Friday, March 16, 2012
SA LIKOD NG MGA HIKBI
SA LIKOD NG MGA HIKBI
Inspirasyon: sulat ni Diane para sa kanyang ama
www.weenweenreyes.blogspot.com
Wee-ween Reyes, 3/16/2012
Habang nag-iisa ay aking nadama
Yaring kalungkutan magmula ng bata
Kaysakit sa dibdib mata ay lumuha
Mahirap tanggaping lumaki sa dusa
Ang aking akala nung ako'y bata pa
Ika'y sa malayo para lang kumita
Ngunit sa paglaki'y naunawaan na
Ang katotohanan ay kaysakit pala
Puso'y tumatangis bawat mga oras
Gustong kumawala maghanap ng lunas
Sapagkat sa buhay may isang pangahas
At naging sagabal sa tuwid na landas
Ngunit bakit ina ikaw ay lumayo
Kami ay naiwan salat sa pagsuyo
Ika'y nagtrabaho doon sa malayo
Para ipakita kaya mong tumayo
At ang aking ina gaya ko'y nagdusa
At ang bawat gabi s'ya ay nag-iisa
Sa bawat pag-iyak ako ay naawa
At sa batang musmos galit ang nadama
Bakit kailangang anak ang magdala
Sa mga problema ng ama at ina
Ang dapat nga sana sila ang gigiya
At sa tamang daan kami ay mapunta
Sa aking paglaki ay aking hinanap
Ang mahal kung ama na aking pangarap
Kaysakit malaman wala sa hinagap
Wala na sa piling wala ng paglingap
Mulang magkaisip ang buhay ay hungkag
At ang aking puso ay halos malaglag
Ang katahimikan ay gustong mabasag
Nagulo ang diwa hindi mapanatag
Sa bawat pagtibok nyaring aking puso
Sana ay madama itong panibugho
Sa lakas ng pintig ay halos dumugo
At nagsusumigaw saan ang pangako
Paano na Ama ang mga sandali
Ang aking damdaming hanap ay kandili
Itong naranasan ay sobra ang hapdi
Sa mga paghikbi labi'y naging pipi
Sa mga pasakit na aking nadama
Sa sama ng loob na ikaw maygawa
Kanino isumbat itong lahat ama
May mabago pa ba sa pusong naaba?
Naisip mo rin ba sana ay naawa
Sa gaya kung bata mawalan ng ama
Minsan naghahanap ng iyong pagpala
Na masasandalan sa batang problema
Kanino ba Ama, kaninong balikat?
Kung ako'y luluha sino ba ang dapat?
Ang iyong kalinga iyon sana'y sapat
Ang aking pag-iyak doon lang maawat
At sa aming paglaki hindi mo narinig
Ang mga hagikhik na nakakakilig
Ang 'yong mga yakap na nakakaantig
Sana'y naihayag sa buong daigdig
Kaysarap mangarap kahit pa huli na
At sasariwain ang mga alaala
Nakaw na sandali dapat amin sana
Naagaw ng iba kasama si ama
Ang laman ng dibdib ay sama ng loob
Hanggang sa paglaki ay siyang lumukob
Sa aking isipan ay meron ng kutob
Ikaw ay mawalay sa iba kukubkob
Sana ay matapos ang aking paghikbi
At mga pasakit hindi manatili
Sana ang pagtangi bumalik na muli
Sana'y makalimot sa mga pighati
Sa likod ng hikbi ang pusong nalungi
At naghuhumiyaw sakit ay masidhi
Sana'y makatayo makangiting muli
At muling aasa sa saya mauwi
Ako'y magdarasal sa Poong Maykapal
Bigyang katuparan itong aking usal
Na sana'y kasihan kunting pagmamahal
Ako'y maghihintay hindi mapapanghal
Sana Panginoon Ako'y inyong dinggin
Aking panalangin at mga mithiin
Sa "'Yong" mga kamay sana'y pagpalain
Itong aming buhay sana ay lingapin
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
a morsel of my youth
A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...
-
CHILD OF A POLITICIAN When I was but seven years old, I already knew what politics means, for I lived in an atmosphere filled with stinki...
-
EPEKTO NG "SHABU" Ma.Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes,10/26/2011 Umaga sa klinika may dumating pala babaeng n...
-
"ANG NARS "Ma. Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes, Sept. 20,2011 (alay ko sa mga Pilipinong Nars) Tawag sa kan...
No comments:
Post a Comment