Sunday, March 4, 2012

KWERDAS NA LUMA




KWERDAS NA LUMA
Inspiration: photo of Ruben Ferranco
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 2/21/2012

Likas na sa ating mga Pilipino
Gitara'y tipahin pag puso'y magulo
At tayo'y aawit malungkot ang tono
At saka titingin doon sa malayo

Kay gandang pakinggan tunog ng gitara
Kahit lumangluma kaysarap sa tenga
Ako'y napaluha ngayong marinig ka
Aking naalala nong ako'y bata pa

Pagsapit ng hapon sa bangko'y uupo
Habang tumitipa ako'y nakayuko
Aking ninanamnam ang bawat teklado
At muling hahagod ng isang pagsuyo

At sa bawat kumpas nitong aking kamay
Malamyos na boses aking isasabay
At sa kalungkutan aking ibabagay
Dahil ang awiti'y walang kasinglumbay

At bawat taginting ng lumang gitara
Agad ay luluha itong aking mata
Pagkat naalala ang iyong pagsinta
Mula ng mawala di na nakakanta

Ang kwerdas na luma ay di na natipa
Pagsapit ng dilim tugtog ay nawala
Sadyang nilimot na kasabay ng sinta
Ang pusong nasaktan nawalan ng sigla

Ngunit bakit ngayon ang puso'y umawit
Pagkat ang kahapo'y bigla ng nawaglit
Ang aking naisip ay magandang awit
At bagong pag-ibig ang aking nasambit

Pagsapit ng gabi ay muling titipa
Muling maalala ang iyong ginawa
Ngunit kapag puso ay aking kinapa
Wala na ang hapdi sakit ay nawala

At muling gumanda tunog ng gitara
At muling sumabay at muling kumanta
Kaysarap umawit kung puso'y masaya
Sa langit aabot ang ngiting kayganda

Ang kwerdas na luma kahit kalawangin
Ng aking tinipa kay lambing kung dinggin
Lumipad ang tunog kasama ng hangin
Humalo sa ulap sa himpapawirin

Ang gitarang luma'y mapakinabangan
Pag ang puso'y sawi o sa kasiyahan
Kaylungkot ng kanta pag ika'y iniwan
Ngunit kaysaya rin kapag nag-ibigan

Sadyang ang gitara ay walang panahon
Kaygandang libangan pagdating ng hapon
Tayo'y gumitara kaysa ta'y magumon
Sa bawal na gamot at alak na lason

Ganyan nga talaga ang nakagawian
Binata't dalaga'y pwedeng magkantahan
Wala pa noon ang mga bidyuhan
Kaya't sa gitara ay nag uumpukan

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...