Thursday, December 5, 2013

SANGGOL NA WALANG MALAY-4

SANGGOL NA WALANG MALAY-4
Balagtasan sa Kubo
(lumilisan vs. naiiwan)

(Ikaapat na tindig)

Hayaan nyong aking tindig sa inyo'y aking ihain
Upang ang ating maestro aking pilit gagayahin
Yuyukod din sa harapan at sombrero'y huhubarin
Nang may malaking paggalang,sa lilisan may habilin

Sa ngalan ng naiiwan itong aking tinitindig
Kung saan mga pasakit nakasahog sa hinagpis
Aking ama't aking ina'y iniwan akong maliit
Kasama ang aking kuyang gaya ko ay tumatangis

Ang isip ni Ama't ina sa ibang bayan sagana
At ngingiti aming bukas pag-asa'y ngangang biyaya
Akong hilaw pa sa mundo di maisip na matuwa
Naghahanap din ng init gaya ng kuting at tuta

Sa inyong mga nang-iwan mahal na kabalagtasan
Itlog may di maging sisiw kung init ay pagkaitan
Aanhin ang masasarap kung ang darak walang sabaw
Kahit ang biik iigik kung inahin lumilisan

Hayaan mong iyong sanggol sa piling ng ibang palad
Boses nya ay mamamaos sa gabi't buong magdamag
Amoy na panis ni nanay at init ng kanyang yakap
Ang makakapagpatighaw sa nawalay na pagsalat

Aking tindig itinundos sa sanggol na walang malay
Kahit kuting, biik, itlog kagaya ko ay namanglaw
Habang ang gabi'y malumbay kung lilisanin ng buwan
Buhay mawalan ng saysay, malulumbay, mamamatay

Terweena 2013 (Okt.25)

Photo credits to the owner

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...