PANGALAWANG ARAW NG SIMBANG GABI
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 12/17/2011
Umuulan-ulan ng ako'y magising
At ang aking ilong ay panay ang hatsing
Aking naaamoy ang pasko'y darating
At ang mahal natin ating makapiling
Pangalwang gabi na aking panindigan
Ang mabuo ito ay kaligayahan
Kahit ako'y antok aking lalabanan
Hanggang sa matapos larga sa simbahan
Pagdating nga doon akala'y maaga
Gusto ko'y umupo ubos na ang silya
Mabuti may isa sa tabi'y reserba
Inalok ng mama kanyang pinaraya
Sa pangal'wang araw maraming tao pa
Bukas kaya naman ilan ang matira
Habang tumatagal pakuntikunti na
At sa katapusan maraming sisimba
Ito na si Father umarangkada na
Pagkat inaantok ako'y napanganga
Kunyari'y sinagi anak na kasama
Ako ay nagulat bunganga'y sinara
Natapos ang misa lahat ay kaysaya
At sa labas naman may puto't bibingka
Kami ay bumili almusal't meryenda
Para maramdaman na Pasko na pala
Pag-uwi sa bahay ako'y nagtipa na
At ang karanasan aking iistorya
Habang kinakain ang putot bibingka
Katambal ng kape init sa sikmura
Bukas po simba tayo ulit ha.....
No comments:
Post a Comment