Saturday, February 25, 2012

ANG PASKO AY PARA SA LAHAT


ANG PASKO AY PARA SA LAHAT
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 11/26/2011

Sa araw ng pasko lahat ay may gayak
Ang mga kristyanong kahit buhay payak
May handang pagkain masarap na tiyak
At tandang ang Pasko'y may saya at galak

Dito nga sa amin kaysaya ng Pasko
Sa bisperas pa lang kami'y magkasalo
Magkakapitbahay ay nakakagulo
Maraming palaro't palitang regalo

Sa umaga pa lang ay merong palaro
At ang mga bata dito ay magtungo
May bunutan sila ng mga regalo
Lahat naman sila may grasyang masalo

At sa gabi naman ay sa matatanda
May handang pagkain mayron pang programa
Meron ngang sayawan at katuwaan pa
Lahat ay masaya lahat ay masigla

Maraming niluto kaysarap ng handa
Lahat ay kakain at libre sa madla
Pagkat itong Pasko masaya ang diwa
May pagmamahalan tayo'y samasama

Bago magsimula tayo ay magdasal
Kahit simpleng dasal tayo ay umusal
At magpasalamat sa grasyang dumatal
Tayo'y pinagpala tayo'y "Kanyang" mahal

May kunting inuman ang kalalakihan
Kahit ang babae'y nakikitagayan
Kaysaya ng lahat merong halakhakan
Sila'y magbiruan masarap pakinggan

Ito't tumugtog na'ng magandang musika
At ang mga tao pumunta sa gitna
Kay lutong ng tawa sumasayaw sila
Ang iba'y nanghila ng mga pareha

Iindak indak pa kay-inam pagmasdan
Bigay todong sayaw dahil kahiyaan
Pagdating sa gitna sila'y laban-laban
Patigasan ng mukha para may tawanan

Bago pa nagtapos lahat magbunutan
Para sa regalo galing sa samahan
Ang bawat miyembro tiyak mabibigyan
Maraming biyaya lahat masiyahan

At pag "alas dose" ay magbatian na
Lahat ay magyakap mag besobeso pa
At ang kasiyahan makita sa mukha
Lahat ay masaya sapagkat Pasko na!

Maligayang Pasko ang aking pagbati
Ating salubungin ng puno ng ngiti
ngayo'y kaarawan may gawa ng lahi
Tayo ay magsaya tayo ay magbunyi

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...