Sunday, March 4, 2012

PANAGHOY NG ISANG ANAK


PANAGHOY NG ISANG ANAK
Inspirasyon: Rosemarie De Leon Fainsan 
Ma. Crozalle Reyes raymundo
a.k.a. Weee-ween Reyes, 8/22/2011

Noong ako'y bata aking naalala
Siya'y mapagmahal at napakaganda
Pinupunasan n'ya ng pawis si Ama
Pagkaing masarap ay t'yak nakahanda

S'ya ang aming nanay sa ami'y lumingap
Kasama rin namin sa bawat pangarap
Nagsikap sa buhay mag-isang hinarap
S'yang aming patnubay sa hirap at sarap

Sa aking pagtulog alam mo ba Nanay 
Sa panaginip ko kayo'y naglalakbay
Laging magkasama ikaw at si tatay
Pagdating sa bahay ngiti'y naghihintay

Ngunit bakit kaya sa aking pag-uwi
Hungkag ang paligid ngiti ko'y napawi
Pagbukas ng pinto nag-iisa't sawi
At kayong dalawa sa "Kanya umuwi"

Ang hirap ng buhay ng wala si nanay
Pag-uwi'y magluto,maglaba't magsampay
Ang mga kapatid sa buhay ang gabay
Sa mga problema'y laging hawak-kamay

Nawala si Ama at 'yong tinaguyod
Siyam kaming anak sa yo'y nakasunod
Iyong pinag-aral sumakit ang likod
Ikaw ay dakila di ka tumalikod

At sa paglilibot pamilya'y namasdan
Ina'y sa kaliwa, ama ay sa kanan
Paano ako Nanay, si Tatay lumisan
Bumilang ng taon at iyong sinundan 

Sadya bang ganito talaga ang buhay?
Puno ng pighati paa ko'y napilay
Sa mga panahong walang aalalay
Lambing mo'y hinanap, at hagod ng kamay

Pinakamamahal naming Tatay't Nanay
Kahit sa alala kami'y mag-aalay
Laging naalala kahit pa nawalay
Sa "Kanyang" kadungan kayo'y nababagay

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...