IREREGALO KITA SA PASKO, KAHIT PAULIT-ULIT AKONG MAMAMATAY
(FIRST PRIZE)
CREATOR CHOICE AWARD
ADMINISTRATOR CHOICE AWARD
BY; Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes,
Posted January 5, 2012
IREREGALO KITA SA PASKO, KAHIT PAULIT-ULIT AKONG MAMAMATAY
Ah, kayganda ng umaga. Ang ganda nang sikat ng araw. Hindi kagaya noong mga nagdaang araw na panay ang ulan.” Bulong sa sarili ni Minerva habang tinitingnan ang kaayusan ng gasolinahan. Alas otso na ng umaga. Kabubukas lang nila. "Mag-iisang buwan na pala ako dito." Naisip n'ya habang pinipitik-pitik ang hawak na ballpen sa mesa.
Maya-maya may dumating na sasakyan. Sumilip ang drayber, sabi sa boy, "full tank". Bumaba ang driver at lumapit sa counter. "Si Lina?" Parang nagtatakang tanong."Ako po ang pumalit Sir." Sagot ni Minerva sabay tanggap sa pera.
"Resibo n'yo Sir”. Ang sabi n'ya habang iniaabot ito sa lalaki. Nang magtama ang kanilang paningin parang napaso si Minerva . Agad s'yang bumawi ng tingin, kinilig pero hindi nagpahalata. Pagkatanggap ng resibo umalis na ang lalaki.
Napakasarap ngumiti ng lalaki. Hayyy…nakakikilig...Di matagalan ni Minerva ang malagkit na tingin at "killer smile" nito. "Wow! ano 'yon...pag-ibig sa unang tingin?" Sa isip-isip nya. “Meron bang ganun? Pwedeng love at first sight” Aniya. Parang natulala si Minerva. Di maintindihan kung ano ang nangyayari sa kanya. "Ang lakas nang dating." Pero pilit nya itong winawala. "Hmmmmp, makapagtrabaho na nga, ang agang pabwenas ah, hehehe," natatawang sabi sa sarili.
Habang nakaupo sa kanyang mesa nag-iisip si Minerva. Marami s’yang tanong sa sarili. "Ano kaya ang trabaho nya, bakit ganun ang kanyang kasuutan? Ilang taon na kaya s’ya? May asawa o binata? Babalik pa kaya s'ya?" Mga tanong sa isip na wala namang napalang kasagutan.
Napansin pala s’ya ni Mirasol na nangingiti lang sa di kalayuan habang sinusundan n'ya nang malagkit na tingin ang papaalis na sasakyan kanina, kaya’t biniro s’ya nitong pabulong. “Nakita ko yon ha, ‘wag mo nang ipagkaila hehehe.”
“Grabeh rin, pilitan hehehehe.” Natawa na lang si Minerva. Si Mirasol ang kadikit n’ya sa trabaho. Ito ang umalalay sa kanya noong s’ya’y bago pa lang dito. “Oo na, ‘wag ka na lang maingay”, paanas ding sagot ni Minerva at sabay silang naghagikhikan.
"Sana bumalik ulit, ang saya ko lang. Ano ba ‘to, tinamaan nga yata ako sa lokong ‘yon ah." Bubulong-bulong sa kanyang upuan habang nakatingin sa kawalan. Ah, ang pihikang puso ng dalaga mukhang napana ni cupido. “Sana nga, sana, sana bumalik sya” ang paulit-ulit na dasal ng dalaga.
Lumipas ang dalawang araw. "pooot, pooot". Biglang pumitlag ang puso ni Minerva ng matanaw ang sasakyan. Ang lalaki ulit. Medyo inayos ang buhok at pasimpleng sumilip sa salamin na nakatago sa kanyang box. Dali-daling nagretouch ng lipstick Halos sumigaw ang puso n'ya, pero di nagpahalata. “Ay, mukhang siniswerte ako ah.” Ang may kasiyang bulong sa sarili. At sinuot ang napakagandang ngiti sa pagharap sa lalaki. “Nagpapapansin hehehe.” aniya sa sarili.
Hindi pumasok ng araw na iyon si Mirasol kaya’t walang mapagsabihan ng kanyang excitement ang dalaga. Nakontento na lang at sinarili kung ano ang nadarama. Ngingiti-ngiti na lang. “Hay, pag-ibig nga naman, kakainis minsan.”
As usual, sabi ng lalaki sa boy, "full tank" nga, at muling bumaba para magbayad sa kahera. Ngayon, parang at ease na si Minerva, di na binawi ang tingin at nakipagtitigan na pag nag-uusap. Kung baga may eye to eye contact na. Nagtanong ang lalaki, "matagal ka na rito?", "di po, mag one month pa lang." simpleng sagot n'ya, na bahagyang ngumiti. "Ah, ganun ba. Dati na akong nagpapakarga dito, but i went back to Manila, kaya ngayon lang ulit nakapakarga."
Isang ngiti lang ang isinagot ni Minerva. Nahihiya pa s'ya lalo't takot na mahalata na kinikilig. Nang makaalis ang lalaki may nadagdag na katanungan sa
kanyang isip. "Taga Manila pala s'ya. Ano kaya ang pangalan n'ya? Ang gwapo, hayyyy", bulong sa sarili. At kung magsalita... class....
Si Minerva'y tubong Iloilo. Nasa kolehiyo na s'ya ngunit napilitang tumigil para paunahin ang mas nakakatandang kapatid. "Mag-iipon akong mabuti para makapag enrol ako sa 2nd sem." Iba na ang tapos. Hindi ko pinangarap na hanggang ganito lang ang aabutin ng beauty ko.” Pilyang isip n’ya.
Nasa second year first sem. sa college na s'ya bago nahinto. Mabait s'yang bata, matalino at determinado sa buhay. Idagdag pa nating may gandang angkin, mataas, maputi't makinis, at mahaba ang deretsong buhok Ahh, kahit sino mapapalingon.
Pagkaraan ng apat na araw ay muling dumating ang sasakyan ng "lalaki" pero ngayon ay kabisado na ito ni Minerva. Malayo pa lang ay alam na n'ya kung sino. At muling pumitlag ang batang damdamin. "Puso ko, puso ko", bulong nya ulit sa sarili.
Alam na ni Mirasol ang kanyang sekreto, kaya’t kinulabit kaagad siya nito nang makitang dumarating ang sasakyan. “Min, Min, ayan na s’ya, ayan na s’ya” Parang kinikilig din na bulong ni Mirasol sa kanya. “Ang gwapo nga pala n’ya hehehe, ngayon ko lang napagtuunan ng pansin. Kuh swerte ka. Kung nagkataon magkaribal pa tayo ngayon, haha." Ang pabirong sabi ni Mirasol.
Dating gawi, nagpakarga at nagbayad, ngunit ngayon ay may kunting kwentuhan na. "Ano nga pala pangalan mo?" Pasimpleng tanong sa kanya habang nagbabayad ang lalaki. "Minerva po", ang maikli n'yang sagot habang sumusulat sa resibo.
Dinampot ng lalaki ang sukli at resibo. Sabi ng lalaki habang nakangiti, "ako nga pala si Aljon." At biglang nilahad ang kamay. Nabigla man si Minerva ay agad inabot at nakipagkamay rin, pilit kinakalamay ang sarili at baka mahalatang nanginginig s'ya."Ang lamig ng kamay mo ah", tudyo ni Aljon habang nakangiti na halos ikatunaw ni Minerva. Ngiti rin lang ang isinukli. Nangangalog na nga ang kanyang tuhod. Kung alam lang ni Aljon.
Pagkaalis ng lalaki’y lapit agad si Mirasol. “Sister bagay nga kayo, kinikilig ako habang tinitingnan ko kayo kanina.” At parang baklang namimilipit habang nagkwekwento si Mirasol kaya’t tawa nang tawa si Minerva. Sanay na s’ya sa kaibigan. “At take note mukhang may tama rin sa ‘yo ha , nagpakilala pa at nakipagkamay. Kala n’yo di ko nakita ang mga malalagkit n’yong titigan.” Aniyang pabiro ni Mirasol.
Sa paulit-ulit na pagpakarga ay naging magkaibigan din ang dalawa. Pormal nga lang dahil si Minerva ay may pagka conservative.Pero minsan makulit din pag nasa mood. Nalaman n'ya na auditor pala si Aljon ng kanilang kompanya. Sa manila, sa head office nagtatrabaho si Aljon. Pinadadala lang s’ya ng kompanya dito sa Iloilo minsan kapag kailangan.
"Ang tanda mo na pala", biro n'ya kay Aljon. Si Aljon ay bente seis samantalang si Minerva'y desinuebe lang. "Ano ka, mas baby face nga ako kaysa sa 'yo." ang pabirong sagot ni Aljon. “hah, baby face ka d’yan.” Ang pabiro ding sagot ni Minerva.Kung may asawa o wala si Aljon ay di pa nya alam. Minsan nagbiro ang isang kasamahan, "binata pa yan". Pero paano n'ya masisiguro, hindi tagaroon si Aljon. Pero ayaw n’yang magtanong. Inaantay n’yang magkusa itong sabihin sa kanya. With the hope na sana nga ay binata.
Ngunit ang buhay ay kailangang magpatuloy. Kaunting kwentuhan at tawanan, masaya na s'ya. Ang importante lagi n'yang nakikita si Aljon. Si Aljon , puro si Aljon ang laman ng utak n'ya. Ang ngiti ni Aljon ay nagpapabilis sa tibok ng puso ni Minerva. Ang mga kaunting daplis ng kamay nito. Ang pabirong akbay sa balikat. Maliliit na bagay ay nakamamatay sa batang puso. Ang paghihip sa puwing sa kanyang mata, langit. "Akin na, hihipan ko, madali lang yan." ang sabi ni Aljon nang minsang nadatnan n’ya na nagkukusot ng mata si Minerva at napuwing daw.
Ah, kung madudukot nyo lang ang puso n'ya maiintindihan n'yo ang nararamdaman ng dalaga. Mapapansin n'yo ang mga matang laging nagniningning. Maririnig n'yo din kung gaano kabilis ang pintig ng kanyang puso pag katabi n'ya si Aljon. Parang ganun kabilis sa rumaragasang tubig sa kabundukan pag may bagyo, naghahabulan, nag-uunahan pababa sa kapatagan.
"Para namang laging may naglalarong daga dito sa dibdib ko pag nakikita ko itong Aljon na 'to." Paasik nyang sabi sa sarili. “Aba’y kulang na lang lumundag palabas ah, hehehe."'Yong taginting ng kanyang boses ay parang himig ng anghel sa lupa. Ang halakhak n'yang matipid ay parang musikang kay lamyos, at ang kagalang-galang na pagsasalita ang lalong nakamamatay kay Minerva. Ang pagsasalita n'ya ng English paminsan-minsan. “Ganyang ganyan ang mga tipo ko.” Ang paanas na sabi.
Alam n'yang mabuting tao ito at matalino. "Man of my dreams", man of few words, "my Knight in shining armor", mga katagang deskripsyon n'ya para kay Aljon. Ang galaw n’yang de kaledad. Ang maprinsipyo n'yang pananaw sa buhay. Ang pagiging "matured". Kumpletos recados ika nga.
Nang hapon na yon ay inaya s'yang kumain sa labas ni Aljon. Ang saya-saya ni Minerva. Akala mo tumama sa lotto. Pero as usual ayaw pahalata. Nagkatinginan sila ni Mirasol at sumenyas ito na pumayag s’ya sa anyaya ni Aljon. Kayat ganun nga ang nangyari.
Sumakay na sila sa dalang van ni Aljon, pagamit ng kompanya ito sa kanya. Pero hindi na importante iyon kay Minerva. Lumulutang ang kanyang diwa kahit anong pigil n'ya. Habang bumabaybay ang sasakyan papunta sa isang mall ay kinausap s'ya ni Aljon. “Anong gusto mong kainin?” Pero wala sa isip n'ya ang pagsagot. Parang lumilipad din ang isip n'ya gaya ng hangin na pumapagaspas sa labas ng sasakyan at nagpapabingi sa tenga. Inulit ang tanong, "ang sabi ko saan tayo kakain", tanong ni Aljon. "Ha, e kahit saan bahala ka na", maikling sagot ni Minerva. "hammmpp puso kunting pino baka mahalata", bulong n'ya sa sarili.
Sa madaling salita nakarating sila sa mall na halos walang napagkwentuhan. Tahimik si Minerva at laging nakatingin sa malayo na parang binibilang ang mga punong nadadaanan. Pero siguro dahil sa kinakabahan s'ya, kaya umiiwas. "Dito na tayo", ang matipid na sabi ni Aljon pagkaparada sa sasakyan. Nauna s'yang bumaba at pinagbuksan ng pinto si Minerva at inalalayan pagbaba.
Halos mahimatay sa kilig si Minerva pag hawak sa kamay n'ya para makababa. "Wow ha, bigla akong naging prinsesa," sa isip n'ya. Kaya lang lalo yata akong ninenerbyos. Para ding may kuryenteng dumadaloy sa dugo n'ya. Sabi nya sa sarili, "ano ba tong nararamdaman kong ito. Hesusmaryosep".
Hanggang makapasok sa loob ng mall ay hindi binitiwan ni aljon ang kamay ng dalaga. Na hindi naman tumanggi. Sa isip ni Minerva, "sigi lang enjoy lang , it's your day!"".Pero gusto rin n'yang tanungin ang sarili, "ganito ba talaga, o kami na nga ba?" pero nahihiya s'yang mag-sip ng ganon dahil di naman s'ya nililigawan ni Aljon, basta mabait lang ito sa kanya. "Yon, yon eh."
Nang may makitang class na kainan tinanong s'ya ni Aljon, "gusto mo d'yan?" "Bahala ka na." Ang tipid na sagot n'ya. Pagpasok nila ay napahanga si Minerva. Ganda pala dito. Kahit ako tagarito ngayon lang ako makakakain dito", bulong sa sarili. Tsaka pa lang binitiwan sa pagkakahawak ang kamay ng makapasok na. Hinila ang upuan at pinaupo si Minerva. Naiilang man ay nagpatianod na lang s'ya at nag-obserba. Ang importante lang talaga sa kanya kasama n'ya si Aljon. Ma experience kung ano ang dapat ma experience. Yon lang ay sobrang kilig na ang kanyang nararamdaman.
Kinuha ni Aljon ang menu list. "Anong gusto mo", tanong sa kanya. "Bahala ka na, gaya na lang din ng sa 'yo." Omorder ng 2 steak si aljon, shrimp in sauce at kare kare. Nagulat s'ya paghain, ang laki pala ng Steak. Bigla n'yang nakagat ang labi na napansin ni Aljon, sabay tanong "bakit?" Napaismid s'ya pero napangiti, "kasi ang laki nito", sabay turo sa steak. "Di ko 'to kayang ubusin". At napakamot sa ulo. Siyang-siya naman si Aljon sa pagmamaktol ng dalaga. "E di ipabalot. Problema ba 'yon." pakli nito. Natawa na lang si Aljon pero naging hudyat 'yon para mabasag ang katahimikan sa pagitan nila at maging at ease sila sa isa't isa. “Oh sige kain ka lang d’yan. Hindi naman yan magagalit kung hindi mo maubos”, pabirong sabi nito
Habang kumakain ay nagkukwento si Aljon tungkol sa mga kaopisina n'ya at ang mga kalokohan ng mga ito. Kaya't panay ang tawanan nila. Ngunit ni minsan ay di nagkwento si Aljon para sa sarili o sa pamilya. Hindi rin s'ya nagtanong. Para ano, di naman sila magnobyo.
Nang matapos silang kumain ay nag-aya si Aljon. "Maupo tayo don sa park sa labas ng mall." Maaga pa kaya pumayag naman si Minerva. Sa loob-loob n'ya, "sus kahit walang uwian, hehehehe" lihim na napapahagikhik ang dalaga.
At habang nakaupo sila sa park ay kinuha ni Aljon ang kamay ni Minerva. Nilaro-laro n'ya ito habang nagkwekwento ng bahagya, tumatawa lang si Minerva, kinikilig. Minsan naman sa gitna ng tawanan nila ay pinipisil pisil ni Aljon ang matangos na ilong ng dalaga na ikinasisiya naman nito
Maya-maya naging seryoso na ang salita ni Aljon. "Kung wala na ba ako mamimiss mo rin ako?" Ang tanong na ikinabigla ni Minerva. Pero di s'ya nakasagot at tumungo lang. Kaya’t biglang pinaling ni Aljon ang mukha ni Minerva , paharap sa kanya, hawak ang baba nito. At tinitigan s'ya. At muling nagsalitang seryoso, "sagutin mo nga ako", ang malumanay na sabi.
Halos mapugto ang hininga ni Minerva. Gusto n'yang magtanong bakit bigla? Pero nahiya s'ya. Pero ang mga mata ni Aljon ay nagtatanong kaya sumagot s'ya ng bahagyang tango at tumungo ulit.
Nagpatuloy sa pagsalita si Aljon. "Ito ang calling card ko", sabay abot sa kamay ni Minerva. "After two days ay tapos na ang assignment ko dito. Babalik na ako sa Maynila. Sana ay magtapos ka ng pag-aaral, sayang naman ang talino mo," ang sabi n'yang may concern kay Minerva. "Kaya ko binigay 'yang calling card sa 'yo ay para makontak mo ako pagdating mo sa Maynila. Gusto kong malaman kung nagpatuloy ka sa pag-aral mo."
"Di na pala tayo magkikita." sa isip n'ya. Inaamin na n'ya sa sarili, mahal na mahal na n'ya si Aljon. “Ouch!!! Puso ko, ang sakit naman nito." At muli s'yang tinanong nito, "oy, bakit di ka na nagsalita?" sabay akbay sa dalaga na hindi naman nagreklamo. "Kung alam mo lang Aljon kung gaano ako pinasasaya ng akbay mong yan" isip n'ya." Pero para ano, aalis ka na pala." Buntunghininga.
Hah! Ah "Oo, pipilitin ko." ang maikli n'yang sagot. "Bakit pipilitin, gawin mo." Insiste ni Aljon. Hinawkan ulit ang isang kamay ni Minerva habang ang isa'y nakaakbay.
Parang pilit inaaliw ni Aljon ang dalaga habang pinipisil-pisil ang kamay nito. Obvious naman. Sa pagpunta-punta n'ya sa trabaho ni Minerva ay posibleng naramdaman n’ya na may gusto ito sa kanya. Habang nagkukwentuhan ay hinilig ni Aljon ang ulo ng dalaga sa kanyang balikat. Ni hindi naman talaga tumanggi. Kayganda nilang tingnan. Aakalain mo na sila’y magnobyo. Napaka sweet ni Aljon sa dalaga at napakabait n’ya dito. Minsan tuloy naguguluhan si Minerva kung mag-ano ba talaga sila, kaya lang nahihiya s’yang magtanong.
"Kaya pala ako niyaya magpapaalam lang, hmmmmp." bubulung-bulong. Malungkot ang mukha ni Aljon kahit sabihin nating pilit nagpapatawa. Ngunit ang puso ni Minerva'y halos sumigaw sa lungkot at takot. "Sa ganito lang ba mauuwi ang lahat? Tanong sa sarili. Pigil na pigil na mapaiyak.
Naging mahirap para kay Minerva ang mga sumunod na araw mula umalis si Aljon. Ang kunswelo na lang n'ya sa sarili ay ang makaipon para makapagpatuloy sa pag-aaral sa Maynila sa sunod na semester.
Ni minsan ay hindi sinilip ni Minerva ang binigay na calling card ni Aljon. Pakiramdam n’ya lalo lang s’yang masasaktan. "Para ano? Pasasakitan ko lang ang sarili ko?” Gusto n’yang hintayin na lang 'yong sandaling magkakaharap silang muli ni Aljon pag s’ya’y nag-aral na ulit sa Maynila.
Lumipas ang mga araw at naging buwan, at ngayo'y anim na buwan na mula umalis si Aljon. Excited sa paghahanda ng mga gamit si Minerva. "Sana magkita kami ni Aljon at sana ay maalala pa n’ya ako"
Nakarating ng maluwalhati sa Maynila si Minerva. 2nd sem na, tamang-tama para sa enrolment. "Pagkatapos ng enrolment mamimili muna ako ng gamit sa school. Sus buti lang nakaipon ako. Bahala na muna si Tita sa pagkain ko " Maya-maya, may dinukot sa bag n'ya. "Hmmmm", sabay halik sa calling card na binigay ni Aljon bago umalis noon. "Tsaka na lang tayo magkita pag medyo ayos na para magulat ka." Aniya.
Nag-aral na mabuti si Minerva, gustong pagkita nila ni Aljon may maipakita syang matataas na grades. "Tamang-tama sa Christmas vacation para wala akong pasok, tatawagan ko s'ya." Nag-aral mabuti si Minerva para hindi mapanghal sa paghihintay nya upang magkita sila ni Aljon. Natuto syang mag-ayos sa sarili para maganda sya sa kanilang muling pagkikita. Laging nakapayong para hindi umitim at gaya nga nang sabi ng iba, ang tubig Maynila ay nakapuputi raw.
"Hah, kaybilis ng araw bakasyon na pala", kinabukasan naghanap s'ya ng telepono sa malapit na tindahan. Excited na nga s’ya. Wala namang telepono sa tinitirahang tiyahin at hindi pa masyadong uso noon ang cell phone.
"Hello, good morning. May I speak with Mr. Aljon Martinez please?", ang sabi n'ya sa nakasagot. "Yes, good morning Ma'am. May I know who's on the line please?" tanong sa kanya. "This is Minerva", sagot n'ya. "Kindly hold on for a while." Sabi ng kausap, "Ok thanks" ang maikli namang sagot ni Minerva.
Maya-maya nga, "hello Minerva, how are you?" Ang di makapaniwalang tinig sa kabilang kawad. Halos lumundag sa tuwa si Minerva pagkarinig ng boses ni Aljon. Di nakasagot agad, inulit ni Aljon ang tanong. "Minerva are you still there?" tanong ni Aljon. "Hello Aljon , ah yes , still here, how are you doing?" Pagkatapos magkumustahan ay hiningi ni Aljon ang address ni Minerva at nangakong dadaanan sa hapon.
Alas tres palang naghahanda na si Minerva. "Ang ganda ko naman, hayy siguro naman magugulat si Aljon. Mas gumanda yata ako ngayon at mas maputi." Pagyayabang sa sarili habang umikot-ikot sa salamin. "Hoy baka mabasag yan." Birong pang-aasar ng tiyahin. "Saan ang lakad?" Sagot nya. "Secret". Di na rin kumibo ang tyahin dahil may tiwala naman sa kanya.
Bago mag ika-6 ng hapon ay dumating si Aljon. "Tita si Aljon po, alis po muna kami, punta lang po sa mall". ang paalam n'ya sa tiyahin na agad namang tumango. "Kain muna tayo, pagkatapos pasyal ng unti" Pahayag ni Aljon. Nang makakain ay dinala s'ya nito sa Luneta at dito sila naglakad-lakad. "Mukha yatang gumanda tayo ng bahagya ", pabirong komento ni Aljon. "Bahagya? Malaki kaya." Ang may pagmamalaking sagot n’ya habang nakangiti..
Ang dami nilang napag-usapan at natuwa si Aljon dahil nangako si Minerva na magtatapos ng pag-aaral. "Huling taon na ito ni Ate kaya pwede na akong tustusan ulit nina tatay sa sunod na sem." Pahayag n'ya kaya Aljon.
Nang magkahiwalay sila ay masayang-masaya si Minerva at puno ng pag-asa. "Sa Sabado, wala akong pasok, daanan kita bago magtanghalian ha, may pupuntahan tayo", sabi ni Aljon sa kanya. "Hay naku, mahirap maghintay ng isang linggo, ang tagal." Sa isip n’ya. Nilibang na lang n'ya ang sarili sa mga asignatura na binigay ng mga prof n'ya para magawa ngayong Christmas vacation.
At muling dumating ang araw na magkikita sila ni Aljon mas inagahan pa nga n'ya ang paghahanda sa sarili. "Kailangang mas magagandahan ka pa ng todo sa akin" anas nito sa sarili. Magsisimba tayo sa Baclaran church" sabi sa kanya ni Aljon. "Sigi gusto ko yon", sagot ni Minerva. Pagkatapos magsimba ay niyaya s'ya ni Aljon na tumambay sa cultural center. May baon pa silang softdrinks at chitchiria. Ang saya-saya nila pareho lalo na si Minerva.
Walang ginawa kundi magkumusthan, magkulitan at magtawanan. "sandali lang ha, hanap lang ako ng maiihian. Nahihiya man ngunit prangkang paalam ni Aljon. Naiwan sa sasakyang mag-isa si Minerva. Maya-maya'y napansin n'ya ang checkbook ni Aljon. Agad may pumasok na ideya sa kanyang utak.
"Pagkakataon ko na ito" dinampot n'ya ang checkbook. Pero ang katawan nya ay di gumagalaw para di mahalata ni Aljon na habang naglalakad ay lilingon-lingon sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Minerva pagkakita sa driver's license na nakaipit don sa checkbook. “Ahhh, moment of truth”. Sabi nyang mahina. “Bad or good kailangang masagot ang mga katanungan sa isip ko. Karapatan ko ito”
"Jackpot!” Ngatal si Minerva pero kailangang malaman n'ya ang matagal ng bumabagabag sa kalooban. Nanginginig man ang mga kamay ay binuklat n'yang dali-dali ang lisensya habang may oras pa at pagkakataon. “Oh my God!", Nanlaki ang kanyang mga mata. "M ang status, tama ba 'tong nakikita ko!” Parang bombang sumabog sa utak ni Minerva ang nabasa. Ngunit pinigilan n’yang maiyak. “Wala akong karapatan”, aniya. At muling tiningnan ang lisensya. Ang address, 2525 Maligaya St., madali lang imemorize.”
Ibinalik kaagad ni Minerva sa dati ang pinakialaman n’yang gamit para di mahalata ni Aljon. Kinalma ang sarili at bahagyang inayos ang pagkakaupo. Natanaw n’yang pabalik na ito at sumasagsag. “Siguro nag-aalala rin na baka pakialaman ko ang gamit n’ya.” Sa isip ni minerva.
"Oh andyan ka na pala", uwi na tayo medyo sumama ang pakiramdam ko, lalagnatin pa ata ako." Ang pagsisinungaling n'ya. Ah ganun ba, eh di sigi kung yan ang gusto mo. Ihahatid na kita. Pagdating mo magpahinga ka agad ha tsaka uminom ka ng gamot, ang nag-aalalang sabi ni Aljon.
“T’yang ‘mamayang gabi, wag nyo na akong hintayin sa hapunan. Masama po kasi ang pakiramdam ko. Matutulog na lang po muna ako.” dumeretso sa kwarto si Minerva at doon ibinuhos lahat ng sama ng loob. Pakiramdam n’ya ay gumuho ang kanyang daigdig at s’ya ay nadaganan at nagkawasak-wasak. Impit ang pag-iyak at baka maulinigan ng tyahin.
“I was betrayed!” sabi n’ya sa sarili. At di s’ya lumabas ng kwarto mula dumating. Ayaw n’yang makipag-usap kahit kanino. Gusto n’yang magpag-isa at solohin kung ano man ang nararamdaman n’ya ngayon. Gusto n’yang planuhin kung ano ang sunod nyang gagawin sa nalaman.
Kinalunesan ay isinagawa n'ya ang ala imbestigador na pagsisiyasat. Pinuntahan n'ya ang address na nakalagay sa Driver's license ni Aljon. May dala s'yang biodatang bakante. Matandang babae ang dinatnan n'ya. Pwede po kayong makausap, importante lang po?
Pinapunta po ako ng boss ko rito kasi po kailangan n'ya ang biodata ni Mr Aljon Martinez. S'ya po kasi ang kinuhang auditor ng opisina namin eh. Bale part time lang po sya sa amin. Nasa trabaho po ata si Mr Martinez ngayon" Tumango ang matandang babae. "Baka po pwedeng kayo na lang ang sumagot sa mga katanungan dito. Kaunti lang naman po eh." anya nito sa matanda.
Napatingin ang matanda sa kanya at ngumiti. "Nagandahan siguro sa akin kaya nagtiwala agad." Yabang ko sa sarili. "Kayo po ang Nanay ni Sir?" Tanong n'ya. "Byanan n'ya ako." ang sagot ng kauasap. "Saan naman po si Mrs.Martinez, nasa trabaho din po ba? Pwede pong malaman kung saan s'ya connected.? Ilan po ang mga nak nila?"
Nang makuha ang lahat ng impormasyong gustong makuha ay agad ng nagpasalamat si Minerva. Takot baka biglang dumating ang mag-asawa. Mixed emotions, nabigla ngunit wala naman s'yang magagawa. "Kaya pala", ang nasasaktang bulong nito
Kay liwanag ng araw, pero para kay Minerva ay may unos na darating. Pakiramdam nya ay parang may humampas na matindi sa kanyang pagkatao. Para s'yang hinagupit ng bagyo at nagkalurayluray gaya ng mga bahay na nasalanta nong bagyong nakaraan. "Kaylupit ng kapalaran!” Naisip n'ya sa sarili.
Gusto nyang umiyak at maglupasay. Gusto nyang sumigaw at ilabas lahat ng hinanakit sa buhay. Ah, bakit ganito, ang sakit-sakit", habang sapo-sapo ang dibdib. Ngunit nasa kalsada s'ya at pauwi pa lang, dala-dala ang mahiwagang biodata.
Paimpit s'yang lumuha. At sino ang kanyang sisisihin kundi ang sarili. Bakit umibig s'ya sa taong di lubos na kilala? Bakit hinayaan n'yang mangyari ito sa kanya ay ang tali-talino n'ya. "Totoo nga, walang matalino at bobo sa pag-ibig." Gusto n'yang sisihin ang sarili bakit 'di nagkaroon nang lakas ng loob na tanungin si Aljon tungkol sa pagkatao nito. Puro pag-ibig ang ginawa n'yang batayan para kilalanin ang tao.
24 ng disyembre, dinaanan ulit s'ya ni Aljon bago magtanghalian. Habang kumakain ay pilit na kumilos ng natural si Minerva. "wala naman akong karapatang magalit. Di ko naman s'ya boyfriend.Di naman s'ya nanligaw sakin", aniya sa sarili. Nang makatapos kumain, si Minerva na ang humiling na bumalik sila sa cultural center at doon na lang magpahangin.
Medyo nanibagong kunti si Aljon sa kanya. "Tahimik ka ata ngayon? Common, what's bothering you?" tanong nito sa kanya. "Aljon ngayon lang ako magtatanong, but please be honest once and for all. May asawa ka ba? Iyong totoo." Nabigla pero sumagot s'ya. "Ah, oo pero matagal na kaming hiwalay, nasa America na s'ya." Ang pagsisinungaling pa nito. "Aljon, please lang, this could mean my life, just the truth, please...."
Hindi nakasagot si Aljon, tinitigan s'ya nito. "You went to my house? Ikaw 'yon?" Which she answered. "Yes, I did." And he kept silent for awhile. "Mahal kita noon pa man, takot akong mawala ka sa buhay ko." May pait na pag-amin ni Aljon. At bahagya syang inilapit sa katawan nito.
"Pilit kitang winawaksi sa isip ko, alam ng Diyos, but your thoughts kept hunting me, kaya gumawa pa rin ako ng kaunting paraan. Hoping na magkikita pa rin tayo, kaya nag-iwan ako ng calling card sa 'yo." Namumula na ang mga mata ni Aljon habang nagsasalita. "Wala akong balak lokohin ka. It's just that, you came into my life in the wrong place at the wrong time." Habang lumalagaslas ang luha sa kanyang mga mata.
"Pinigilan ko ang sarili ko na ibigin ka , na ligawan ka. Pero hindi ko maiwasan na ipadama sa iyo kung gaano ako kasaya na kasama kita. Forgive me, please forgive me for loving you, I don't want to mess up your life, I don't want to make your life miserable by having me in your life. Pero di ko kinaya" "Hindi kita niloko. At wala akong balak gawin sa 'yo 'yon. Inisip ko na magpa convert sa muslim para walang isasakripisyo. Gusto kitang pakasalan ng hindi ko maaabandona ang pamilya ko. Ngunit naunahan mo ako." "Patawad...."
At niyakap n'ya si Minerva habang s’ya’y umiiyak nang todo. Humagulhol nang humagulhol. "Ayokong mawala ka. Nang magkita tayo ulit, lalo kong nadama kung gaano ka kaimportante sa buhay ko. Para akong mamamatay sa pag-hintay sa araw na magkikita tayong muli. Para akong mamamatay pag inisip ko na mawawala ka sa akin". Ang mahinang sabi ni Aljon.
Damang dama ni Minerva ang hinanakit ni Aljon, kung bakit nagkakilala sila sa maling pagkakataon. At nag-iyakan na lang silang dalawa na magkayakap. Kung gaano katagal ay di na nila alam. "Hindi tayo itinakda, ’wag nating salungatin ang kagustuhan ng tadhana.” Paliwanag ni Minerva na ngayon ay nakabawi na. "Kung talagang tayo'y para sa isat isa, hayaan nating tadhana ang humatol. Hayaan nating tadhana ang gumawa ng paraan para sa atin."
Bago ako nakipagkita sa iyo ngayon nagdasal ako ng taimtim. Humingi ng gabay sa "Kanya". Sana, sana ay bigyan n'ya ako ng lakas ng loob at tamang kaisipan para mapaglabanan ang lahat ng hamong ito sa buhay ko. To fight against all odds.", dagdag pa n’ya. "Wag tayong padadala sa silakbo ng ating damdamin, marami ang masasaktan. Marami ang madadamay na inosente, hindi rin tayo magiging masaya. At ang higit sa lahat, magkakasala tayo sa D’yos." Umiiyak na sabi ni Minerva.
Aljon, wala akong pinagsisihan na minahal kita pagkat puso ko ang may kagagawan noon. Ngunit ang ipagpatuloy ito matapos malaman ang lahat sa 'yo, ano ang mukhang ihaharap ko sa D'yos, kahit hindi na sa tao?" Hindi na kumibo si Aljon hinayaan n’yang mailabas ni Minerva lahat ng hinanakit n’ya, sa ganoong paraan man lang ay maibsan ang sakit na nadarama nito na s’ya ang may dulot.
Nakikinig lang si Aljon habang tumutulo ang luha. Hinayaan n’yang magsalita si Minerva. Bawat salitang binibitawan ni Minerva ay balaraw na sumasaksak sa puso ni Aljon. Damang-dama n’ya ang sakit na nararamdaman ng babaeng kanyang minahal at handa sanang pag-alayan ng kanyang pagmamahal, no matter what it takes.
“Hayaan mong muli kong mabuo ang pagkatao ko.” Ang pakiusap ni Minerva. ‘Yong marerespeto ko ang sarili ko at maipagmamalaki. Iyong mabubuhay ako ng normal at walang pangingilagang kahit sino. Iyong makakabuo ako ng pamilyang tahimik at maigagalang ng tao. “Hindi ko kayang ipaglaban ang pag-ibig na galing sa pagkakasala. Hindi ko kayang mabuhay sa ginta ng pagtuligsa. Mas lalong hindi ko kayang labanan ang kagustuhan ng Lumikha. Hayaan mong gamitin ko ang talino ko sa tama”, ang pagsusumamo ni Minerva.
"Pasko na bukas. Gusto kong iregalo sa ‘yo ang kalayaan mo. Gusto kong iregalo ka sa pamilya mo.” Patuloy ni Minerva. “Kalimutan na natin ang isa't-isa, kahit masakit. Kahit mawasak ang puso ko. Kahit ikamamatay ko. Kahit paulit-ulit akong mamatay. Kahit paulit-ulit at paulit-ulit pang mamamatay!"