa
Diyos ang pag-asa kumapit sa Kanya
Pagsapit ng Pasko kami ay lumabas
Binati ang lahat sa lungkot umiwas
Ang tawa'y taginting ang tuwa ay bakas
Ang buong paligid ligaya'y namalas
Kaydami ng handa kami'y nagbigayan
Pagkatapos noon kami'y nagyakapan
Kay lutong ng tawa aming halakhakan
Kay sigla ng lahat puro kasiyahan
Sa buhay ng tao kayraming bangungot
Pero hindi dapat na tayo'y matakot
Sapagkat ang buhay may kasamang lungkot
Dapat ay bumangon ginhawa ang dulot.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
a morsel of my youth
A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...
-
CHILD OF A POLITICIAN When I was but seven years old, I already knew what politics means, for I lived in an atmosphere filled with stinki...
-
EPEKTO NG "SHABU" Ma.Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes,10/26/2011 Umaga sa klinika may dumating pala babaeng n...
-
"ANG NARS "Ma. Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes, Sept. 20,2011 (alay ko sa mga Pilipinong Nars) Tawag sa kan...
No comments:
Post a Comment