Wednesday, February 22, 2012

ANGHEL SA LUPA



ANGHEL SA LUPA
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a.Wee-ween Reyes, 10/26/2011

Ngayong malapit na ang araw ng Pasko
May biglang gumuhit dito sa isip ko
May isang lalaki ngalan n'ya'y Juanito
S'ya'y may kapansanan ngunit makatao

Ta-juanits ang tawag na lambing sa kanya
At ang kanyang idad mahigit singkwenta
Kanyang kaisipan kung iyong makita
Parang limang taon bubulul-bulol pa

Noong isang taon ay aking nalaman
Istorya ng binata aking napakinggan
Ako ay nagulat aking hinangaan
Pagkat naiiba ako ay nabaghan

S'ya ay masayahin ika'y matutuwa
At marunong pa ngang maglaro ng sakla
Siya ay uupo baraha'y kinuha
Pero magagalit kung wala kang taya

Ngayon namang pasko s'ya ay naghahanda
Gumawang marakas ngayon ay bitbit na
Yon pala ay gamit sa kanyang pagkanta
Iikot mag-isa magkakaroling na

♪♪♫"ang asngo ay aapit aayo aawit"♫♪♪
Baka ka mapikon at saka magalit
Ngunit kung pakinggan ang kanyang inawit
Para palang boses nanggaling sa Langit

Merong kapansanan pero pilantropo
Ang kanyang kinita ay ipapamasko
Itong mga bata na kanyang katuto
Bibilhan ng laruan kendi't puto-seko

Pagsapit ng pasko ay may pumipila
Ang batang lansangan pupunta sa kanya
Pagkat alam nila s'ya'y may inihanda
Ang mga pamaskong galing sa kinita

S'ya ay maawain kahit isip-bata
Bakit di gayahin gawin din ng madla
Sa araw ng Pasko ay magkawanggawa
Tayo ay magbigay sa mga kawawa

S'ya'y napakasaya makita sa mukha
Ngingitingiti pa minsa'y tumatawa
Bakas ang ligaya at napakasaya
Itong batang-isip nagbigay ng tuwa

Kung iyong makita ika'y maaawa
Pagkat s'ya'y patpatin at hapis ang mukha
Kapag kinausap parang isang bata
Wala kang makuhang matinong salita

Pero ang tutuo ako'y di naawa
Siya ay mabuti at mahal ang kapwa
Ako'y sigurado ang D'yos ay matuwa
At doon sa Langit tiyak s'ya'y kasama

Mabuhay, mabuhay para kay Juanito
At para sa akin anghel kang tutuo
Mahal ng D'yos Ama ang gaya sa iyo
Ang anghel sa lupa ay ikaw Juanito

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...