Thursday, August 16, 2012

ANAK, 'DI KA NA SANGGOL


ANAK, 'DI KA NA SANGGOL
Wee-ween Reyes

Parang kailan lang ikaw'y karga-karga
At hinahalikan sa tuwituwina
Ang anghel na bigay ng ating D'yos Ama
Dulot ay ligaya sa isang mag-asawa

Sa bawat pagkimbot ng mapulang labi
Lahat natutuwa at napapangiti
Ang 'yong munting tinig sa puso'y kiliti
Makita ka lamang pagod napapawi

Nang ikaw'y niluwal ang mundo'y sumigla
Buhay ay naiba napuno ng saya
Sa bawat pag-iyak hinahaplos kita
Buong pagmamahal hanggang tumahan ka

Ang pagpapaligo kahit araw-araw
Nagpapaalalang may sanggol sa bahay
Sa bawat pagpalit lamping inihian
Ay nagpapatunay ng pagkamagulang

Sa halik mo lamang puso ay pumitlag
At s'yang kumukulay sa maghapong payak
Aming ibibigay itong aming palad
At ang pagkalingang sakdal ng paglingap

Ang unang salita ay isang musika
Kay tyagang maghintay nang sasabihin pa
Isasayaw-sayaw habang kumakanta
Laging hinihele't matulog ka sinta

Sa unang paghakbang na pagiwang-giwang
Ay takot na takot ikaw'y mabukulan
Habang minamasdan kami'y nakaabang
Sa bawat pagbagsak kaming nasasaktan

Oh kaybangu-bango ng amoy ng bata
Kaysarap samyuin ang kanyang hininga
Habang minamasdan daliring mahaba
Matang kay pupungay ay nakatutuwa

Hindi padapuan ng lamok o langaw
Ano't bawat oras halos nakabantay
At ang pagkalingang sa yo'y ibinigay
Lubos ang pag-ingat sa supling na mahal

Isang taon ka na at hindi na sanggol
At ang paglalakad tumibay ng lubos
Buhok ay humaba ilong ay tumangos
Kaysarap pisilin ang pisnging mapurok

Oh Diyos na Ama kami'y nagdarasal
Nawa'y sa paglaki Kayo ang patnubay
Sana ay gabayan maging mapagmahal
Kay gandang biyayang sa ami'y binigay

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...