Thursday, December 5, 2013

KAILAN PAMAMAALAM ANG PAGSALUBONG

KAILAN PAMAMAALAM ANG PAGSALUBONG?
Inspirasyon: Balagtasan sa Kubo
(lumilisan vs. naiiwan)
www.weenweenreyes.blogspot.com

Urong-sulong, urong sulong itong aking mga hakbang
Halos hindi ko makita ang aking nilalakaran
Kahit ang aking tsinelas ay mukhang magkabilaan
Nang sa kanya ay sumunod palabas ng aming bahay.

Kaybigat ng mga hakbang halos aking naririnig
Higit lalong nagpabigat sa tila wasak kong dibdib
Tanong ko'y paulit ulit, "Bakit? Bakit ka aalis?
Windang na itong damdami't puso ay naghihinagpis.

Habang kumakaway-kaway, habol s'ya ng aking tanaw
Tigmak-tigmak yaring luhang sa mukha ko'y bumalatay
Ang mga matang malamlam kanina lang kay pupungay
Nawalan ng saya't ningning kapalit noong paalam.

Nang muli, s'ya ay lumingon, sa mukha'y mababanaag
Ang takot, ang pagtatanong,kung tama ang tinatahak?
Lalo akong napaiyak nais habuli't mayakap
Nag-alab lahat ng takot, nginig, pag-alala't habag.

Kaytulin ng mga oras, banyagang lupa'y narating
Maya't maya ay sa "cell phone" balisang napapatingin
Kaba ko ay abot-langit ngunit pangako'y natanim
Ang tanging dasal sa Ama tiwasay s'yang makarating.

Mata ko'y nais pumikit ibig sana'y makatulog
Ano't aking mga luha'y sabay sabay na umagos
May lumbay ang pag-iisa at pumapanaw ang antok
Ang takot ay gumagapang sa bumabangong bangungot .

Parang kaylan lang nasambit iyang salitang paalam
Pangako'y may katiyakang ako'y kanyang babalikan
Nang may dumating na liham kay saya-saya ng araw
May hubad mang pagtataka pinalis ang kahungkagan.

Kahit paslit pa ang araw ang buong bahay ginayak
Upang sa kanyang pagdatal puputi ang mga ulap
Kahit ang ibong lumayo babalik sa kanyang pugad
Taong busog sa pag-ibig tahanan ay mahahanap.

Mukha n'ya'y aking hinagip sa hanay ng dumadaan
Ano't sa aking pagmasid kahit malayo'y natanaw
Yaong kahong balik-bayan na sobra ang kalakihan
Ang ngalan n'ya'y nakasulat. "Di ikaw yan, hindi ikaw!"

Umalingawngaw ang sigaw, palahaw nang di pagtanggap
May pangakong binitiwan, at hinangad na pangarap
Mapaglarong kapalaran ang mundo ko ay winasak
Doon sa kabilang buhay ikakampay aking pakpak

Terweena 2013 (Oktubre 25)

Photo credits to the owner

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...