Wednesday, February 22, 2012

KAYGANDA NG BUHAY

KAYGANDA NG BUHAY
(Inspirasyon ang background:
Picture of Evanly Marie)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 11/19/2011

Itong ating buhay parang isang dagat
At mas malawak pa kung ito'y sinukat
At napakalalim kung iyong sisirin
para lang damdaming 'di kayang arukin

Hindi kailangang ubusin ang oras
Pagsukat ng buhay kung saan ang landas
Di ka matatapos kay hirap lumunoy
Hayaang dumaloy kung saan tutuloy

Ika'y magsaliksik kung saan ang isip
Nang iyong malaman at huwag mainip
Ang buhay ay ganyan liku-likong daan
Bantayan ang hakbang huwag mong tulinan

Sa ating paglakbay ay may nakatunghay
Ang ating D'yos Ama sa atin ay gabay
Landas ay matuwid madaling tumawid
Wag ka lang pipilit sa daang makitid

At sa 'yong paglakbay namnamin ang buhay
At maging masaya iwaglit ang lumbay
Ialis sa puso lahat ng siphayo
Habang nasa mundo maging makatao

'Wag nating hayaang buhay ay masayang
'Wag tatamad-tamad at oras kukulang
Harapin ang buhay ng ubod ng tatag
Buhay ay madali sa "Kanya'y" tumawag

Itong kapalaran nati'y iba-iba
Para lang daliri kaiba ang haba
Sampu'y magkaiba para lang hinabi
Katulad sa tao iba rin ang uri

Itong ating buhay tayo ang may gawa
Tayo ang pipili saan liligaya
Pagkat tayo nama'y binigyan ng isip
At makapamili ang buhay masagip

Para lang naghanap nga sigay sa dagat
Kung saan masalat ang paa'y itapat
At kapag nakuha ikaw ay matuwa
Parang isang buhay tadhan'y nakita

Kapag kasing kunti ng sigay ang swerti
Ika'y magsumikap na s'ya ay mahuli
Ang buhay ay ganyan swerti ay madalang
'Wag ka lang gumaya d'yan sa magugulang

Itong kasiyahan sa ating harapan
Tayo ang may gawa kung anong mainam
Piliin ang buhay na tigib ng saya
At ang kapalaran kaiga-igaya

Tingnan mo ang dagat kung wala ang kidlat
Wala rin ang kulog ang ulan ay salat
Parang isang buhay masaya't tahimik
Walang suliranin sa buhay ay tinik


Ano nga ba ang buhay?
Ito ba ay kung ano ang ating
pinili o ito'y kapalaran?

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...