ARAW NG MGA PUSO
(Valentine's Day)
Ma, Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 2/13/2012
Valentine's Day na naman! Mabentang mabenta na naman ang mga Flower shops dahil sa mga pulang rosas, tulips at iba pang magagandang bulaklak, ang mga lobong pula na hugis puso, ang mga valentine's card, ang mga tutang may pulang heart na naka kwentas sa leeg, ang mga chocolates sa hugis puso na kahon, ang mga greetings sa text at mga tawag, ang mga sarisaring regalo, ang mga e-mails, ang mga pag chat sa skype, ang mga posts ng pagbati sa FB at iba't iba pang pagpapahayag ng pag-ibig.
Ang mga hotels, ang mga motels at iba't ibang pasyalan ay punung puno para i celebrate sa kanikanilang paraan ang valentine's day. Mayaman o dukha, lahat ay may paraan kung paano pasayahin ang kanilang selebrasyon ng kanilang pagmamahalan. Ang importante ay maipahayag ang pagmamahal sa iyong asawa, sa iyong kasintahan o kahit sa manliligaw pa lang. Pero para sa akin ang pag-ibig ay para sa lahat.
Pero para sa akin hindi isang simpleng "Happy Valentine's Day" ang gusto kong pagbati galing sa mga minamahal, mas nakikilig ako (kita n'yo may kilig pa talaga ang may akda) pag merong kalakip na I love you ang kanilang pagbati. Sa dami ng pinilian ko ito ang napili kong picture na ilakip sa aking write-up. Ito ang nakakauha ng aking pansin.
Ang Valentine's Day ay nagsimula sa istorya ng isang Pari na matigas ang ulo at sinuway ang kautusan ng malupit na Emperor Claudius II noong panahon ng Roman Empire para idepensa ang pag-ibig ng mga gustong magpakasal. Ang mga lalaki ay ayaw magsundalo dahil ayaw iwanan ang mga mahal na asawa kaya't pinatigil ang mga engagement at kasalan.
Pero ang kristyanong pari na si Padre Valentine ay patagong nagkasal dahil naaawa s'ya sa mga gustong magpakasal. Ngunit ito'y nakaabot sa kaalaman ng Emperor kaya't s'ya ay nakulong hanggang doon na rin inabot ng kamatayan noong February 14 taong 270. Pero ilang daang taon pa ang lumipas bago ito kinilala. Kaya hayaan na natin ang ibang istorya, hahaba lang ang ating usapan.
Para sa akin, sa ating panahon ang Valentine's day ay para sa lahat. Pwede sa pamilya, sa lola , sa nanay, sa kapatid at sa mga kamag-anak. Pwede rin ito sa magkaibigan, kumare, kumpare at kapitbahay. Ang Valentine's day ay simbolo ng pag-ibig. Kaya ito ay para sa lahat tutal yan ay nanggaling sa dalawang taong umibig at lahat tayo ay produkto ng dalawang taong iyon.
Pwede nating e share ang kahalagahan nito sa mg taong gusto nating bigyan ng pagpapahalaga. kahit ang buong pamilya ay pwedeng mag celebrate na magkasama sa okasyong ito. Hindi rin kailangang malungkot ang mga walang asawa, pwede mong yayain ang mga kaibigan o mga pamangkin. "Yong iniwan o nawalan ng asawa, pwede mong icelebrate ito kasama ang mga anak at gawing masaya ang araw kaysa magmukmok.
'Yong walang boyfriend siguro naman may mga friends ka naman o mga kaklase na wala ring mga "jowaers". 'Yong broken hearted, naku bakit ka mag se self pitty o magsesenti samantalang yong ex mo nagpapakasaya sa iba. Aba'y di magsaya ka rin. Di naman s'ya ang humahawak sa buhay mo. Bigyan mo ng pagpapahaga ang iyong sarili. It's not the end of the world yet. Maraming paraan para maging masaya at ikaw lang ang makakapagpasaya sa iyong sarili.
Kumain ng masarap sa valentine's day para maging masaya kung talagang wala kang maisasama. Kung ayaw mong mainggit at makita ang mga magpartners sa mga restaurant o mga fast foods bumili na lang ng masasarap na pagkain at sa bahay na kumain at manood ng masasayang video o sama sa friend sa kanila at magpalipas ng oras. Maraming paraan kaibigan. Wag n'yong sayangin ang araw na pwede naman kayong maging masaya.
Ang pag-ibig ay nasa puso natin, hindi kailangang manggaling sa iba para tayo ay maging masaya. At sa lahat ng kasiyahan bukas ay huwag nating kalimutang isama ang ating Panginoon. Magpasalamat tayo sa Kanya sa pagbibigay ng saya sa ating mga puso dahil kung wala ang Diyos wala ring pag-ibig.....HAPPY VALENTINE'S DAY SA ATING LAHAT......
No comments:
Post a Comment