Friday, June 22, 2012

KASAL SA ULAP (Ako Ay "June Bride")




KASAL SA ULAP ("June Bride")
Wee-ween Reyes, 6/29/2012

Ang pamamanhikan ay nakagawian
Kung magtaling puso ay nagmamahalan
Hihingin ang kamay sa mga magulang
May dalang hapunan kasal ang usapan

Itong pagtitipon sobrang mahalaga
Di kaning mainit na pwedeng iluwa
Ito'y habangbuhay, basbas ni Bathala
At sa kasalanan sila'y ipag-adya

Kayhaba ng oras aking pakiwari
Upang ang dalawa'y tuluyang matali
Kaydaming iayos tila sarisari
Hahabol sa araw at bawat sandali

Sumunod na gabi'y puspos kasabikan
At ang minamahal laman ng isipan
Hanggang sa pagtulog ay mapanagimpan
Hindi mawawaan kung kami'y nasaan

Kaybilis umusad saglit na nangarap
Ginawa pang hagdan yaong mga ulap
At sa panginorin kay higpit ng yakap
Matipunong bisig oh kay sarap-sarap

Sabay tiningala liwanag ng buwan
Pagtabing ng ulap bitui'y dumungaw
Labi ay naglapat kaylambot halikan
At nagpatianod sa hanging amihan

Makapal na ulap sa ami'y yumakap
Upang sumalikop at hindi mahanap
At maglalambingang may tuwa at galak
At gunamgunamin ang aming pagliyag

Kayhaba ng ulap sa akiy binihis
Parang aking damit sa kasal ay gamit
Kaygandang desenyo! Ang aking nasambit
At kayputi-puti at walang kaparis

Natapos ang kasal lahat ay naghintay
Sa gilid ng mata luha ay bumaybay
Sa bawat himaymay, tuwa at tagumpay
Nang ako'y magising sa halik ng hirang.

Ngayon ang pangarap tunay na at ganap
Hindi panaginip, hindi na sa ulap
Tangi kong pag-ibig sa 'yo ay nahanap
Walang kasing tamis, ligayang kaysarap!

Sa bawat sandali sana'y manatili
Tunay na ligaya at hindi pighati
At hihiling sa D'yos ng kunting kandili
Tahimik na buhay may kasamang ngiti

Buwan daw ng Hunyo sa nag-iibigan
Hinango kay Juno, d'yosa ng kasalan
Tunay man o hindi ang mga dahilan
Ang mas mahalaga ay nagmamahalan

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...