Wednesday, February 22, 2012

SI RAMON DUMALAW SA AMING BAYAN

SI RAMON DUMALAW SA AMING BAYAN
(Bagyo Ramon sa Odiongan)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 10/12/2011

Kidlat nakakagulat
kaylalim ngumangatngat
ang dibdib mawawarat

Hanging pumapagaspas
sobra namang lumakas
at kaybilis humampas

Dumagundong ang kulog
ginising ang natulog
kamuntik ng mahulog

Dumilim ang paligid
ang luha ay nangilid
sa pisngi ay tumawid

Ulan ay naghabulan
rumagasang tuluyan
ang bundok tinakbuhan

Pagkat ang ating bundok
walang natirang buhok
inubos ng dayukdok

'Di ba tayo kikibo
itong mga palalo
sila ay walang puso

Kailan ba tigilan
ang pagsira sa bayan
tao ang mapilayan

Bakit ba aming banwa
ay nalunod sa baha
ng bagyo ay lumala

Hindi mo ba nakita
ang baha naglipana
walang makitang lupa

Tanima'y naging dagat
walang kamukat-mukat
tubig ay sumambulat

dapat ka bang matuwa
at kami ay nasira
mukhang kaawa-awa

Gusto mo ba talaga
kami ay madapa na
at tuluyang tumumba

Ang bubong ay lumipad
bahay ay nakahubad
mukha pa bang mapalad

Ang kalsada'y nabitak
nagmukhang balong payak
nauka at nawakwak

Ikaw ba'y natutuwa
gutom ang mga bata
nanginig ang 'yong kapwa

Halina at magtanim
ang buhay di dumilim
Mukha'y wag kumulimlim

Tayo na at magdasal
at bagyo ay babagal
umalis ang sagabal

Ang ulan ay humupa
ang baha ay bumaba
ang basura'y nakita

Maglilinis na naman
tayo ay magkuskusan
buhay ay sadyang ganyan

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...