Thursday, December 5, 2013

KAHIT SA DAANG MATARIK-3

KAHIT SA DAANG MATARIK-3

Balagtasan sa Kubo
(lumilisan vs. naiiwan)

(Pangatlong tindig)

Mahal nating Pilipinas, ating lupang minamahal
Kayraming opurtunidad na lubos ay nangagpanghal
Mas gusto pa ang lumayo't tanging nais ay yumaman
Sukdulang luha'y bumaha ang pamilya'y iiwanan

Kanino bang kagustuhan ikaw'y tuluyang umalis
Samatalang ako'y handang sa piling mo ay magtiis
Karampot mong kinikita ay pagkakasyahing pilit
Nang tayo ay samasama bubuklurin ng pag-ibig

Kaylalim na karagatan na sa ati'y nagpalayo
Pagmasdan ang bawat alon na kung minsan ay palalo
Iyan ba ay hindi sapat sadyang may luhang tutulo
Kahit aluin ng hangin duguang puso'y susuko

Sa bawat patak ng luha'y ito ba ang kabayaran
sa gabi-gabing pagtangis kung damdami'y di matangnan
Bawat oras na wala ka sadyang bangungot na tunay
Walang asawang mayakap, di si itay, di si inay

May naalala ka pa ba bago ta nagtaling puso
Tayo ay pinag "seminar" para ating mapagtanto
Ama't ina'y magkasama upang titibay ang puno
Pagpapalaki ng anak ay tunay na hindi biro

Pakatingnan mo si ining ng s'ya'y nalayo sa ina
Kilos ay barako pagkat si ama laging kasama
Obserbahan mo si totoy lipstik at pulbos ang dala
Iyan ba ang iyong nais kapalit ng iyong kwarta?

Ang mabuhay ng tahimik syang totoong aking nais
Pamilya ay samasama kahit sa daang matarik
Ako'y laging magdarasal magmakaawa sa langit
Bagyo'y handang salungatin papasanin ang daigdig

Terweena 2013 (Okt.24)

Photo credits to the owner

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...