Tuesday, March 6, 2012

BODA DE ORO


‎...BODA DE ORO...
(Golden Wedding)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k. Wee-ween Reyes, 3/4/2012

Kasal ba ay ano sa buhay ng tao?
Isa lang bang papel na inyong tinago?
At pag kailangan ng mga anak n'yo
Agad ay i zerox ay muling itago 

At sa magsing-irog ito'y mahalaga
Sapagkat patunay na s'ya ang asawa
At may karapatan ang isa sa isa
Sila'y magkasama hirap ma't ginhawa

At d'yan nagsimula ang bilang na isa
Hanggang nadagdagan isa'y nagdalawa
Ng ito'y umusad ay naging tatlo na
Hanggang sa lumaon ay naging singkwenta

Ang "Boda de Oro" kaya'y mahalaga?
Sa buhay ng tao bilang mag-asawa
Kaysarap makasal ginto ang kapara
Di mo aasahan kung abutin mo pa

Ang limampung taon kaybagal tumakbo
Kayraming pumitik na uban sa ulo
At ang mag-asawa'y naging lola't lolo
Hanggang sa dumating ang boda de oro

Hindi birong hirap itong naranasan
Hindi lang pag-ibig ang naging dahilan
Problema'y tiniis at nakipaglaban
Pamilya'y binuo respetong puhunan

Sa bagong panahon ilan ang ganito
Kung ang magsing-irog ay iba ang uso
Kasama sa buhay ay pabagubago
Ang pag-aasawa ay mukhang magulo

Paano bibilang ng taong nagsama
Kung wala yang kasal sa pag-aasawa
Bigla lang nagsama at mag-asawa na
Wala namang basbas ang ating D'yos Ama

Kaya importante tayo'y magpakasal
At may karapatan sa ating minahal
Huwag kang pumayag na ika'y masakal
Sa isang relasyong wala namang kasal

Pagdating ng araw ay muling bilangin
At araw ng kasal ay muling namnamin
Ang inyong tagumpay ngayon ay lasapin
Ang boda de oro ngayo'y nakahain

At iyong sinuot ang baro na ginto
Ito ay patunay wagas ang pagsuyo
Ang mga panahon na inyong binuno
Kaysarap balikan kung inyong matanto

Sa harap ng altar muli ay nangako
Pag-ibig na tunay ang puhunan nito
Ang kanilang abay ang anak at apo
Kaysarap abutin ang "boda de oro"

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...