PAG-IBIG ANO KA NGA BA?
(inspired by Creator, Jules Ragas)
SINO BA ANG NAG-IMBENTO NG LOVE?
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 12/5/2011
Pag-ibig, pag-ibig saan ka nagmula?
Dala ba ng hangin, nalaglag sa Lupa?
Tulo ka ng tubig nabuo sa kweba
O dala ng ulan tapos naging baha?
Pag-ibig, pag-ibig saan ka nagmula?
Yaon bang nabasa kay Adan at Eba?
Kumain ng prutas ang bawal na bunga,
Natuto ang tao meron ng malisya?
Pag-ibig, pag-ibig bakit may pasakit?
Di ba ang pag-ibig sa puso inukit?
Ang dalawang tao na ating nasambit,
Kapag magkasama parang nasa langit?
Pag-ibig, pag-ibig, paano sinukat?
Isa ka bang kahoy sinukat ng patpat?
Isa kang pagkain na sobra ang alat,
O tinis ng boses pagkanta'y namalat?
Paano na nga bang pag-ibig sinukat?
Isa at dalawa tatlo't ikaapat
Buwan man o taon anong nararapat
Sa patagalan ba o maikli't tapat?
Tunay ngang pag-ibig pala'y mahiwaga
Umusbong sa puso at pagalagala
'Di mapaliwanag kahit dalubhasa
Ang may damdamin lang ang makaunawa
Itong ngang pag-ibig sari-saring kulay
'Di maintindihan kung peke o tunay
Sa una'y masarap panay ang pagbigay
Biglang magbabago bigla lang tatamlay
Ngunit bakit tao ay hindi madala
Maraming pasakit maraming pagluha
Madaling lumimot muling magsimula
Iibig na muli, dagling magtiwala
Ang pag-ibig nga ba ay isang ruweda
Paikot-ikot lang mula sa simula
At hanggang mapagod ikaw ay bababa
Uulit kang muli hindi magsasawa
No comments:
Post a Comment