Thursday, October 11, 2012

ANG LANGIT UMIIYAK ANG DAGAT HUMAHALAKHAK


ANG LANGIT UMIIYAK ANG DAGAT HUMAHALAKHAK
www.weenweenreyes.blogspot.com
Wee-ween Reyes

Langit umiiyak, dagat humalakhak
Ulan ay pumatak baha'y pumalakpak.
Naluha sa galak bundok nakiiyak
Baha ay gumayak lumapad ang dagat.

Sino ang may sala dukha o may pera?
Doktor, abugado o ang abugada?
Si Ate o Kuya si Ina, si Ama?
Aking masasabi lahat ay kasama.

Ba't nangagkalbo na yaong mga bundok?
Basurang nagbara ay nakayayamot.
Anong magagawa, tayo'y maghimutok?
Magtulungan tayo lahat ay kumilos.

Totoong yan nga ba ang mga dahilan
O ang ating mundo'y isa nang hukluban?



KAHANDAAN SA MGA KALAMIDAD
Wee-ween Reyes, 8/11/2012

Habagat lang pala kayraming nagdusa
Nakakataranta ulan ay rumampa
Dinagsa na naman ang mga groserya
Tao ay namili biglang nataranta

Ugali ng tao ay sadyang ganito
Kung saan may bagyo paroo't parito
Bili ng kandila ng de lata't Milo
Handa ng ganoon handa ng ganito

Ang nakatutuwa kapag may sakuna
Ay nagpapakitang pag-ibig sa kapwa
At ang bawat isa ay nababahala
Tumutulong agad ng walang salita

Ngunit tandaan ta habang naghahanda
Tayo ay magdasal sa Amang Maylikha


Thursday, August 16, 2012

ANAK, 'DI KA NA SANGGOL


ANAK, 'DI KA NA SANGGOL
Wee-ween Reyes

Parang kailan lang ikaw'y karga-karga
At hinahalikan sa tuwituwina
Ang anghel na bigay ng ating D'yos Ama
Dulot ay ligaya sa isang mag-asawa

Sa bawat pagkimbot ng mapulang labi
Lahat natutuwa at napapangiti
Ang 'yong munting tinig sa puso'y kiliti
Makita ka lamang pagod napapawi

Nang ikaw'y niluwal ang mundo'y sumigla
Buhay ay naiba napuno ng saya
Sa bawat pag-iyak hinahaplos kita
Buong pagmamahal hanggang tumahan ka

Ang pagpapaligo kahit araw-araw
Nagpapaalalang may sanggol sa bahay
Sa bawat pagpalit lamping inihian
Ay nagpapatunay ng pagkamagulang

Sa halik mo lamang puso ay pumitlag
At s'yang kumukulay sa maghapong payak
Aming ibibigay itong aming palad
At ang pagkalingang sakdal ng paglingap

Ang unang salita ay isang musika
Kay tyagang maghintay nang sasabihin pa
Isasayaw-sayaw habang kumakanta
Laging hinihele't matulog ka sinta

Sa unang paghakbang na pagiwang-giwang
Ay takot na takot ikaw'y mabukulan
Habang minamasdan kami'y nakaabang
Sa bawat pagbagsak kaming nasasaktan

Oh kaybangu-bango ng amoy ng bata
Kaysarap samyuin ang kanyang hininga
Habang minamasdan daliring mahaba
Matang kay pupungay ay nakatutuwa

Hindi padapuan ng lamok o langaw
Ano't bawat oras halos nakabantay
At ang pagkalingang sa yo'y ibinigay
Lubos ang pag-ingat sa supling na mahal

Isang taon ka na at hindi na sanggol
At ang paglalakad tumibay ng lubos
Buhok ay humaba ilong ay tumangos
Kaysarap pisilin ang pisnging mapurok

Oh Diyos na Ama kami'y nagdarasal
Nawa'y sa paglaki Kayo ang patnubay
Sana ay gabayan maging mapagmahal
Kay gandang biyayang sa ami'y binigay

Tuesday, August 7, 2012

ANG ARKO NI FLORENCE CALICA


ANG ARKO NI FLORENCE CALICA
Sa Unang anibersaryo ng
Love is in the air, Straight from the heart
(3rd ?)

Noong naunang panahon ang daigdig ay tahimik
Ang tao ay mababait at wala pang hinanakit
Ngunit bakit ilang saglit ang tao'y naging malupit
Ang Diyos biglang nagalit ang mundo ay hinagupit

At iyong arko ni Noah ang s'yang tanging may biyaya
Ang hayop ay tagdalawa sa arko ay pinagpala
At ang mundo ay binaha, ng ito ay mapayapa
Sina Noah at pamilya ay doon na nagsimula

Ang mundo ay nakalasap at natakot sa naganap
Nakaranas na ng hirap kaya't mata'y nangagdilat
Ang mga daho'y nalagas at umusbong ang paglingap
Ang kasamaa'y nagwakas ang pagmamahal umugat

Ang dating mundong binaha ang lumang grupong nauna
At iyong arko ni Noah, bagong grupo ni Calica
Ang diwa ko ay sumama habang ako'y nagbabasa
Sa balita na nakuha nitong grupong naiiba

Itong arko ay ang grupo, na noo'y muling binuo
Sa unang anibersaryo ating ipagbunyi ito
Ilabas alak at baso litsong baboy na kaybango
Ipagsigawan sa mundo isang taon ay nabuo

Ang bandera ay ikaway muli nating iwagayway
Harapin ng buong husay at sumigaw ng mabuhay
Kaya't sa bawat himaymay kalimutan yaring lumbay
Muli't muling umagapay at magsisilbi ding suhay

Sa kahit anong pagsubok palaging sa D'yos dudulog
Kahit sa bawat pagtibok pusong walang kasing rupok
Alalahaning paglubog o abutin man ng dagok
Kay Bathala lang kakatok pagkat "S'ya'y" di napapagod

Isang taon ng lumaban at muli ay nanindigan
Nawa'y lubusang ilawan ang samahan wag iwanan
Ang Diyos ay ating gabay sa ating patutunguhan
Ang tama'y papatnubayan ang mali ay may libingan

Kaya't nagbabagang galit ay atin ng iwawaglit
Kalilimutan ang pangit at tigilan ang pasakit
At magsisimulang muli't humalakhak hanggang langit
Isigaw sa D'yos iulit at pagmamahal isambit

"LOve is in the air" kaybuti at sa bawat pagpunyagi
"Straight from the heart" sisidhi ang pag-ibig sa kalahi
Anibersaryo'y may ngiti tayo'y patuloy magbunyi
Pagkat ang buhay maikli kung tawagin ta'y uuwi

..............................................................
MALIGAYANG UNANG ANIBERSARYO
Nawa'y ang kaligayahan at katahimikan sumainyo!!!
..............................................................

SILANG MGA MAPAPALAD


SILANG MGA MAPAPALAD
Inspired by Florence Calica's
"NALIPASAN NG PANAHON"

Wee-ween Reyes 8/6/2012

Kay bigat ng aking dibdib pagkatapos kung basahin
Nilalaman n'yaring tulang binuhusan ng damdamin
Oh kaysaklap-saklap naman kung ating pakaisipin
Ang pag-big ay lumipas at ang puso ay nanimdim

Ngunit karapat-dapat bang kalungkutan ang tadhana
Kung ang gumuhit sa palad ay ating Amang Bathala?
Dapat ba tayong magtanong sa ating Amang lumikha
Ng isang sandaigdigang puspos ng ganda't biyaya?

Masdan ang mga kahoy yaong may punong matibay
Kaysigla ng mga dahon kaytaba't naggagandahan
Kung kaya't ang mga sanga ay may bungang nakahanay
At hitik sa pagmamahal ng punong s'yang gumagabay

Gaya ng isang pamilya kung merong isang gigiya
Ang buhay tiyak uunlad ang lahat ay liligaya
Kung may isang magmamahal at siyang magpapasiya
Gabay sa kinabukasan tuluyang aakuin n'ya

Ah, isang malayang ibong wala namang karapatan
S'ya'y lumipad sa malayo para buhay ay dugtungan
Nitong mga kapuspalad na problema'y s'yang umatang
Sariling kaligayahan ay naisantabi na lang

Kaypalad ng mga mahal na merong anghel sa lupa
Na tunay na nagmamahal kahit pag-big mawala
At magtitiis sa lamig kahit sarili'y kawawa
Pagmamahal sa pamilya iyan ang kanyang adhika

Ilan nga bang kagaya mo ang 'di marunong sumuko
Uunahin ang pamilya kahit dumugo ang puso
Di alintana pagtanda kabataan ay lalaho
Wala namang aagapay walang asawang susuyo

Ngunit wag kang mag-alala ang Diyos ay nakatunghay
At sa bawat pagtitiis sa iyo'y may nakalaan
Bawat tulong na ibigay na butil ng kabutihan
Merong biyaya sa langit kapagdaka'y naghihintay

Pagdating ng dapithapon ay hindi ka mag-iisa
Pagkat bawat pagmamahal susuklian nang ligaya
Ang palay na ipinunla lalaki at magdadala
Tutubo at sasagana may biyayang nakatawa

Silang mga mapapalad na tinulungang umunlad
Ang sa iyo ay gagabay kapag mawalan ng lakas
Ang buhay parang ruweda minsan sa baba o taas
Kabutihang naigawad may nakalaang katapat!

NALIPASAN NG PANAHON

by: ms. Florence Calica

Balik tanaw sa lumipas,nakung saan nagsimula
Kahit ito'y ayaw ko, nang muli itong magunita
At kahit na masasabing, itong pusoy nagtitika
Hindi ako nagsisisi,sa buhay ko ang nawala

Ginugol ko ang panahon,sa maraming mga bagay
Sinantabi ang pag-ibig,tiniis na huwag magmahal
Ang hangad ko sa sarili,akin munang matulungan
Ang ugat ng pamilya kong,nagising sa kahirapan

Palibhasa akong ito, narating na ang tugatog
Kaya ako sa pagtulong, hindi ako nagmaramot
Ng malingat ang sarili, doon sa'king pagkalimot
Ang puso ko sa pag-ibig,dina ito tumitibok

Ang panahon na nagdaan,kusa ko man ibabalik
Hindi narin mabubuhay,ang namatay na pag-ibig
Pagkat dito sa puso ko,nanalaytay na ang lamig
Mistula ng isang bangkay,itong pusong walang init

Napansin ko ang sarili,ako pala ay nag-iisa
Ang ngalan ng pagmamahal,sa akin ay lumayo na
Kahit ako'y nakahiga,sa maraming aking pera
Inaamin ng puso ko,di ganap ang maligaya

Sa kabila nitong lahat,hindi ako nagsisisi
Kung ang dulot ng pagtulong,ay nagbunga ng mabuti
Ang tangi kong ala-ala, ang sanhi ng pagsisilbi
Ang damdamin nitong puso,ang siyang aking naisantabi

Batid ko man hindi narin,muling itoy manariwa
Ang puso kong kinupasan,ng pag-ibig na nalanta
Kahit itoy diligin pa,ng sariwang mga luha
Ay hindi na maibabalik,ang panahon na nawala

Ngayon akoy nag-iisa,sa gitna ng karangyahan
Sa pagtulong ang kayakap,ang sariling mga unan
Ang lamig ng hating gabi, kung gumapang sa katawan
Ang makapal na kumot ko,ang siyang aking pananggalang

Akin lamang tinatanaw, ang buhay kong nakalipas
Ngunit walang pagsisisi,kahit pusoy walang kapilas
Kung ito man ay bahagi,at kasama sa pangarap
Ano man ang naging bunga,akin itong tinatanggap

Ngayoy walang nalalabi,kundi bakas ng kahapon
Ang pag-iisa sa buhay,ang sukli ko sa pagtulong
Ang saganang aking buhay, na kapiling ko sa ngayon
Ang siyang sukli sa puso kong,nilipasan ng panahon...ahihihih

Sagot ko po yan sa taong umaalipusta
sa aking katayuan at hanggang ngayon pinili ko ang mag-isa
atleast masaya ako sa akin buhay,lahat naman tayo tumatanda...

SALIKOD NG UNOS


SA LIKOD NG UNOS
Wee-ween Reyes
August 6, 2012

Tunay ngang makata'y madaling matangay
Nitong suliraning puso ang kalaban
Sa aking pagbasa puso ko'y nasaktan
Bigat sa damdamin aking naramdaman

Kahit yaong langit lambungan ng ulap
Tutulo sa lupa at babahang ganap
Magsisilbing luha sa mata'y lalaglag
Buhay na kaypait dusa ay lalatag

Hanapin ang buhay kung saan magaan
Hanapin ang saya at kaligayahan
Kaysarap mabuhay sa mundong ibabaw
Ayusin ang buhay kung lungkot ang bigay

Sa likod ng unos araw ay sisikat
At s'ya ay ngingiti may dalang halakhak

Salamat creator Florence Calica sa inspirasyon,
diwa ko'y dumadaloy sa pagbasa ng iyong
madamdaming katha

Love is in the air, Straight from the heart.
PAG-IBIG AT BUHAY KO
hapi 1st year Anniversary

by: creator Florence Calica

Dito ko nakita, ang mundong makulay
Sa sining na ito,na kinahiligan
Lunas sa lungkot ko,at aliw sa lumbay
Sa bawat sandaling,magdaan sa buhay

Kung kapiling ito,at aking kaharap
Mga kaibigan ko,nakikitang lahat
Kung minsan may bagong,aking nakakchat
Sa Love is in the air,Straight from the heart

Dito sa page na ito,ako'y nahumaling
Mga kaibigan ko,ang nakakapiling
Kaya sa buhay ko,ito'y itunuring
At mabisang lunas,sa pagkagupiling

Buhay ko't pag-ibig,sadyang naririto
Kapiling ng aking kasapit,ka miyembro
Naiwawalang lahat,mga dalahin ko
Ang pusong may lumbay,nawawala dito

Kaya tinuring kong,buhay kot pag-ibig
Ang samahang naming,aking itinindig
Pagkat magmula,ng dito'y nagkahilig
Ang pagkamalungkot,nawawala saglit

Ang samahan naming,aking itinatag
Bakas kung iiwan,sa puso ang lahat
Kung nais makita,itong aming pugad
Sa Love is in the air,doon mo mahanap

Dito makikita ang,aklat kong buhay
Na kung saan ako, palaging nariyan
Diyan ko nga kapiling,ang mga kaibigan
Nasa problema ko,tunay kung nakaramay

Kaya sa puso ko,ay napakahalaga
Ang bagong kulturang,makabagong siyensya
Ang kaligayaan ko,dito nga nakita
Dito sumilay,ang isang ligaya

Natagpuan ko nga,ang laon ng hanap
Ang pamatay lungkot,sa hamis kong palad
Dito ko nakita,mata'y naimulat
Ang bagong daigdig,ng aking pangarap

Kaya naman ngayon,ang turing ng puso
Ang ligayang hanap,dito ko natamo
Dito nakilala,dito nakatagpo
Buhay ko't pag-ibig,na minsa'y lumayo...

admin Coco ♥

Sunday, August 5, 2012

AKING IDOLO


AKING IDOLO
Manny "Pacman" Pacquiao
Wee-ween Reyes, 5/30/2012

Si Pacman ay aking idolo
Pinakasikat na boksingero
Ating kapwa Pilipino
Hinahangaan sa buong mundo

Pinasok ang pulitiko at pagbasa ng biblia
Pag-artista at pagkanta
Lahat ay naabot na
At napakarami ng pera

Ngunit bakit sa lahat ng ito
Isip ay di makuntento
Nagawa ng magsirbisyo
Sa baya't kapwa Pilipino

Di kaya oras na
Para sarili'y bigyang halaga
Ang kalusuga'y dapat manguna
Ito'y walang katumbas na pera

Dapat alalahanin lagi
Ang magaling na Muhammad Ali
Kaylakas lakas dati
Ngayon lagi na sa katre

Aanhin ang salapi
Kung hindi na makangiti
Magtitiis ng hapdi
Sa sakit ay matatali

Marami pang boksingero
Nalibang sa panalo
Natapos sa pagkatalo
Sa huli na natuto

Bakit hindi tumigil
Hanggang kamao'y nanggigigil
Ng tanghaling bida't pader
Si Manny Pacquaio bantog na "boxer"

LANGGAM

:-)
LANGGAM

Nakakatuwa ang mga langgam
Kung saan may matamis nagkukulumpunan

Ayon! Isaisang nagmamarsta
Mga mukha'y nakangisi pa
Buhatbuhat ang gantimpala
Sa kanilang ginawa

Inagaw na ang korona
Kaharian ay napasakanila

Mga dukha
Maghanda!!!
Nagbago na ang naibaba
Ang lupa'y mawawala
Kayo ang kawawa
Sa D'yos humingi ng awa

SI EVA, BULAKLAK?

SI EVA, BULAKLAK?
Wee-ween Reyes, 5/27/2012

Ang mapanghamak na inis
Pumupulandit ang galit
Sa suso ng mapagkunwaring tapang
Sa lahi ni Adang matakaw sa laman

Bakit si Eva na kawangis ng ina
Na nagluwal sa pangahas na dila
Na karugtong ng pusod
Ang kinutya at inulaol ng uod

Inuut-ot ang kamalayang naghihinagpis
Manawari't umigkas ang pagkabigkis
Sa mapaglaro't gutom sa alindog
Ng hayok at bagamundong ulos

Tangay ang agos ng luhang rumagasa
May galak habang lumulunoy sa tuwa
Ang baston ng mapaglarong pipit
Humahalakhak habang kumakandirit

Tinalampasan ng wala sa katinuan
Binulabog ang natutulog na kaisipan
At ang bulkan ng galit ngumuyngoy
At ang dragon ay bumuga ng apoy

Nagngangalit sa duyan ng pagkalungi
Naniningkit ang mga tinging tumitinding may ngiti

Friday, June 22, 2012













KASAL SA ULAP (Ako Ay "June Bride")




KASAL SA ULAP ("June Bride")
Wee-ween Reyes, 6/29/2012

Ang pamamanhikan ay nakagawian
Kung magtaling puso ay nagmamahalan
Hihingin ang kamay sa mga magulang
May dalang hapunan kasal ang usapan

Itong pagtitipon sobrang mahalaga
Di kaning mainit na pwedeng iluwa
Ito'y habangbuhay, basbas ni Bathala
At sa kasalanan sila'y ipag-adya

Kayhaba ng oras aking pakiwari
Upang ang dalawa'y tuluyang matali
Kaydaming iayos tila sarisari
Hahabol sa araw at bawat sandali

Sumunod na gabi'y puspos kasabikan
At ang minamahal laman ng isipan
Hanggang sa pagtulog ay mapanagimpan
Hindi mawawaan kung kami'y nasaan

Kaybilis umusad saglit na nangarap
Ginawa pang hagdan yaong mga ulap
At sa panginorin kay higpit ng yakap
Matipunong bisig oh kay sarap-sarap

Sabay tiningala liwanag ng buwan
Pagtabing ng ulap bitui'y dumungaw
Labi ay naglapat kaylambot halikan
At nagpatianod sa hanging amihan

Makapal na ulap sa ami'y yumakap
Upang sumalikop at hindi mahanap
At maglalambingang may tuwa at galak
At gunamgunamin ang aming pagliyag

Kayhaba ng ulap sa akiy binihis
Parang aking damit sa kasal ay gamit
Kaygandang desenyo! Ang aking nasambit
At kayputi-puti at walang kaparis

Natapos ang kasal lahat ay naghintay
Sa gilid ng mata luha ay bumaybay
Sa bawat himaymay, tuwa at tagumpay
Nang ako'y magising sa halik ng hirang.

Ngayon ang pangarap tunay na at ganap
Hindi panaginip, hindi na sa ulap
Tangi kong pag-ibig sa 'yo ay nahanap
Walang kasing tamis, ligayang kaysarap!

Sa bawat sandali sana'y manatili
Tunay na ligaya at hindi pighati
At hihiling sa D'yos ng kunting kandili
Tahimik na buhay may kasamang ngiti

Buwan daw ng Hunyo sa nag-iibigan
Hinango kay Juno, d'yosa ng kasalan
Tunay man o hindi ang mga dahilan
Ang mas mahalaga ay nagmamahalan

Sunday, May 27, 2012

ANG "MUSICBOX" NI LOLO


"MUSIC BOX" NI LOLO
(Rizal A. Reyes)
www.weenweenreyes.blogspot.com
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/26/2012

Pagpasok ko sa kwarto
May bagay na nagpangiti sa akin
Ang "music box" na bigay ni lolo
Kakaiba't nakatoga ng itim

Ngunit s'ya'y bata lang
Dapat ang kulay ng toga'y puti
Ako'y nabaghan
Aking naalalang dagli

Ang talino ni lolo
Greyd siks lang ako ng padalhan
Ang dami n'yang mga apo
Bakit ako ang bukodtanging nabigyan

Lumipas ang mga araw
Lumaki kaming tatlo
Iba ang nais ng aming mga magulang
Kami'y maging simple't matalino

Ngunit ang "music box" ay nasira
Dinaanan ng bagyo
Binaha
Ngunit ang batang nakatoga ay buo

Kahit di na umiikot
Kahit wala na ang tinutungtungan
Kahit wala ng tunog
Kahit wala na ang kantang kinagigiliwan
Naroon ang bata nakaliyad ang dibdib
May nais iparating
Parang ako'y iniinggit
At ako'y nagising
Kahit sa baha
Di s'ya nalunod
Kami pa kaya
Di kayang gumaod?

Natapos ako
Nagtrabaho't tumulong
Sumunod ang kapatid ko
Ngayo'y nagtrabaho't nagpatuloy

Nagdagdag ng aral
Gusto'y marating ang tugatog
Laging nagdarasal
Sa Langit may mahulog

At kami'y naghintay
Hanggang si bunso'y natapos
Ang sarap sa pakiramdam
Kasiyaha'y naging lubos

At pagpasok ko sa kwarto
Ako'y napaiyak
Biglang naalala ko si lolo
At luha'y pumatak

Gusto kong humagulhol
Palakas
Mula sa pag-ungol
Mas malakas
Wala na s'ya
Di na namin masabi
At magpasalamat sa kanya
At sabihin kong gaano s'ya kabuti
Hindi na rin n'ya maririnig
Ang aming puso kung ano ang gusto
O kahit sa bibig
At sabihing mahal namin kayo lolo!!!

Ang nakatogang bata sa "music box" ay kami
Ang mga kapatid ko't ako
Kung bakit itim at di puti ang nabili
Magtatapos kami ng kolehiyo

At ang mga iyak ko'y naging impit
Nagdasal at nagpasalamat
Sa isang idolong kay bait
Si lolo, isang alamat!!!

Saturday, May 26, 2012

ISANG GABI NG KATAKSILAN



ISANG GABI NG KATAKSILAN
Ma.Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes,
Setyembre 12, 2011

mabigat sa dibdib
ang puso ay hirap
damdami'y nanganib
at biglang inakap
hindi mapakali
pilit kinakapa
pilit ikinubli
pagkat mahiwaga

ang maling damdamin
muling umusbong
puso'y inalipin
marami ang tanong
gustong ring kumibo
muling nabulahaw
tahimik na puso
ay umalingawngaw

ngayo'y gulung-gulo
at may dalang kirot
damdaming tinago
para bang nasundot
pilit lumalabas
at di mapakali
pilit umaalpas
kahit 'yong itali

ang dating damdamin
ay muling nadama
parang isang haling
ang puso'y natuwa
sadyang di mapigil
pag-ibig sa giliw
lalong nanggigigil
parang isang baliw

ang puso'y nanangis
sa tunay na mahal
damdami'y lumihis
ng ito'y tumagal
pilit nililigaw
ang damdaming sabik
at hanggang luminaw
hinugot ang tinik

ang pusong makulit
ay agad bumitaw
damdami'y pinilit
uhaw ay matighaw
mga katanungan
naghanap ng sagot
at ang katatagan
ay biglang nilimot

luha ay nangilid
pagkat puso'y taksil
pinilit isilid
at baka mapigil
ngunit s'ya'y gumalaw
at muling lumabas
kagyat nabulahaw
itong talipandas

hungkag na damdaming
kaytagal tiniis
puso ay humiling
madama ang tamis
kung kaylan ang lahat
ay naging maayos
pilit sinusukat
puso ay tinuos

at ngayong malasap
tunay na ligaya
matikman ang sarap
kaysaya sa kanya
sa dating pag-ibig
buhay ay sumigla
ang dating malamig
ngayo'y uminit na

Ngunit tama nga ba
puso'y iyong sundin
wag saktan ang iba
damdami'y pigilin
ang maling pag ibig
sa puso'y gumising
puno ng ligalig
sa damdaming haling

kailan aminin
ang maling pag-ibig
isip pairalin
kalaba'y daigdig
pag-ibig na tunay
ay yaong kinasal
pagkat pinagtibay
ng Diyos na mahal

pinikit ang mata
at s'ya ay nag-isip
pinilit kinapa
dibdib n'ya'y sumikip
gusto n'yang tumili
umalis lumayo
puso'y yupi-yupi
ang sakit tumimo

ng s'ya ay lumabas
siya ay umungol
at lalong lumakas
ungol pa ng ungol
gustong magsalita
nagtagis ang bagang
at ang kanyang diwa
ay mukhang nawindang

at s'ya ay inalog
inalog pang muli
at muling inalog
hanggang mapangiwi
ng biglang magising
asawa'y tiningnan
at biglang humiling
ng kapatawaran

aking D'yos salamat
at ako'y nagising
puso ko ay tapat
at walang nasaling
aking panaginip
ay mali't tiwali
ng ako'y maidlip
nagkasalang dagli


hayyy salamatttttt....panaginip lang pala..

DIYAN SA KANLURAN



DIYAN SA KANLURAN
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/26/2012

Samahan mo ako aking iniirog tayo'y mamamasyal
At tayong dalawa ay sabay namnamin itong pagmamahal
Ating pagsaluhan ang kaligayahan nung tayo'y ikasal
Oras ay igugol bago pa lumisan't panawan ng buhay

Masdan ang araw diyan sa kanluran at doon din ako
Pagkat sabay tayo't magkahawak kamay lilisan sa mundo
Paano ang buhay di kayang mag-isa't gusto'y sa piling mo
Pagputi ng buhok mukha'y kumulubot, lumabong mata ko
Ako't ikaw mahal, hanggang may hininga't bawiin man ito

Paglubog ng araw ating pagmasdan ang kanyang pagyao
Mata'y wag kumurap pakatitigan mong kagandahan nito
Ang kulay kayganda ating tatandaan walang mababago
Hanggang sa pumanaw mawala sa dagat kahit ang anino
Kung tayo'y tawagin ako ay hintayin magkasama tayo


Ngunit kayhaba pa ta munang umuwi't pagsaluhan natin
Buhay na kayganda bigay ni Bathala ating pagyamanin

Friday, May 25, 2012

MANHID BA?


MANHID BA?
www.weenweenreyes.blogspot.com
Ma. Crozalle Reyes Rymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/24/2012
Inspired by Makata Lex Rei

Damdaming di mawawaan
Di makapa kahit sa kawalan

Kahit ang puso
Naghanap, nanuyo
Hanggang sa mapagal
At mapanghal

Pilit hinahalukay
Ang tanging pakay
Sa kailaliman ng kahapon
Gamit ang kaisipan ng ngayon

Kahit ibaling
Ang paningin
Walang makita kundi puro dilim
Walang maaninag, puro itim

Ah gustong makakita
Ngunit wala naman palang mata
Gustong sumigaw
Kahit walang dila
Gustong marinig ang paligid
Kahit walang taynga

Ngunit may puso't damdamin
ayaw mamansin
tulig
manhid

o sadyang takot
pumalaot
at malaman
ang laman
ng pusong pinid
dahil may nakaukit
wala ng karapatan
magpakaylanman
pagkat nakakulong na ang damdaming
matagal ng nakalibing

MUNTING PANGARAP


Ako'y dinala
Ng aking mga paa sa labas
Wari baga
Uulan ng malakas

Ngunit ang balumbon
Ng ulap sa langit
Nahiya, umayon
Di na humirit
Ang nagbabantang kulog
At kidlat
Natulog
D'yos, salamat!

Ang mata
Saansaan dumako
Sana
Makatagpo
Bulaklak na puti
Parang mga bituin
Aking pakiwari
Ay maangkin

Kumahol ang aso
Singbilis ng kidlat
ako'y tumakbo
Ang paa sa lupa'y angat

At ang hinahangad
parang bolang nawala
Sa takot
At pagkabigla

Nalungkot ang araw
Di tuminag ang hangin
Gusto sanang sumayaw
Hindi naglambing

Ako ay nagulat
Ang aso'y narito
Hanap na bulaklak
Dala ng amo
Kanyang inabot
Ang aking kamay
At ang isang kumpol
Ay inilagay

Singganda ng rosas
Ang Berheng Maria
Sa kanya ialay
Ang puting dala
Vene de vamos todos
Ay inawit
Oh kay lamyos
Sa pandinig

Tumulo ang luha
Agad namalisbis
Ito na
Ang aking nais

Batang pangarap
Sumuot ng puting damit
At naganap!
Sa buhok puting laso'y inipit...

Tuesday, May 22, 2012

KUMPOL NG BULAKLAK


KUMPOL NG BULAKLAK
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/22/2012

I
Kumpol ng bulaklak
Ay isang pag-ibig
Kay tagal hinintay
Ako'y nasabik
Isang araw dumating
"Delivery" ng Megamall
Ng aking tanggapin
Ah, Rosas na isang kumpol
Ngunit bakit
Pangalan n'ya
Walang nakalakip
Nahiya kaya?
Kaarawan ko noon
Ayokong mag-isip
Lalo ang umasang may layon
Baka ako'y mainip

II
Dumaan ang dal'wang linggo
Panibagong "delivery"
Sa kanya sigurado
Walang pangalan gaya ng dati
Mas mahaba ang sulat
Gusto ko sanang matuwa
Muntik ng mangarap
Ngunit di tama
Takot ay ramdam
Baka "stalker"
Kahit aking magulang
Natakot din
Ayaw kong mag-isip
Ayokong umasa
Ngunit
Sino s'ya

III
Bago ang araw na ito
Kumpol na bulaklak
Tulips na paborito
Aking natanggap
Masaya sana
Kung alam
Ngunit sino ba?
At hanggang kailan?
Sa araw ng mga puso
Sa facebook
Ako'y nagpost baka aako
At sa text sumagot
Pigil ang tuwa
Ako'y napangiti
Parang di maniwala
Muli'y napangiti

IV
Ang panaginip
Naging totohanan
Ang pagkainip
Meron ng hangganan
Ako'y tumingala sa "Kanya"
At umusal
Salamat D'yos Ama
At muling nagdasal
Ang hiling
Ibinuhos
Marahil
S'ya sa aki'y bunos
Ang kumpol ng bulaklak
Ako'y natuwa
Sobra sa sapat
Isang biyaya

BULAKLAK PARA KAY MARIA


BULAKLAK PARA KAY MARIA
Maria Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/18/2012

Ako'y naglalakad
Sa kahabaan ng kalsada
At sa aking malas
Uulan na

Ngunit ang balumbon
Ng ulap sa langit
Nahiya, umayon
Di na humirit
Ang nagbabantang kulog
At kidlat
Natulog
D'yos, salamat!

Nakatutok
At naggugunamgunam
Saang sulok
May mamataan
Mga daisy na puti
Isang pumpon
Aking pakiwari
Mga bituing kulumpon

Ngunit may aso
Kumahol bigla
Ako'y napatakbo
Angat ang paa sa lupa

Kahit malungkot ang araw
Di tuminag ang hangin
Kahit gustong sumayaw
Hindi naglambing

Ngunit ng hapong iyon
Nakaliyad ang dibdib
Kay Maria nakatuon
Habang umaawit
Vene de vamos todos
Tanda ko pa
Kay lamyos
Sumabay ako sa kanila

Nakapag-alay din ng bulaklak
Naawa ang may-ari ng aso
At sa kanyang palad
Inilipat sa kamay ko
Ako'y naluha
At luha'y namalisbis
Aking nakuha
Ang nais

Batang pangarap
Sumuot ng puting damit
Naganap!
Belo sa ulo'y inipit...


















FLORES DE MAYO


FLORES DE MAYO
Maria Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/22/2012

Buwan ng bulaklak aya't dala'y galak
Bata ay masaya natutuwang ganap
Bulaklak ang bigay para kay Maria
Ang ina ni Jesus na napakaganda

Pagsapit ng hapon lungkot ay lilisan
At ang pananabik ay di maparisan
Kami'y mangunguha ng Rosas sa hardin
Lalagyang ng dahon kayganda sa tingin

Ang damit na puti ay aking sinuot
Ang aking balikat halos mamaluktot
Kaytagal na palang binili ni nanay
At ako'y lumaki mataas sa hanay

May belo na puti parang palamuti
Sagisag na banal sa ulo'y tinali
Maysaya sa dibdib ligaya ang hatid
Parang si Maria kayyuming manamit

Pag-apak sa gitna kapares ay bata
At sa kanyang mukha dala rin ay tuwa
Kami ay aalay sa harap ng altar
Para kay Maria sa Ina na banal

Kaylamyos ng tinig ng mga kantura
Habang lumalakad may ningning ang mata
Sa dako pa roon aming ilalagay
Bulaklak na dala aming tanging alay

At sa pagtatapos ng aming pag-alay
Kami ay bibigyan inumi't tinapay
Sa aming pag-uwi may ngiti sa labi
At kinabukasan ay babalik muli

Oh kaysayasaya ang flores de mayo
At ang pagdarasal kami ay natuto
Sa aming pagtanda ay lalong tumibay
Natutunang dasal aming naging gabay

Sana'y hikayatin inyong mga supling
Ang flores de mayo ay napakagaling
At sa katekismo'y matutunang lubos
Doon magsimula pagmamahal sa D'yos

Sunday, May 20, 2012

ANIM KA NA KYRA


ANIM KA NA KYRA!!!
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, May, 2012

Oh kaygandang bata kay amo ng mukha
Ngiti'y pambihira at ta'y mapahanga
Kutis ay kaykinis singputi ng gatas
Ugaling maganda sa mukha'y mabakas

Ngayong kaarawan ay merong handaan
At mga bisitang pawang kaibigan
Oh kaysaya nila makita sa mukha
At ang bawat isa sa puso'y may tuwa

Maraming pagkain sa 'yoy inihanda
May cake na kayganda na merong kadila
Cowboy iyang tema niyang kaarawan
Meron pang palaro kayo'y nasiyahan

Oh kaysarap naman kung lagi kang bata
Lagi kang masaya problema ay wala
Mundo ay tahimik walang pinapasan
Oras ng pamilya sa 'yo'y nakalaan

Anim ka na Kyra bumilang ka muna
Magmula sa isa ay naging anim na
Isang sanggol noon lumaki na ngayon
May angking talino iyong baunbaon

At sa pagdalaga nawa'y manatili
Lagi kang mabait laging nakangiti
Sundin ang magulang payo ay pakinggan
Ang kanilang turo ay iyong tandaan

Ngayong kaarawan kita'y binabati
Sa iyong paglaki ika'y magpunyagi
Magdasal sa "Kanya", magpasalamat ka
Sa magandang buhay, masayang pamilya

PAALAM SA ISANG TALIPANDAS


"PAALAM SA ISANG TALIPANDAS"
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/20/2012

I
Sa awang ng pintuan ako ay sumilip
Ng marinig ko ang yabag mong papaalis
Gusto kung sumigaw upang pigilan ka
Yayakapin ka sana
Kahit man lang sa huling sandali
Ay maramdamang muli
Ang init ng iyong yakap
Ngunit ako'y wala ng lakas

II
Kahit boses ko'y namaos na kakaiyak
Parang nilindol ang utak
Di kayang isipin na tayo'y tapos na
Ang sakit pala talaga
Ang dahilan mo'y kaybabaw
At naduwag ka pang humarap sa katotohanan
Na wala na ang pag-ibig na ipinangako
Dahil may iba ka na sa puso

III
Lumingon ka pa nga
kahit hindi ako nakikita
Dahil iyon ay huling paalam mo
Kahit alam mong nasasaktan ako
Gusto kong tumakbo't hagkan ang 'yong labi
Kahit banayad lang, kahit sandali
Ngunit ang paa ko'y ayaw
Hanggang yabag mo'y huminay

IV
Pero salamat pala
Kahit masakit ang alaala
Pilit kong buburahin sa aking puso
Kahit ito'y nagdurugo
Aking kakalimutan
Na may isang ikaw na dapat panghinayangan
Dahil sayang lang ang oras
Sa gaya mong talipandas!!!

Saturday, May 19, 2012



BULAKLAK PARA KAY MARIA


BULAKLAK PARA KAY MARIA
Wee-ween Reyes, 5/18/2012
(Pasalaysay)

Isang hapon naghanap ng bulaklak
Sa puso ng bata'y may galak
Nanghingi sa kapitbahay
Mga rosas na puti't dilaw

Pupunta sa flores
Barong puti ang ibinihis
May suot suot na belo
Nakatali sa kanyang ulo

Sa katesismo ang unang yugto
Dasal ay itinuro
Ang Ama Namin ang nauna
Sumunod ang Aba Ginoong Maria

Pagkatapos ay Santa Maria
At Luwalhati Sa Ama
Sarisaring dasal
Sa Diyos nating mahal

Ngunit nung bata pa kami
Ang dasal ay Gloria patri,
Et filio, et Spiritui Sancto
Sicut erat in principio

Et num et semper et sekola
Seculurum amen, aking naalala
At dahandahan naglakad
Kay Maria'y nag-alay ng bulaklak

Papunta sa altar ako'y kumilos
Sa saliw ng bene de vamos todos
Kay lamyos ng mga tinig
At boses na pagkalamig

Dasal at kanta'y di maintindihan
Ngunit tumatak sa isipan
At tuwing sasapit ang Flores de Mayo
Aking naalala pa rin ito

REYNA DE LOS FLORES


REYNA DE LOS FLORES
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/17/2012

Reyna ng bulaklak ang aking igayak
Ako'y natutuwa nasiyahang tiyak
Sarisaring kulay sa isip lumakbay
Parang paraiso diwa ay nabuhay

Ito na ang balag sa aking harapan
Ngayo'y naghihinaty na aking gampanan
Ang isang pangako naiwan sa puso
Ako ang gagayak, ako ang umako

Sa pinakatuktok aking ipapatong
Higanteng bulaklak sa reyna'y iputong
Ang kulay ay dilaw parang umiilaw
Kahit ta malayo ating matatanaw

Kayraming bulaklak ang nakapaligid
Ang balag ng reyna ay nakakakilig
Pagmasdan ang dahon ika'y mabighani
Kayberde ng kulay ika'y managhili

Sa kanyang likuran kung iyong pagmasdan
Ay naglalambitin at naggagandahan
Bulaklak na pino ay ulan ng Mayo
Parang pumapatak kaylamig sa ulo

Tingnan yaong sutla n'yaring telang puti
Na galing sa pinya at sadyang hinabi
Idedekorasyon sa balag ng reyna
hanggang sa matapos ay ubod ng ganda

Kayganda ng gayak parang kumikislap
Ilaw na marikit mukhang alitaptap
At sa bawat galaw kayganda ng ilaw
At sa kanyang pagsayaw kita'y mapahiyaw

Kaysarap pagmasdan mukhang kaharian
At sa isang reyna aking ilalaan
Iyang kanyang gandang bulaklak ang wangis
S'ya ang nararapat Reyna de los flores

Ito na ang Reyna ng mga bulaklak
Kayganda nyang tingnan lahat papalakpak
Habang lumalakad ngiti n'ya'y kaysaya
Sa loob ng balag parang isang d'yosa

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...