DAKILA KA INAY WALANG KAPANTAY
(Inspirasyon: Vher Fadrix)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 08/15/2011
Siyam na buwan anak ay inasam-asam
Paglabas sa mundo ina'y walang alam
Puyat at pagod at pusong aagam-agam
Tulad ng ama pag-alaga'y di mainam
Ngunit bakit ina ay sadyang kainaman
Pag-aalaga sa anak madaling natutunan
Gabi'y ginawang araw para masubaybayan
Anak na nililiyag kanyang kayamanan
Kung s'ya'y magkasakit ina'y di maidlip
Nagbabantay magdamag lagi s'yang sinisilip
Pagod sa maghapon naglalaba'y naidlip
Hindi alintana kahit dibdib masikip
Ng dumagundong ang kulog na matunog
Anak ay nangalog akala ay may nahulog
Kumunyapit sa ina ang kanina'y nangatog
At sa kanyang dibdib mahimbing natulog
Ina ay hindi lang tagaluto't tagalinis
Tagapayo ng anak paglaki'y di malihis
Ang Kalooban nito'y kanya ring hinugis
Pagkilala sa Diyos puso n'ya'y malinis
Ngunit alam n'yo ba gaano s'ya kadakila
Buhay n'ya'y isusugal hirap di alintana
Mapalaking maayos anak di maging kawawa
Handang magtiis umagos man kanyang luha
At Anak ay nagitla sa kanyang nakita
Dating kabataan lumipas na't nawala
Ina'y tumanda at kulubot na ang mukha
Mata'y lumabo na't lakas n'ya'y nawala
At pagsapit ng dapithapon sa iyong buhay
Pagmamahal sa iyo'y akin ding iaalay
Aalagaan kita't aalalayan ang mga kamay
Ibubulong sa iyo "mahal na mahal kita Inay"
No comments:
Post a Comment