Monday, May 14, 2012

INA NATATANDAAN MO PA BA


INA NATATANDAAN MO PA BA?
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/8/2012

Siyam na buwan inasam kaytagal sa iyong tiyan
Maya't maya'y kinakapa inaantay masikaran
Iyang mapagpalang kamay na handa laging damayan
Ang sanggol na pinagpala sa kanyang sinapupunan

Bakit nga nanay kayhirap iyang maging isang ina
Ang iyong pinagdaanan balakid ay pagkahaba
Magmula s'ya ay iluwal at magbinata't dalaga
Ina ay nagdurusa na mula gabi at umaga

Tuwing s'ya ay magkasakit o lagnatin ng matindi
Ang ina n'yang mapagmahal simula ng maturete
Walang s'yang tulog magdamag mata'y halos makulite
Hindi man lang makakain ngunit s'ya ay nakangiti

Ngunit bakit ng lumaki pagsagot ay lampas langit
At halos makalimutan ang lahat sa kanyang ngitngit
Na itong inang nagluwal ay dapat na nilalangit
Upang sa kanyang pagtanda sa iyong braso kakapit

Masdan iyang mga uban sa ulo ay nagpitikan
Kasama ang mga gatla sa noo nagsusuntukan
Kapain ang mga kamay ugat ay naglalabasan
At ang kanyang mga paa na halos ay mapilayan

Hindi pa ba sapat sa 'yo ang mga nagdaang araw
Kung saan ang iyong Nanay ay lubusan ng mamanglaw
Pagkat sa kanyang pagtanda walang anak na matanaw
Walang ng nakaalala wala na ring dumadalaw

Pagsapit ng takipsilim ay paano na si Nanay
Mayroon kayang magt'yaga at sa kanya ay gagabay
Kung malabo na ang mata at s'ya ay hahapayhapay
Sino kaya ang dadating at sa kanya ay aakay

Sino ngayon ang tatayo dito sa aking harapan
Upang s'ya ay magmalaki na kanya ng nagampanan
Ang pag-alaga sa nanay upang kanyang mapantayan
Ang lahat ng sakripisyo't hirap na pinagdaaanan

At sino ang magsasabi na s'ya ang may karapatan
Upang s'ya ay magmalaki sa kanyang pinagdaanan
Pagkat ang kanyang paglingap at kanyang kadakilaan
Kung hindi ta maging nanay hindi natin matapatan

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...