Thursday, December 5, 2013

KATATAKUTAN KO ANG PAGGISING-1

KATATAKUTAN KO ANG PAGGISING-1

Balagtasan sa Kubo
(lumilisan vs. naiiwan)

(unang tindig)
Ang ugong ng eroplano, hudyat ng pangungulila
Habang ako'y kumakaway tila iyong nakikita
At ang mabigat na hakbang at ang tumutulong luha
Umagos man sa 'king palad ako ba'y may magagawa?

Ang pakiwari ko ako ay nasa omnipresente
litu-lito itong isip kaluluwa'y di mapirmi
Mukhang yagit sa lansangan umiiyak gabi-gabi
Ang puso ay naninimdim pagkat utak naturete

Aking liyag, tanging mahal ako'y iniwang mag-isa
Hungkag ang puso't nawalan ng tiwala at pag-asa
Sa langit lang nakatitig mula gabi at umaga
Kaulayaw ang bituin pagkat buwan ay wala na

Ang tanging piping aliwan ay ang gumagalang ulap
Kalakalaro ay lamok, gamo gamo at kulisap
Habang sinasalag-salag mahapding hanging habagat
Itong dalawang kamay ko ay napayupyop sa palad

At magbibilang na naman ng mga araw at buwan
Nag-iisa sa pagtulog kayakap yakap ay unan
Mugtu-mugtong mga mata ay hahanap ng dahilan
Bawat pagluha't pagtangis sagot sa iyong paglisan

Ang paggising sa umaga ay hindi ko gugustuhin
Akin ding katatakutan na maalala't isipin
Ang mga sandaling tayo magkayakap, naglalabing
Di iniisip ang bukas basta ikaw ay kapiling

Terweena 2013 (Okt.23)

Photo credits to the owner

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...