Monday, December 9, 2013

HAGDANG BAHAGHARI

HAGDANG BAHAGHARI

Dito sa banyagang lupa'y nakatingala sa ulap
Habang minumuni-muni, mga tinahing pangarap
Kapag diwa'y nananakbo, tila buwang hinahanap
Wari mundo'y nakapatong, sa lupaypay na balikat.

Kahit dusa'y nakangiti, kung yakap ang pagtitiis
Kayang suklian ng awa ang laksa-laksang pasakit
Kung kaulaway sa gabi, lamig na nuot sa anit
Umusal ng pagdarasal sa Kanyang palad kumapit.

Kung sa ating Diyos Ama ang miminsang pagkalimot
Kahit pa ang bahaghari'y hagdan tang ipananangis
At hihiling ng patawad ipararating sa langit
Kung pagmamahal lumisan, kusangloob ibabalik.

Pag ang buhay na lumiko,tuwid na landas tukuyin
Kahit ang mga palalo nilalapitan din ng anghel

Wines 2013 (Dis.8)

Photo credits to the owner

Saturday, December 7, 2013

HULING KUSING

HULING KUSING

Ang 'yong hapis na mukha
ay nagpapaalala
ng lumipas na kabataan.
Ang pag-aabuso sa katawan,
ang mga pagpupuyat
at walang habas na inuman
ang pagsusugal sa lamayan,
sa kapitbahay at kasino.
Ang pagiging babaero,
Ang pagyakap sa bawal na gamot
ang pagwawaldas ng salapi
sa gabi-gabing gimik.
Tila walang katapusang layaw
at pag-ulayaw sa kamunduhan.

Hanggang isang araw,
ng ikaw'y magising,
tumambad sa salamin
ang yayat mong pisngi,
mukha mong kaydaling tumanda,
tila maputla't
nadagdagan ang mga gatla,
at ang mga matang nangangalumata.

Lumipas na nga
ang tibay ng iyong pangangatawan.
Nawala ang tikas at yabang,
sumuko at nagbabadyang
ikaw'y iwanan

Ikaw'y napatulala.
Nag-isip,
tila gustong tawagin ang Diyos,
ngunit nagdalang hiya
At sa bulsa'y kumapa
at iyong naalala
huling kusing
ay iyo pang winala.

Wines 2013 (Dis. 7)

Photo credits to the owner

Friday, December 6, 2013

DULING NA PAG-IBIG

DULING NA PAG-IBIG
(hahaha)

Titibok-tibok
titibok-tibok

Kaysarap...
damhin sa dibdib
kung ang puso'y umiibig.
Nakadikit
sa kawalan ang isip,
walang bukas na nililirip,
ang bawat sandali'y langit,
puno ng hagikhik,
tumutubo ang mga tigidig.

Ngunit...
Kapag,
nakadama ng pasakit,
magtago ang gumalit,
kakalimutang may langit,
ihahasik ang ngitngit,
ilalabas ang bagsik,
susungaw ang lupit,
hanggang sa bumuka ang daigdig!

hanggang sa muli'y...
bumalik,
ang gumawa ng pasakit,
at ang mata'y pipikit pikit,
iaalay ang mga bituin sa langit,
at ang pusong mabalasik,
dagling babait,
muling padadagit,
sa ibong ama ng pipit.

Oh pag-ibig...
nakakapagngitngit,
kung nanangis
sa hagkis ng pusikit,
matutong bumangis,
ngunit bakit
patuloy kumakapit,
sa damdaming bumigkis
sa lupa't langit.

ganyan ba talaga ang pag-ibig
minsan galit, minsan duling ang pilik?

Wines 2013 (Dis. 6)

Photo credits to the owner

BABAE SA DALAMPASIGAN

BABAE SA DALAMPASIGAN

Natatandaan mo pa ba
ang ating kabataang
hindi mapaghanap?
Makita ka lang sa malayo
ay langit na may mga bituin
at maliit na buwang nakangiti.

Hanggang sa ang kabataan
ay lumayag sa dagat na kaylalim,
natutong sumisid at nakipagtunggali
sa mga pating, tumapang,
natutong lumangoy
palayo ng palayo sa pampang.
Hanggang sa nakalimutan
ang daan na pinanggalingan.
Kahit ang bangkang may sagwan
di rin naaalala ang bayang pinagmulan
ng pumalaot, naging barko sa karagatan...

Ngunit, ang dalampasigan ay naghihintay,
patuloy na naghihintay
kung kaylan babalikan.

Hanggang sa...
muling lulubugan ng araw
at panawan ng lakas....


Wines 2013 (Dis. 6)

Photo credits to the owner

Thursday, December 5, 2013

SA PAG-INOG NG MUNDO

SA PAG-INOG NG MUNDO
(Mauulit ang mga tagpo)
Sagot sa tula ni Tata Raul Funilas
(Sa baba nitong aking tula)

Kundimang umaliw noong mga paslit
Tumatak sa isip wala ng hagikhik
nawili't natangay ng bagong daigdig
wala na ang galak, bagot na sa awit

Natapos na wari ang mga paggabay
Tanging inalayan lumaki't may aral
nagsubi't nag-ipon lumaking marangal
Ang yugto ng buhay naiba ang kulay

Nasaan ang awa kung isip ay manhid
Aral na tinuro tumibay ang katig
Kung init ng yakap ang sagot sa hibik
Uhaw sa paglingap ang luhang nasaid

Mukha may mahapis may aral na handog
Paglaki ng paslit may kasamang hambog
(at muli ang paslit,tatanda, hihinog)
(uulit ang tula, mundo ay iinog.)

Wines 2013 (Dis. 3)

Di Ko Naramdaman Ang Pagod Noong Pinalaki Ko Kayo
Raul Funilas

"Noong paslit ka pa'y laging inaawit,
Ang ilang kundimang tatak sa 'yong isip;
Libong kaaliwan ngiting may hagikhik
Ganyan ka inaliw ng galak ko't awit.

Ginabayan kita lahat ng panahon,
Ginawa ang kayang aking maitulong;
Laging may pangaral magsubi't mag-ipon
Upang sa pagtanda'y umupo't bumangon."

Sinunod ang aral ng mahal kong ama,
Nagsikap marangal sa hirap at pita;
Gumaod sa laot ng yutang sigwada
Naitaguyod kong may ngiti at tawa.

Ngunit nang tumanda ako'y nahahapis,
Naghahanap ako yakap N'yong malabis.

Photo credits to the owner

OUR LITTLE HERO

OUR LITTLE HERO

Oh, our dear, little hero,
in the midst of chaos and lo
a little boy of four, a year ago
in his arms, a kid of two.

Neither this kid, his friend nor brother
as he carried, he said he isn't any heavier
with his strong hands he swung him near
to protect him from any danger.

And fall in line to get some food
not minding some men and rude
That little kid, he sit subdued
While other children in festive mood.

'Tis our new hero, so little
He is God's little angel!


Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-wee Reyes

photo credits to the owner

INANG PANANDALIAN

"INANG PANANDALIAN"
(Gatas kayo riyan)

Nang makita ko't mabasa ang artikulo tungkoL sa "BREASTFEEDING SOLDIER: Corporal Anjannete Obligado", hindi ko maiwasang maluha. Ramdam na ramdam ko ang aking pagiging ina. Para bang may bahagi sa aking puso na nasaling.

Balak ko'y maghabi ng tula para sa kanya at sa mga batang kanyang binusog ngunit tila kulang ang aking mga salita para maiparamdam ko ang paghanga sa kanya. Alam nating lahat na s'ya ay naroon para tugunan ang atas ng kanyang katungkulan, ang magsilbi sa bayan sa ganitong mga kaguluhan at sakuna, ngunit may iba pa pala s'yang kailangang gampanan, ang maging panandaliang nanay ng mga sanggol na hindi kayang busugin ng mga nanay na nagsuffer ng samot saring pasakit na dulot ng Typhoon Yolanda.

Bigla tuloy akong nag "senti". Tinanong ko sa aking bunsong anak ang title ng isang pamosong kanta ni Lea Salonga, ang awiting "Ugoy ng Duyan", at madamdamin kong kinanta hanggang sa sumabay na ang aking anak na nagsecond voice pa. Very touching..

Tila aking nakikinikinita na inuugoy sa duyan ang batang sumusoso kay corporal, tila aking nararamdaman ang sarap na dulot nun sa sanggol lalo't ang kanyang tunay na ina ay gutom, pagod, hirap, at baka natrauma sa naranasang delubyo na dala ng mapinsalang bagyong si Yolanda. At ang gatas ng isang nanay ay napakahalaga sa mga sanggol sa pagkakataong ito. Ang mga walang malay na di namamalayan ang kaguluhang nangyayari sa kanilang mga paligid.

Parang nai-imagine ko ang sensayong nararamdaman ng mga sanggol habang sumususo sa isang taong ni hindi nila kilala lalong hindi nila ina. Ngunit mararamdaman pa kaya ng isang sanggol ang gayong damdamin o may kaibang kiliti talaga ang breastfeeding at hindi na nila mararamdaman kung nanay ba nila ang nagbibigay nun sa kanila o hindi... "that's the miracle of a mother's milk".

Aking pagsaludo sa yo corporal! Hangad ko ang iyong promotion. Sana makita ng iyong mga superior ang iyong kagandahang loob at kabayanihan, at salamat! Ang Diyos ay di natutulog 24/7 at ang mga katulad mo'y my spot sa Kanyang puso. Mabuhay ka at ang iba pang nanay na nagbigay ng kanilang gatas sa hindi nila kaanu-ano...Mabuhay kayong lahat!

Terweena 2013 (Nob. 22)

Photo credits to the owner

MAY PANGALAWANG LANGIT NGA BA SA LUPA?

MAY PANGALAWANG LANGIT NGA BA SA LUPA?

Tanging piping saksi ng tagong damdamin
ang luhang sa mata'y pilit umalipin
sa bawat paghibik walang maglalambing
sa mga gabing kung buwan ay madilim

Pa'no ang sandaling kung isip ay pagal?
Damdami'y naiba nung bata pa't hangal.
Paano ang yakap yung dating kaytagal?
Panahon hihilom lilimuting tunay?

Paano ang mga gintong alaala?
Ang mga pangakong tila nalimot na?
sa huling hininga sa iyo'y umasa.
Paano sa langit kung puso'y dalawa?

Ngunit ang pag-ibig hahamaking lahat,
Walang sisinuhin galit man ng dagat!

Wines 2013

Photo credits to owner

UNTI-UNTI...

UNTI-UNTI....

Unti-unting nawawala ang mga balita
Unti-unting pumupusyaw ang pagtutuligsa
Sa Facebook mukha ring namamahinga
Tao pala ay meron ding pagkakasawa

Sana Diyos Ama.....

Gumaan ang aming nadarama
Mabawasan ang ugaling masasama
Lukubin ang mundo ng magagandang gawa
Iwasan ng tao ang pagkakasala

Upang sa huli....

Ang mundo ay tataba
Ang mga awayan ay mawawala
Tutubo ang magagandang salita
Magmamahalan bawat kapwa

Aming Ama, Diyos ng Lahat....

Ilayo N'yo kami sa mga sakuna
Kami ay Inyo ring ipag-adya
Ilawit sa amin ang Inyong awa
Sa araw-araw, gabayan kami sa aming ginagawa

Amen!

Wines 2013

Photo credits to the owner...

KAY-ILAP MO PAG-IBIG

KAY-ILAP MO PAG-IBIG
Inspirasyon: Dalawang espesyal
na tao sa buhay ko

Mga talulot ng dahon
unti-unting sumabay
sa pag-ihip ng hangin
upang sa malayo, alaala'y dalhin.
Parang kaylan lang
May dalawang pusong nagsumpaan
Pag-ibig ay pakaiingatan.
Ngunit kapalara'y namagitan,
nagkalayo, nagkalimutan.
Taglagas ay dumaan,
sadyang ganyan ang buhay.
Ngunit ang mapaglarong kapalaran
muli'y pinag-ugnay,
ang mga dahon, nagtagsibol.
Pag-ibig ay kaytamis
Sa pangalawa'y langit.
Nagpatuloy ang ugnayan,
pagmamahalan muling nanariwa.
Kayganda ng mga pangarap
Muli ang pangako'y binitiwan
Nagningning ang mga tala,
ngumiti na naman ang buwan.
Tumalilis ang itim na ulap,
tinaboy ang masungit na kidlat,
Kasabay sa kulog na kay-ingay.
Muli ang gabi'y nagparaya
para ang umaga'y maging ganap
Kahit ang araw ay nagmamadali
Naghahabol din ang bahaghari
Mundo'y nagkakulay na muli
Ngunit nasamid ang ngiti
kapalaran pa rin ba ang nag unsyami?
Bigla sya ay pumanaw
Pag-ibig ay tuluyang nawalay
Para sa kanyang kandungan
doon maghihintay,
at muli pag-ibig ay pag-uugnayin

Terweena 2013 (Nov. 4)

Photo credits to the owner

PAGBUKAS NG LANGIT TAYO BA'Y MAKAKAPASOK

You and 285 others like Weeween Re

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...