Thursday, December 5, 2013

HULING PATAK NG SANDALI

HULING PATAK NG SANDALI
www.weenweenreyes.blogspot.com

Inspirasyon: Balagtasan sa Kubo
(lumilisan vs. naiiwan)

Tinalunton ng aking paningin
ang kanina lang ay kanyang dinaanan.
Pilit sinusukat ang mga minuto...
Kung umurong ang mga yabag
sana'y nakabalik na't may nagbubukas
na ng tarangkahan.

"Aalis na ako bukas".

Ang halos mapalukso sa tuwang pagbabalita,
tila bomba namang sumabog sa aking kamalayan.

"Nakuha ko na ang aking Visa,
mamaya, bumili ka ng mga pulutan at alak
ng makapagpadespedida naman kina kumpare".

Nakapagpatulig sa aking tenga
ang huling tinuran. Nais ko sana'y
sa ilang nalalabing oras, kami
ng mga anak namin ang kakatas
sa huling patak ng sandaling
makapagpapatahan sa humihikbi naming puso.
Oo, may galak na gustong umusbong
sa aking kaisipan ngunit mas naghuhumiyaw
sa pagtalikwas ang aking puso.
Paano ang mga sandaling kung saan
ang buwan ay nanghihiram ng liwanag
sa araw, at ang mga hamog ay sumasanib
sa paparating na hanging amihan?
Paano kung ang katawang lupa'y
mapagod at maghanap ng paghimlayan?
Tiyak aking hahanapin ang mainit n'yang hagod
sa balunbon ng mga pagkukunyari.
Umaayaw ang aking kahinahunan
gaya ng aking mga pagtanggi
sa kanyang paglisan. Ngunit huli na.

Nagtutumulin ang kanyang mga hakbang,
habang nakikipag-unahan ang kanina pa'y
namumuo kong luhang gustong magpakatiwakal
sa lumbay. Hanggang sa mapagod ang mga
pag-alala't tuluyang naging halimaw
na lumalamon sa timik kong pagdadalamhati.
Hanggang sa unti-unti'y...

pumanaw

ang aking

isip

at lakas!


Terweena 2013 (Okt. 28)

Photo credits to the owner

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...