Saturday, March 3, 2012

BABAERO 1


"BABAERO" 1
Ma Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Weeween Reyes, 02/5/2012



Sa mga "BABAERO", hinihikayat ko kayo na basahin ang kwentong ito kahit hindi kayo mag like. Just read this silently. Baka makatulong ito sa inyo para magbagong buhay. Pero kung kayo'y "DI BABAERO" maglike kayo with pride. Maraming salamat. "May akda"
...

----------B-----A-----B-----A-----E-----R-----O----------


PALEKERO

Bakit kaya ang tao
Hindi nakukuntento
May asawang matino
Nagpapakapalalo

Bakit hindi sinupin
At buhay ay isipin
Kita ay palaguin
Pamilya'y pagyamanin

Kayganda ng simula
May basbas sa D'yos Ama
Bigla lang masisira
Ng isang palamara

Pag-asawa'y ayusin
At iyong seryusuhin
Kasal ay respetuhin
Sagrado ang usapin

Itong pag-aasawa
Ay hindi basta basta
Hindi mailuluwa
Pag napasong bunganga

Pumili kang mabuti
Ugali'y importante
Wag isipin ang pogi
At baka ka mapike

Ang piliing lalaki
May malinis na budhi
Maganda ang kalibre
Ang pagkatao'y simple

BABAERO, BOHEMYO, PALEKERO, BOLERO, KALIWETE, PLAYBOY, ano pa?

UNANG BATO:

Minsan talaga ang buhay mapaglaro. Gusto mo man magpakatalino sa pagpili ng katuwang sa buhay ay napapalso ka pa rin. "Kakapili lalong napupunta sa pasi.", "Kakapili lalong napupunta sa bungi". Yan ang madalas sabihin ng matatanda nong araw sa babaeng pihikan.(Pasentabi lang po sa bungi ha kasabihan lang po yon.)Pero doon talaga tumibok ang puso ni Marina eh. Sa idad na 30 ay maraming manliligaw ang dalaga. Dahil nakita ng lalaki kung gaano s'ya kasinop sa buhay na babae at masipag talaga. Hindi lang s'ya nakokontento na may trabaho.

Magaling s'yang maghanapbuhay. Lagi s'yang naghahanap ng paraan na madagdagan pa ang kanyang kita. Kung ikaw nga naman ay marriageable age na lalaki aba'y makipila ka na rin kay Marina at tiyak buhay ang pamilya mo. Kaya malimit s'yang ireto ng mga may kamag-anak na binata kasi may itsura naman at mabait pa tapos talagang masipag na babae.

Ngayon lang n'ya masyadong nabigyang pansin ang mga lalaki kasi. Tumulong pa s'yang magpaaral ng mga kapatid dahil maaga silang naulila. Apat silang magkapatid at s'ya ang panganay kaya ng mawala ang kanilang mga magulang ay sa kanya naatang ang responsibilidad. Nakatapos s'ya ng secretarial sa tulong ng mga tiyahin kaya ng magkatrabaho ay pinilit ding maigapang ang kanyang mga kapatid.

Ngunit dahil maliit lang ang sweldo ay nagsikap s'ya na matuto ng ibang pagkakakitaan. Nag-aral s'yang manggupit, magkulot at manahi. Wala s'yang sinayang na oras kundi maghanap lagi ng pagkakakitaan at ng mapaaral ang mga kapatid.

Nang makatapos ang mga ito at magkaroon na ng sariling pinagkikitaan ay nagdecide si Marina na asikasuhin naman ang sarili at bigyang oras ang kanyang lovelife. Aba'y mabuti pa nga si Marina kaysa dito sa ating mga kasama na walang mga boyfriend. Si Marina ay matangkad na babae mga 5'6" ang height pero morena ang ganda n'ya. Dahil siguro nakita ng mga lalaki na magaling maghanapbuhay kaya't tatlo
tatlo ang sabay na nanligaw sa kanya. Feeling tuloy n'ya ang long hair, long hair n'ya. Sabi nga ay, "the envy of girls and the admiration of boys." Imagine ka sa idad mong trenta tatlo ang nag-aagawan sa beauty mo.

Sa madaling sabi ay nakapili na s'ya ng kanyang mamahalin. Dahil nga siguro morena s'ya ay pinili n'ya yong medyo tisoy tisoy sa kanyang mga manliligaw. Aba'y Kung si Randy daw ang pipiliin n'ya ay mukhang kulang pa raw ang sweldo para sa kanilang dalawa ay paano pa raw kung magkaanak pa sila. Ngayon kung si Norman naman ay hindi naman talaga n'ya type dahil malaki ang tiyan, para bang sinabi n'ya na sugapa sa alak. Kaya ito ang napili n'ya pogi na nag-iisa pang anak na lalaki kung baga sa espaƱol ay "unico hijo". Kasi ang nag-iisang kapatid n'ya ay babae.

Aba'y malakas pang magregalo ang nanay. Tuwing mapapasyal sa kapatid ay may daladalang mga prutas at gulay kayat tiyak meron ding para kay Marina. Minsan pa nga merong buhay na manok o kaya daing na isda.kaya ayon na inlove nang tuluyan si Marina. Taga kabilang bayan si Roy kaya hindi kilala ni Marina ang totoong kabuhayan. Pero ang tiyahin nito ay mayaman at kababayan ni Marina kaya iyon na lang ang kanyang pinanghahawakan na pagkikilanlan sa boyfriend.

Enireto sa kanya ni Tita Rosa si Roy, customer n'ya sa gupit at kulot. Tamad kasi si Tita Rosa pumunta sa parlor kaya naging suki s'ya ni Marina mula't sapul.Ayon na nga dahil sa medyo parehas ng may idad, mas matanda lang ng isang taon si Marina ay napagkasunduan nila na magpakasal na agad. Bongga ang kasal, dahil si marina ay kilala rin sa kanilang lugar. Spoiled din sa ina itong si Roy kaya kayat inasikaso din ang pagpapakasal ng anak. At ito si Roy mismo ay galante rin kaya napaniwala nila si Marina na may mga bienes sila kahit hindi sabihin.

Pag nanamit din itong boyfriend n'ya ay talagang heman na heman naman, kala mo nga may sinabi rin. Nainlove din talaga todo si Marina sa asawa . Tingin nga n'ya swerti na rin n'ya kasi trenta anyos na s'ya may natiklo pang ganito ka gwapo.

Ng makasal ay lumipat na sila ng tirahan. Unti unti ay nakilala na ni Marina itong kanyang asawa nong sila ay nakabukod na. Hindi pala regular ang trabaho nito at mukhang may pagkabatugan. Minsan pag walang trabaho, na mas malimit ngang wala talaga ay nakahilata lang maghapon sa kama. Ni hindi makatulong kahit sa paglalaba at paghugas ng plato. Parang pensyonado pala ito.

Dati, nong bago palang sila ay pinababayaan lang n'ya ngunit nong tumagal parang naiireta na rin s'ya. Biro mo nga naman buntis ka, galing ka pa sa trabaho pagdating mo ikaw pa magluto. Pero nand'yan na. kasal na sila at mahal naman talaga n'ya kesa doon sa dalawa kaya ito ang sinagot n'ya. Kaya nga dapat talaga sa mag-asawa day one pa lang ay magset ka na talaga ng rules. Pag nakasanayan na, iyon na talaga
ang maging kalakaran sa loob ng bahay.

Totoo ngang "ang pag-aasawa ay hindi kaning isusubo na pag napaso ay mailuluwa mo." Pero talagang sa tatlo n'yang manliligaw si Roy lang ang natutunan n'yang mahalin Yong ibang dahilan ay excuses na lang n'ya pero mas gwapo naman talaga itong di hamak kesa sa dalawa. Maputi si Roy at matangkad, siguro mga 5'10" ang height kaya bagay na bagay silang dalawa ni Marina. Pero sa physical na kaanyuan lang bagay. Para bang nagsama ka ng isang masipag at batugan. Kulang na lang magsisi si Marina.

Matuling lumipas ang mga araw at naging buwan, at nabuntis si Marina. Busy busy naman s'ya sa trabaho kaya itong asawa ay naiwan lagi sa bahay. Aba minsan nakita ng kapitbahay na kinikiskis ni Roy ang paa n'ya sa paa ni Estrella habang nagmamadjong at di naman nagrereklamo ang babae. Pero mukhang totoo nga. Kasi nagtataka si Marina bakit hindi na yata nag e effort si Roy maghanap ng trabahong matino at laging humihingi ng pera sa kanya.

Nabanggit din ng kanyang kapatid na nakita ang bayaw na nagmamadjong sa kapitbahay. Pero di na lang pinansin at akala ay nababagot lang. Pero yong sinasabi ng kapitbahay ayaw n'yang paniwalaan kasi napakaaga pa para pag-isipan n'ya ng masama ang asawa. Sabi nga ng kapatid n'ya ng ikwento n'ya ang tsismis ng kapitbahay, "Ate kung may usok, may sunog". Pero ipinagkibitbalikat lang n'ya

Pero lately nagtataka s'ya bakit parang laging mabango ang asawa ay wala namang trabaho. May nalalabhan s'ya minsan na damit na panlakad wala namang sinasabing lakad ahah medyo kinukutuban na ata ang babae. Naalala na rin n'ya minsan may nadukot s'yang tissue paper sa bulsa nito.

Umaga na naman nagbihis na si Marina para pumasok as usual. Pero pagdating sa kanto tumayo lang hindi naman sumakay ng jeep, maya maya bumalik. Pagdating n'ya sa bahay nakakandado ito, tapos natanaw n'ya ang asawa, nakabihis, lumalakad papunta sa oposite direction kaya hindi sila nagkasalubong. Kaya ang ginawa ni Marina ay sinundan ang asawa. Pero patago tago para hindi s'ya mapansin. Ng bigla itong lumingon halos mapaanak si Marina sa pagtago tricycle na nadaanan n'yakasi masyadong mababa nahirapan s'yang pumasok. Mabuti lang tumuloy ulit ng lakad ang asawa hanggang makapasok sa gate ng pagmamadjongan

"Totoo nga dito pala nagmamadjong itong asawa ko. Minsan nanghihingi din ng pera sa nanay n'ya pero para sa sarili lang yon, kaya siguro may pangsugal. Ni hindi nga sinasabi kay Marina kung magkano ang binibigay sa kanya ng nanay n'ya. "Ang galing, wala na ngang trabaho, may lakas pa ng loob na magbisyo, alam namang buntis ako. Parang gusto ko ng pagsisihan kung bakit ito pa ang ang napili ko." Pero sinarili na lang n'ya ang hinanakit.

Doon s'ya pumuwesto sa hindi s'ya mapapansin. Swerte namang may nakaparadang jeep at hindi yata nagbyahe ang may-ari kaya lumipat s'ya doon at umupo sa frontseat. Kitang kita n'ya ang asawa at puro babae ang kalaro. At nagulat s'ya, ang babae ngang malantud ang kalaro. Uminit ang ulo n'ya. Alam na n'ya kung bakit nawili doon ang lalaki. Pero hindi lang yon ang gusto n'yang makita. Yong tsismis ng kapitbahay parang gusto na n'yang paniwalaan. Pero malayo s'ya hindi n'ya masyadong makita kung ano ang ginagawa maliban sa nakikita n'ya ang galaw ng mga kamay sa itaas ng mesa.

Nainis dahil mukhang walang mangyayari sa kanya doon kaya minabuting umuwi at kinuha ang susi sa kaibigan n'ya na nakatira sa kabilang kanto mula sa kanila. Pero di ito alam ng asawa n'ya. Ugali na n'yang mag-iwan ng susi sa isang trusted friend kasi nong isang taon may nangyari ng sunog sa malapit sa kanila. Walang naiwang tao doon sa bahay na nasunog. Dahil walang susi ay hindi nila natulungang i save ang mga kagamitan at lahat ay natupok kasama daw ang perang inipon kasi hindi mahilig magbangko. Kaya s'ya ay nag-iiwan na talaga ng susi para pang emergency purposes.

Nang makapasok ng bahay ay binuksan ang pintuan sa kusina at bumalik doon sa main door at ni lock ulit sa labas para kunyari walang tao. Nagdududa na si Marina ngayon na posibleng totoo yong sinabi ng kapitbahay matapos makita sa madjongan ang asawa. Kaya pinatulan na n'ya ang tsismis. Mukhang dapat nga akong magduda. Baka wala akong kaalam alam ay inaabuso na ang kabaitan ko nitong asawa ko. Libreng libre nga naman sila dahil alam n'ya na kahit minsan hindi ako umuwi sa bahay ng alanganin

Nagtago s'ya sa kusina. Naghintay, iniisip n'ya walang pera ang asawa n'ya para dalhin ang garutay sa isang paupahang lugar. Duda s'ya kung ito'y may gagawing milagro ay sa bahay lang nila dadalhin dahil walang tao at hindi na gagastos, isa pa malapit lang. Ang problema lang ay yong pagtyempo ng babae na pumunta sa bahay nila ng walang makakapansin. Pero alam mo naman pag gusto ng katawan kahit ano susuungin, gagawa at gagawa ng paraan kahit garapalan na, aniya.

Nababagot na s'ya sa paghihintay. "Siguro hindi makaalis sa madjongan not unless talunan s'ya at s'ya ang umayaw. Pero kung panalo ay hindi talaga s'ya makakaayaw magagalit ang mga kalaro n'ya. Sa isip ni Minerva.Sana nga umuwi na ang lalaking yon para makapasok ako kahit half day na lang. Kailangang maghapit na at makaipon at malapit na akong manganak. Wala namang maaasahan sa batugang iyon."

Mga isang oras din ang hinintay n'ya bago nakarinig ng nagbubukas sa pintuan. Sumiksik s'ya sa kabinet sa may kusina para di s'ya mapansin. May narinig s'yang mga yabag sa kusina kayat di s'ya halos huminga "sus mapapaanak naman akong di oras saginagawa kong ito". Mayamaya ay pumasok na ulit sa kabahayan. Kumuha lang ata ng inumin.

May narinig s'yang boses babae na tumatawag ng mahina kaya lalo s'yang na tense. "Hay, dumating nga ata ang bruha. Mukhang positive nga. Naku, naku talaga. Paano kayang gagawin ko nito. Kung hindi lang ako buntis lagot kayo sa akin. Ang sasama n'yo talaga." Nakiramdam lang s'ya. Alam n'ya may mangyayari ngayong araw na ito at dapat lang maging clever para mapaglabanan itong mga kahayukan nitong dalawang ito.

Mukhang mapapalaban s'ya. Pero nag-aalala din s'ya kasi pitong buwan na ang kanyang pinagbubuntis at takot s'yang baka mapapano ang bata at s'ya rin. Bahala na lang ang D'yos. Oo nga, narealize n'ya, "malaki na pala ang tiyan ko kaya naghahanap na ang loko. Pero hindi rason yon at hindi ko matatanggap iyon." Bulong n'ya sa sarili habang kinakapakapa ang tiyan.

Pagkatapos tahimik na wala ng narinig si marina kundi mga hagikhikan at mga bulungan sa gitna ng tugtog galing sa component. "Mukhang nasa kwarto na di ko na masyadong marinig. Aba ay iba na ito." Kaya dahan dahan s'yang lumabas sa pinagtataguan parang pusa na walang ka ingay ingay. "Bahala na lang talaga si Lord.

"Mabuti nga nagbukas ng sounds ang mga loko di ako masyadong mapapansin sa maliliit na ingay sa paglakad ko ng patingkayad. Umaayon yata ang mga pangyayari. Pwede akong lumapit sa bandang pintuan para masilip ako kung ano ang nangyayari."

Huminga muna s'yang malalim bago lumabas. Inayos muna ang kilay na halos mabura sa pagkakadaan ng kanyang daliri. Inunat ang noo, itinaas ang ulo na akala mo ay lalaban sa beauty pageant. At lumakad ng liyad ang dibdib at dahan dahang bumaybay papunta sa kwarto nilang mag-asawa. Ayan, ayos, nakabuka ng unti ang pinto. Paano'y alam nila na sila lang ang tao doon kaya kampante siguro na wag isara ang pintuan.

Nagpigil s'ya, gusto talaga n'yang hulihin ang dalawa sa akto. Nakiramdam s'ya ngunit parang nagtatawanan. "Ibig sabihin hindi pa nakakagawa ng milagro? Pero anong gagawin nila sa loob ng kwarto? Maghaharutan lang ba sila doon? Napakunot ang kanyang noo. Halos magbanggaan ang kanyang mga kilay. Malakas na ang sikdo ng kanyang puso. "Pero wala ng urungan ito. Kaya't dahandahan syang lumapit

sa may awang ng pintuan sa may bisagra doon lang s'ya pwedeng sumilip na hindi mapapansin. Pagkakita n'ya sa dalawa ay bigla s'yang bumawi ng tingin. Nabigla at parang napaso. "Hindi ko yata kaya." Nanginginig ang kanyang mga tuhod. Nanginginig ang kanyang kalamnan. Pero naalala n'ya ang hitsura nong dalawa. Hah, ano kaya ang ginagawa nila ba't sila nakasalampak sa kama imbes nakahiga, at magkaharap pang naghahagikhikan.

Curious, sinilip n'ya ulit. "Hay, bakit may sombrero ang asawa ko parang bago at bakit parang may lace?" Maya maya narinig n'yang parang nagbabalasa ng baraha. Tapos nagtatalo talo naglalaro yata ng tong-its. "Hah, ayos ah dito tinuloy sa kwarto namin ang pagsusugal nila." Gustong magwala ni Marina, nanggigigil na. Nakatalikod ang kanyang asawa. Ngunit kitang kita n'ya ang mukha ng babae. Kung pwede nga lang n'yang sunggaban at pisain na parang itlog sa kanyang mga palad ginawa na n'yang paulit ulit sa galit n'yang iyon. Ngunit kailangan n'yang magtimpi. May nabuong plano sa isip n'ya.

Ano kaya ang mangyayari? At bakit merong sombrero ang asawa ni Marina na may lace pa ata? Anong ginagawa nila sa kwarto?

--------------------------------- I T U T U L O Y ----------------------------------

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...