SA AKING PAG-IISA
INSPIRASYON: RUBEN FERRANCO
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 11/27/2011
(TAGANA: 7-7-7-7)
Sa aking pag-iisa
kalungkuta'y nadama
hinahanap-hanap ka
tuwituwina sinta
Ngunit sa paggising
ako ay parang lasing
akala'y sa 'yong piling
at ika'y nilalambing
Dumating na ang hapon
ang isip naglimayon
ang pangarap nabaon
diwa ko ay tumalon
At habang nakatayo
isip lalong lumayo
umasang may aamo
sa pusong nagdurugo
Hinahanap ang ulap
makita ang pangarap
ngunit ulap na hanap
hindi rin mahagilap
At kahit na ang buwan
hindi ko rin malaman
kung ako'y dadamayan
wala sa kinalagyan
Mga ibon tinanaw
kahit sa balintataw
ay wala ring lumitaw
wala man lang naligaw
Dumilim na ang gabi
lalabas na ang kapre
at saka ang buwitre
ang damdamin ay api
Isip di mapakali
lungkot ay nanatili
lumaki ang pighati
at lalong nanaghili
Hanggang kailan kaya
ang aking pag-iisa
hanggang kailan kaya
malasap ang pag-asa
Kung sana d'yan sa langit
ay kaya kung umukit
ng babaing marikit
tititigang malagkit
Ikaw ay pangarapin
at aking iisipin
kahit lang abot-tingin
ang lungkot ay liparin
Kahit na sa ulap lang
bumuo ng nilalang
ay wala ng hahadlang
ang isip ay igalang
Iyan ay panaginip
di nawala ang inip
wala pa ring masilip
wala pa ring malirip
Ang buhay ay ganito
magpakatatag tayo
ito'y laban sa mundo
'wag tayong patatalo
Masdan ang mga ulap
kung mawala mang ganap
makikita ang hanap
pag-asa ay malasap
Kung tayo'y malulupig
sa kawalan tumitig
at iyong maririnig
lamyos ng "kanyang" tinig
At "Siya'y" nakatunghay
sa atin laging gabay
kung pangarap sa buhay
ay mukha ng mabuway
Pag-asa'y abot kamay
at tayo ay maghintay
huwag tayong lulubay
ang "Diyos" ay dadamay
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
a morsel of my youth
A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...
-
CHILD OF A POLITICIAN When I was but seven years old, I already knew what politics means, for I lived in an atmosphere filled with stinki...
-
EPEKTO NG "SHABU" Ma.Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes,10/26/2011 Umaga sa klinika may dumating pala babaeng n...
-
"ANG NARS "Ma. Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes, Sept. 20,2011 (alay ko sa mga Pilipinong Nars) Tawag sa kan...
No comments:
Post a Comment