Saturday, June 10, 2017

HINUBOG NG PANAHON

HINUBOG NG PANAHON

Sa basbas ng langit nagmula ang lambing,
Ang iyak ng sanggol sa basa n'yang lampin;
Sa hirap at pagod laksang suliranin
Nagdaang kahapon isang salamisim.

Sa harap ng Diyos sa luhurang altar,
Sa sagot na oo kayputing pangkasal;
Doo'y nagsumpaan na magmamahalan,
Nagsimula ang buhay, may saya at lumbay.

Dapwa't ang pag-ibig minsa'y di umayon,
Luha ma'y dumatal, at kamay kumuyom;
Sa harap ng dahop, pagharap sa hamon
Dagat ma'y maniil patuloy lumangoy.

Pagod ay nalusaw sa hagod ng kamay,
Sa mga pagsubok ay ang katatagan;
Gintong pagpapala bawat karaingan
Sa pagpapalaki ng supling na mahal.

Lumikwad ang taon, dahon ay nalagas,
Hagupit ng alon latigong humampas;
Tamis ng pagsinta sa pighati'y lunas
Mapagtagumpayan ang ginhawa't hirap

Unos ma'y dumating kayang sansalain;
Kung puso'y binigkis ng banal na bilin.
Sa mga panahong isip ay madilim;
Dios ang tanging ilaw tanglaw sa landasin.

Dakilang pag-ibig dinilig ng langit;
Nilikhang mapalad tiwasay ang isip.
Hanggang sa maluoy ang ganda at wangis;
Magkadaop-palad oras ma'y sumapit.

Hinubog ng taon tinginang kaytimyas,
Gunitang lumipas tingnan hanggang wakas.
Ang hiram na buhay ingatang mawasak;
Sa Amang nagpala sa Kanya'y salamat.

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...