Sa apat na sulok ng langit, hinahanap ang sarili sa pag-iisa. Kinakapa ang bawat pira-pirasong ulap na nagtatakip sa mukha ng buwan, habang ang bituin ay nagpupumilit, sumisilip sa bawat siwang. Ito ang nagsisilbing ilaw sa mapagbalatkayong pusikit. Samantalang ang mga buntunghininga'y nagdudumali sa pagtakas.
Nakauumay ang tiktak ng bawat sandali, Halos nakikipag-unahan sa naghuhulagpos na liwanag. Ang tumutulong luha'y tila agos na humahampas sa pagal na isip. Naghihimutok sa nakabibinging katahimikang nagsusumiksik sa kawalan.
Nagsisimula ng kumaway ang bukang liwayway kahit ang kumikindat kindat na tala'y unti unting lumalayo, papalayo ng papalayo Dahan-dahang isinara ang bintanang kanina lang ay nakabukas Hanggang sa magsawa't sumuko ang diwa't lumatag hanggang sa kinabukasan muling mababagot.
No comments:
Post a Comment