IKA-PITONG ARAW NG SIMBANG GABI
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Weeween reyes, 12/22/2011
Kaysarap isipin parating ang Pasko
Dal'wang araw na lang bisperas na ito
Kahit inaantok aming siniguro
Kami'y matatapos ito'y sakripisyo
Minsan sa malapit kami nagsisimba
At kung minsan naman malayo layo na
Kaya lang kagabi ako ay ma-isa
Lumakad ng solo makumpleto sana
Pagdating nga namin marami ng tao
Pag 'yong kinumpara nabawasan ito
Pagkat ang iba ay agad sumuko
Hindi nakayanan sa antok natalo
Kayganda kumanta ng mga kantura
Parang boses anghel sa lupa'y bumaba
Gaya nitong pari boses ay maganda
Masayang magmisa lahat ay matawa
Ito ang problema ako'y antok pala
Muntik ng ngumanga anak ay handa na
Pasimpleng siniko ako ay nabigla
Naputol ang diwa at nanaginip na
Sana ay matapos itong simbang gabi
Ika-pito na nga sana ay magwagi
Kahit nga si father lahat ay binati
nagpalakpakan pa lahat napangiti
Sana nga'y matapos itong simbang gabi
Lahat ng pagpuyat meron namang silbi
At napakasarap makumpleto lagi
Minsan isang taon hindi lagilagi
Nabuo din ang tula kahit tukod na ang tuka....
No comments:
Post a Comment