Thursday, December 5, 2013

SANA'Y DI NA LUMISAN-2

SANA'Y DI NA LUMISAN-2

Balagtasan sa Kubo
(lumilisan vs. naiiwan)

(Pangalawang tindig)
May bagong pag-asa nga bang maasaha't makukuha
Kung sa yong bawat paglisan katapat aking pagluha
Mababayaran ba ito ng bagong damit at rangya
Sana,sana di lumisan at sa aki'y naniwala

Sana'y kaysarap mabuhay kahit kaysimple at payak
Kung sa 'king bawat pagmulat may nakangiting kaharap
Sana'y daigdig may saya kung ika'y laging kayakap
Kahit kape't tinapay lang mukhang pagkasarap-sarap

Ang kailangan ko'y ikaw para mabuhay sa mundo
Lahat man ng paghihirap pangako'y kakayanin ko
Wag lang sana ang malayo't ang puso ay nalilito
Walang matawag sa oras ang pagkatao'y di buo

Ang balusbos sa paligid ay akin ding naririnig
Nagsusungit na panahon di pansin at tila manhid
Baha ma'y di alintana pagkat luha ko ay tigib
Ang nais ng aking puso pagmamahal at pag-ibig

Sinong nga bang tatawagin kung ikaw'y wala sa piling
Kahit sa mga sandaling may lungkot at naglalambing
Sino ba ang tatakbuhan kung minsan may suliranin
Kahit ang ibon sa parang naghahanap ng pagtingin

Wari'y kayhaba ng gabi, kahit aking panaginip
Punung -puno ng pasakit, paghihintay, pagkainip
Namumuo ang pagduda at kayrami-raming bakit
Habang ikaw'y sa malayo damdami'y may hinanakit

NGunit ikaw ay nasanay manhid sa pagkakalayo
Naibsan na ang pagtawag, iyong lambing at pagsuyo
Mga bagong kaibigan dumami at narahuyo
Ang naiwang naghihintay ang puso ay nagdurugo

Terweena 2013 (Okt.23)

Photo credits to the owner

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...