KALULUWA BAY NAGLIPANA?
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 10/20/2011
Ng umalis si Undoy
nag-iwan ng panaghoy
kaluluwa'y natukoy
Sa itaas ng bahay
sa "roof top" tumatambay
mga gamit hinalukay
Pagkat gamit nabasa
maraming pang nasira
ng bagyong nanalasa
At habang nag-aayos
mga gamit kinuskos
ang tubig umaagos
Madilim no'n ang langit
panahon ay masungit
para bang nagngingitngit
Nagtatago ang buwan
nakakatakot tingnan
parang di makayanan
Maya-maya'y nagulat
mata'y napamulagat
lumuwa todo dilat
Sapagkat alas dose
muli ay hating gabi
lumabas mga duwinde
Ngunit duwinde kaya
o mga kaluluwa
dito ay naglipana
Pagkat maraming buhay
sa bagyo ay nawalay
kaluluwa'y namahay
Sila ay umiikot
kaluluwang natakot
kung saan mamaluktot
Di agad nakakilos
hininga ay kinapos
paa ay itinulos
Sapagkat sa paligid
hangin ay nagpabatid
at lamig inihatid
Mayrong hanging humampas
sa mukha'y pumalaspas
may ibong pumagaspas
Ang buhok ay tumirik
may alambreng pumitik
ang ulo ay nahindik
Ang katawa'y nanginig
parang di makatindig
heto't may nakatitig
Katawan ay nanigas
mukha'y di maitaas
ulirat tumatakas
Maya-maya'y nagdasal
Ama nami'y inusal
Ulit ulit ang dasal
Kanta ng Ave Maria
paulit-ulit siya
hanggang mag-ala una
Natapos ang pagdasal
abot Langit ang usal
narinig ng Maykapal
Unti-unting nawala
katawan ay kinapa
isip ay umunawa
Ngunit wala talaga
ang isip ang may sala
puro takot napala
Kung anong naranasan
ang Diyos may alam n'yan
di abot kaalaman
Magandang karanasan
Tayo ay magkwentuhan
sa undas maghuntahan
Undas ay nalalapit
pyesta nila'y sasapit
kaluluwa'y kandirit
Kayo ba'y may kwento rin sa araw ng kaluluwa?
No comments:
Post a Comment