Wednesday, February 22, 2012

‎"SIR" AT "MA'AM"

‎"SIR" AT "MA'AM" 
HAPPY "WORLD TEACHER'S DAY" SA INYONG LAHAT
Ma. Crozalle Reyes. Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes 10/5/ 2011

Kung meron man tayong/ pinagkautangan
Nitong edukasyon/ huwag kalimutan
Dahil kay "Sir" at "Ma'am"/ ang lahat ng iyan
Kaya dapat sila'y/ ating parangalan

Nong anim na taon/ gustong mag-eskwela
Kamay ko'y nilagay/ papunta sa tenga
Umikot sa likod/ pinipilit sana
Sadya ngang maikli/ hindi pa raw kaya

Ako ay umuwi/ sibangot maghapon
Nag-hintay na naman/ ng pagkakataon
Lumipas ang buwan/ Ngayo'y pitong taon
Tinanggap na ni "Ma'am"/ lahat ay umayon

At sa arawa-araw/ si "ma'am" ang kasama
Ako'y tuturuan/ sa aking pagbasa
Ako'y taas noo/ pagpasok maaga
Libro'y dala-dala/ ako'y maalam na

Ngayon ay hayskul na/ at ako'y lumaki
Iba ng "Sir" at "Ma'am"/ ang kasama lagi
Sa asaynment hirap/ sinagot sa gabi
Isang estudyante/ mag-aral mabuti

Aming mga titser/ sa ami'y mabait
Kasama pa namin/ kung saan sasabit
Paglabas ng iskul/ punta sa malapit
Kainan sa labas/ kay "Sir" nakakupit

Ito namang si "Ma'am"/ maypagkatsismosa
Away ng mag-irog/ s'ya ay nakagitna
Kunyari may utos/ sa aming dalawa
Kami'y magkasama/ kami'y matatawa

Pagtapos ng klase/ kami'y kinumbida
Punta sa kanila/ meryenda'y handa na
'Yon pala'y bertdey n'ya/ sekreto lang pala
Kami ay natawa/ regalo'y wala pa

Ayan si "Sir" at "Ma'am"/ pag-uwi'y may gawa
'Di makapahinga/ "lesson plan" ihanda
Dala pa sa bahay/ ang titser kawawa
Samantalang iba'y/ pahiga-higa na

At sa koleheyo/ may "Sir" at "Ma'am" pa rin
Kasama rin sila/ sa ating lakbayin
Hanggang sa matapos/ tayo'y tutuwirin
Tutulungan tayo/ sa tamang landasin

Mga aktibidad/ sa iskul kasama
Hindi magpabaya/ at laging suporta
Tagapalakpak din/ kapag nanalo ka
Kasama sa lungkot/ at saka ligaya

Sa aming "Sir" at "Ma'am"/ kaibigang tapat
Taos puso kaming/ nagpapasalamat
Ngayon ay araw nyo/ sadyang nararapat
Bigyan ng parangal/ at karapat dapat

Ating mga guro/ ay dapat mahalin
Pangalawang-ina/ handang kalingain
Mga mag-aaral/ makulit pa mandin
'Wag silang biguin/ magtapos sikapin


Good morning "Sir"....Good morning "Ma'am"....
"ako na po magdadala nyan"...hehehe sipsip....

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...