SA BAWAT PATAK NG GATAS NI NANAY
(Leticia Leaño Maulion Reyes)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/7/2012
Sa bawat pagtulo ng likidong puti
Buhay ang katapat ng uhaw na labi
At ang aking nanay ay agad ngingiti
At sa kanyang dibdib ako'y itatabi
Sadyang kay linamnam ng gatas ni Nanay
Walang kasingsarap iyan ay patunay
Mula pa sa nuno hanggang magkamalay
Gatas na kaysarap nanggaling kay Inay
Ang unang tumulo ay dilaw ang kulay
At laban sa sakit katawa'y titibay
Kanyang ibinigay sa ati'y inalay
Nanggaling sa puso nanggaling kay nanay
Sa unang pagsuso kaysakit sa ina
At sugat sugat na ay hindi aalma
Pagkat tanging nais ay mabusog kita
Ng tayo'y lumaki tumalinong bata
Ang batang lumaki sa gatas ng ina
Ay batang mabait at kaysayasaya
Mabuti ang puso at mapagmahal pa
At kapag lumaki may talinong dala
Buhay nati'y utang kay ina't kay ama
Walang kasing buti at kay dakila pa
Ating tatandaan respetuhin sila
Sila ay mahalin buhok ma'y puti na
Sa 'yong pagtitiis oh dakilang ina
Sa lahat ng hirap at sa yong adhika
Gusto kong magpugay sa isang nilikha
Kung saan nagmula, bigay ni Bathala
Sa araw na ito ako ay nagpupugay
Sa yo aking inay, at lahat ng nanay
Sana ay patuloy ibigay ang gabay
Hanggang sa pagtanda ika'y kaagapay
Maraming salamat, maraming salamat
Para po sa akin isa kang alamat
Na D'yos Ama lamang may alam sa lahat
Kung saan nagmula kung saan nagbuhat
MASAYANG ARAW NG MGA NANAY SA ATING MGA NANAY!!!
MASAYANG ARAW DIN SA ATIN NA MGA NANAY!!
No comments:
Post a Comment