Monday, February 18, 2019

Mundong Kulay Pag-ibig



Mundong Kulay Pag-ibig
Halina't pintahan ng kulay pag-ibig
ang dungis at hapis ng ating daigdig
nang maging busilak, singwagas, singkinis
budhi ay dalisay at may pananabik.
Hayaang pagsilip nitong haring araw
bitbit ay umagang may lambing na usal
at bawat halakhak ay puro at lantay
hindi mapag-imbot, walang pang-uuyam.
Nawa ay payapa ang muni na hatid
hagap ay di sakim at may pagtitiis
pagsasama'y tunay at kanais-nais
may pagbibigayan, sa lambing ay hitik.
Ngunit bakit mundo'y tabing ng karimlan
ang buti at bait tila nasasakal,
bat di mahagilap gintong pagmamahal
disin sana'y walang matang mahihilam?
Masdan ating buhay minsan ay maangas
may yamot at inis, galit ay umugat
sa dila'y nunulas ideya'y salungat
kung kayat damdamin tila nangagsugat.
Sa tuwing mumulat ang muni mo't wika
para sa naglalang, nagbigay hininga
tayo'y pasalamat sa mga biyaya
sa langit ang ngiti ay mamimintana.
Halina, halina at gawing makulay
ang sandaigdigan may tuwa't tagumpay!
Weeween Reyes 2019

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...