Friday, March 16, 2012

MINSAN LANG MAGING BATA


MINSAN LANG MAGING BATA
www.weenweenreyes.blogspot.com
Inspirasyon: angel ni Luzviminda Ginete Reyes
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 3/16/2012

Nung ika'y musmos pa aking naalala
Kaysarap halikan sa dibdib ay tuwa
Ang 'yong mga yakap kaysarap madama
Kapit ng daliri kiliti sa mukha

Kaytambok ng pisngi kaysarap pisilin
Ang mga ngiti mong kay hirap arukin
Ang yong mga matang kaylagkit tumingin
Parang nanunukat kaylalim liripin

Sa bawat paghakbang ay iyong pagmasdan
Sa unang pagtakbo ay iyong unahan
Sa bawat pagdapa iyong pabayaan
At ng makadama minsan ay masaktan

Sa bawat hagikhik sabay kang bumirit
At sa bawat sigaw ika'y kumandirit
Sa bawat pag-iyak hayaang lumapit
At iyong hagurin kung saan masakit

Kahit ka mapuyat sa buong magdamag
Hindi ka mapagod kaalama'y dagdag
Sapagkat pag-ibig sa puso ay hayag
Dahil pagmamahal ang nagpapatatag

Tunay ngang kaysarap kung balikbalikan
Panahong nagdaan n'yaring kabataan
Hindi mawawala hindi malimutan
Ang mga kahapong tuluyang nagdaan

Minsan lang talaga tayo maging bata
Kaya't ating damhin ang bawat ligaya
Sapagkat ang noon tiyak mawawala
Tayo ay lalaki, tayo ay tatanda

Sa ating paglaki and'yan ang D'yos Ama
Sa ati'y gagabay dulot ay pag-asa
At sa daraanan rosas ang kapara
At wala ang tinik pagkat "S'ya'y" kasama

1 comment:

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...