Sunday, May 27, 2012

ANG "MUSICBOX" NI LOLO


"MUSIC BOX" NI LOLO
(Rizal A. Reyes)
www.weenweenreyes.blogspot.com
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/26/2012

Pagpasok ko sa kwarto
May bagay na nagpangiti sa akin
Ang "music box" na bigay ni lolo
Kakaiba't nakatoga ng itim

Ngunit s'ya'y bata lang
Dapat ang kulay ng toga'y puti
Ako'y nabaghan
Aking naalalang dagli

Ang talino ni lolo
Greyd siks lang ako ng padalhan
Ang dami n'yang mga apo
Bakit ako ang bukodtanging nabigyan

Lumipas ang mga araw
Lumaki kaming tatlo
Iba ang nais ng aming mga magulang
Kami'y maging simple't matalino

Ngunit ang "music box" ay nasira
Dinaanan ng bagyo
Binaha
Ngunit ang batang nakatoga ay buo

Kahit di na umiikot
Kahit wala na ang tinutungtungan
Kahit wala ng tunog
Kahit wala na ang kantang kinagigiliwan
Naroon ang bata nakaliyad ang dibdib
May nais iparating
Parang ako'y iniinggit
At ako'y nagising
Kahit sa baha
Di s'ya nalunod
Kami pa kaya
Di kayang gumaod?

Natapos ako
Nagtrabaho't tumulong
Sumunod ang kapatid ko
Ngayo'y nagtrabaho't nagpatuloy

Nagdagdag ng aral
Gusto'y marating ang tugatog
Laging nagdarasal
Sa Langit may mahulog

At kami'y naghintay
Hanggang si bunso'y natapos
Ang sarap sa pakiramdam
Kasiyaha'y naging lubos

At pagpasok ko sa kwarto
Ako'y napaiyak
Biglang naalala ko si lolo
At luha'y pumatak

Gusto kong humagulhol
Palakas
Mula sa pag-ungol
Mas malakas
Wala na s'ya
Di na namin masabi
At magpasalamat sa kanya
At sabihin kong gaano s'ya kabuti
Hindi na rin n'ya maririnig
Ang aming puso kung ano ang gusto
O kahit sa bibig
At sabihing mahal namin kayo lolo!!!

Ang nakatogang bata sa "music box" ay kami
Ang mga kapatid ko't ako
Kung bakit itim at di puti ang nabili
Magtatapos kami ng kolehiyo

At ang mga iyak ko'y naging impit
Nagdasal at nagpasalamat
Sa isang idolong kay bait
Si lolo, isang alamat!!!

Saturday, May 26, 2012

ISANG GABI NG KATAKSILAN



ISANG GABI NG KATAKSILAN
Ma.Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes,
Setyembre 12, 2011

mabigat sa dibdib
ang puso ay hirap
damdami'y nanganib
at biglang inakap
hindi mapakali
pilit kinakapa
pilit ikinubli
pagkat mahiwaga

ang maling damdamin
muling umusbong
puso'y inalipin
marami ang tanong
gustong ring kumibo
muling nabulahaw
tahimik na puso
ay umalingawngaw

ngayo'y gulung-gulo
at may dalang kirot
damdaming tinago
para bang nasundot
pilit lumalabas
at di mapakali
pilit umaalpas
kahit 'yong itali

ang dating damdamin
ay muling nadama
parang isang haling
ang puso'y natuwa
sadyang di mapigil
pag-ibig sa giliw
lalong nanggigigil
parang isang baliw

ang puso'y nanangis
sa tunay na mahal
damdami'y lumihis
ng ito'y tumagal
pilit nililigaw
ang damdaming sabik
at hanggang luminaw
hinugot ang tinik

ang pusong makulit
ay agad bumitaw
damdami'y pinilit
uhaw ay matighaw
mga katanungan
naghanap ng sagot
at ang katatagan
ay biglang nilimot

luha ay nangilid
pagkat puso'y taksil
pinilit isilid
at baka mapigil
ngunit s'ya'y gumalaw
at muling lumabas
kagyat nabulahaw
itong talipandas

hungkag na damdaming
kaytagal tiniis
puso ay humiling
madama ang tamis
kung kaylan ang lahat
ay naging maayos
pilit sinusukat
puso ay tinuos

at ngayong malasap
tunay na ligaya
matikman ang sarap
kaysaya sa kanya
sa dating pag-ibig
buhay ay sumigla
ang dating malamig
ngayo'y uminit na

Ngunit tama nga ba
puso'y iyong sundin
wag saktan ang iba
damdami'y pigilin
ang maling pag ibig
sa puso'y gumising
puno ng ligalig
sa damdaming haling

kailan aminin
ang maling pag-ibig
isip pairalin
kalaba'y daigdig
pag-ibig na tunay
ay yaong kinasal
pagkat pinagtibay
ng Diyos na mahal

pinikit ang mata
at s'ya ay nag-isip
pinilit kinapa
dibdib n'ya'y sumikip
gusto n'yang tumili
umalis lumayo
puso'y yupi-yupi
ang sakit tumimo

ng s'ya ay lumabas
siya ay umungol
at lalong lumakas
ungol pa ng ungol
gustong magsalita
nagtagis ang bagang
at ang kanyang diwa
ay mukhang nawindang

at s'ya ay inalog
inalog pang muli
at muling inalog
hanggang mapangiwi
ng biglang magising
asawa'y tiningnan
at biglang humiling
ng kapatawaran

aking D'yos salamat
at ako'y nagising
puso ko ay tapat
at walang nasaling
aking panaginip
ay mali't tiwali
ng ako'y maidlip
nagkasalang dagli


hayyy salamatttttt....panaginip lang pala..

DIYAN SA KANLURAN



DIYAN SA KANLURAN
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/26/2012

Samahan mo ako aking iniirog tayo'y mamamasyal
At tayong dalawa ay sabay namnamin itong pagmamahal
Ating pagsaluhan ang kaligayahan nung tayo'y ikasal
Oras ay igugol bago pa lumisan't panawan ng buhay

Masdan ang araw diyan sa kanluran at doon din ako
Pagkat sabay tayo't magkahawak kamay lilisan sa mundo
Paano ang buhay di kayang mag-isa't gusto'y sa piling mo
Pagputi ng buhok mukha'y kumulubot, lumabong mata ko
Ako't ikaw mahal, hanggang may hininga't bawiin man ito

Paglubog ng araw ating pagmasdan ang kanyang pagyao
Mata'y wag kumurap pakatitigan mong kagandahan nito
Ang kulay kayganda ating tatandaan walang mababago
Hanggang sa pumanaw mawala sa dagat kahit ang anino
Kung tayo'y tawagin ako ay hintayin magkasama tayo


Ngunit kayhaba pa ta munang umuwi't pagsaluhan natin
Buhay na kayganda bigay ni Bathala ating pagyamanin

Friday, May 25, 2012

MANHID BA?


MANHID BA?
www.weenweenreyes.blogspot.com
Ma. Crozalle Reyes Rymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/24/2012
Inspired by Makata Lex Rei

Damdaming di mawawaan
Di makapa kahit sa kawalan

Kahit ang puso
Naghanap, nanuyo
Hanggang sa mapagal
At mapanghal

Pilit hinahalukay
Ang tanging pakay
Sa kailaliman ng kahapon
Gamit ang kaisipan ng ngayon

Kahit ibaling
Ang paningin
Walang makita kundi puro dilim
Walang maaninag, puro itim

Ah gustong makakita
Ngunit wala naman palang mata
Gustong sumigaw
Kahit walang dila
Gustong marinig ang paligid
Kahit walang taynga

Ngunit may puso't damdamin
ayaw mamansin
tulig
manhid

o sadyang takot
pumalaot
at malaman
ang laman
ng pusong pinid
dahil may nakaukit
wala ng karapatan
magpakaylanman
pagkat nakakulong na ang damdaming
matagal ng nakalibing

MUNTING PANGARAP


Ako'y dinala
Ng aking mga paa sa labas
Wari baga
Uulan ng malakas

Ngunit ang balumbon
Ng ulap sa langit
Nahiya, umayon
Di na humirit
Ang nagbabantang kulog
At kidlat
Natulog
D'yos, salamat!

Ang mata
Saansaan dumako
Sana
Makatagpo
Bulaklak na puti
Parang mga bituin
Aking pakiwari
Ay maangkin

Kumahol ang aso
Singbilis ng kidlat
ako'y tumakbo
Ang paa sa lupa'y angat

At ang hinahangad
parang bolang nawala
Sa takot
At pagkabigla

Nalungkot ang araw
Di tuminag ang hangin
Gusto sanang sumayaw
Hindi naglambing

Ako ay nagulat
Ang aso'y narito
Hanap na bulaklak
Dala ng amo
Kanyang inabot
Ang aking kamay
At ang isang kumpol
Ay inilagay

Singganda ng rosas
Ang Berheng Maria
Sa kanya ialay
Ang puting dala
Vene de vamos todos
Ay inawit
Oh kay lamyos
Sa pandinig

Tumulo ang luha
Agad namalisbis
Ito na
Ang aking nais

Batang pangarap
Sumuot ng puting damit
At naganap!
Sa buhok puting laso'y inipit...

Tuesday, May 22, 2012

KUMPOL NG BULAKLAK


KUMPOL NG BULAKLAK
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/22/2012

I
Kumpol ng bulaklak
Ay isang pag-ibig
Kay tagal hinintay
Ako'y nasabik
Isang araw dumating
"Delivery" ng Megamall
Ng aking tanggapin
Ah, Rosas na isang kumpol
Ngunit bakit
Pangalan n'ya
Walang nakalakip
Nahiya kaya?
Kaarawan ko noon
Ayokong mag-isip
Lalo ang umasang may layon
Baka ako'y mainip

II
Dumaan ang dal'wang linggo
Panibagong "delivery"
Sa kanya sigurado
Walang pangalan gaya ng dati
Mas mahaba ang sulat
Gusto ko sanang matuwa
Muntik ng mangarap
Ngunit di tama
Takot ay ramdam
Baka "stalker"
Kahit aking magulang
Natakot din
Ayaw kong mag-isip
Ayokong umasa
Ngunit
Sino s'ya

III
Bago ang araw na ito
Kumpol na bulaklak
Tulips na paborito
Aking natanggap
Masaya sana
Kung alam
Ngunit sino ba?
At hanggang kailan?
Sa araw ng mga puso
Sa facebook
Ako'y nagpost baka aako
At sa text sumagot
Pigil ang tuwa
Ako'y napangiti
Parang di maniwala
Muli'y napangiti

IV
Ang panaginip
Naging totohanan
Ang pagkainip
Meron ng hangganan
Ako'y tumingala sa "Kanya"
At umusal
Salamat D'yos Ama
At muling nagdasal
Ang hiling
Ibinuhos
Marahil
S'ya sa aki'y bunos
Ang kumpol ng bulaklak
Ako'y natuwa
Sobra sa sapat
Isang biyaya

BULAKLAK PARA KAY MARIA


BULAKLAK PARA KAY MARIA
Maria Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/18/2012

Ako'y naglalakad
Sa kahabaan ng kalsada
At sa aking malas
Uulan na

Ngunit ang balumbon
Ng ulap sa langit
Nahiya, umayon
Di na humirit
Ang nagbabantang kulog
At kidlat
Natulog
D'yos, salamat!

Nakatutok
At naggugunamgunam
Saang sulok
May mamataan
Mga daisy na puti
Isang pumpon
Aking pakiwari
Mga bituing kulumpon

Ngunit may aso
Kumahol bigla
Ako'y napatakbo
Angat ang paa sa lupa

Kahit malungkot ang araw
Di tuminag ang hangin
Kahit gustong sumayaw
Hindi naglambing

Ngunit ng hapong iyon
Nakaliyad ang dibdib
Kay Maria nakatuon
Habang umaawit
Vene de vamos todos
Tanda ko pa
Kay lamyos
Sumabay ako sa kanila

Nakapag-alay din ng bulaklak
Naawa ang may-ari ng aso
At sa kanyang palad
Inilipat sa kamay ko
Ako'y naluha
At luha'y namalisbis
Aking nakuha
Ang nais

Batang pangarap
Sumuot ng puting damit
Naganap!
Belo sa ulo'y inipit...


















FLORES DE MAYO


FLORES DE MAYO
Maria Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/22/2012

Buwan ng bulaklak aya't dala'y galak
Bata ay masaya natutuwang ganap
Bulaklak ang bigay para kay Maria
Ang ina ni Jesus na napakaganda

Pagsapit ng hapon lungkot ay lilisan
At ang pananabik ay di maparisan
Kami'y mangunguha ng Rosas sa hardin
Lalagyang ng dahon kayganda sa tingin

Ang damit na puti ay aking sinuot
Ang aking balikat halos mamaluktot
Kaytagal na palang binili ni nanay
At ako'y lumaki mataas sa hanay

May belo na puti parang palamuti
Sagisag na banal sa ulo'y tinali
Maysaya sa dibdib ligaya ang hatid
Parang si Maria kayyuming manamit

Pag-apak sa gitna kapares ay bata
At sa kanyang mukha dala rin ay tuwa
Kami ay aalay sa harap ng altar
Para kay Maria sa Ina na banal

Kaylamyos ng tinig ng mga kantura
Habang lumalakad may ningning ang mata
Sa dako pa roon aming ilalagay
Bulaklak na dala aming tanging alay

At sa pagtatapos ng aming pag-alay
Kami ay bibigyan inumi't tinapay
Sa aming pag-uwi may ngiti sa labi
At kinabukasan ay babalik muli

Oh kaysayasaya ang flores de mayo
At ang pagdarasal kami ay natuto
Sa aming pagtanda ay lalong tumibay
Natutunang dasal aming naging gabay

Sana'y hikayatin inyong mga supling
Ang flores de mayo ay napakagaling
At sa katekismo'y matutunang lubos
Doon magsimula pagmamahal sa D'yos

Sunday, May 20, 2012

ANIM KA NA KYRA


ANIM KA NA KYRA!!!
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, May, 2012

Oh kaygandang bata kay amo ng mukha
Ngiti'y pambihira at ta'y mapahanga
Kutis ay kaykinis singputi ng gatas
Ugaling maganda sa mukha'y mabakas

Ngayong kaarawan ay merong handaan
At mga bisitang pawang kaibigan
Oh kaysaya nila makita sa mukha
At ang bawat isa sa puso'y may tuwa

Maraming pagkain sa 'yoy inihanda
May cake na kayganda na merong kadila
Cowboy iyang tema niyang kaarawan
Meron pang palaro kayo'y nasiyahan

Oh kaysarap naman kung lagi kang bata
Lagi kang masaya problema ay wala
Mundo ay tahimik walang pinapasan
Oras ng pamilya sa 'yo'y nakalaan

Anim ka na Kyra bumilang ka muna
Magmula sa isa ay naging anim na
Isang sanggol noon lumaki na ngayon
May angking talino iyong baunbaon

At sa pagdalaga nawa'y manatili
Lagi kang mabait laging nakangiti
Sundin ang magulang payo ay pakinggan
Ang kanilang turo ay iyong tandaan

Ngayong kaarawan kita'y binabati
Sa iyong paglaki ika'y magpunyagi
Magdasal sa "Kanya", magpasalamat ka
Sa magandang buhay, masayang pamilya

PAALAM SA ISANG TALIPANDAS


"PAALAM SA ISANG TALIPANDAS"
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/20/2012

I
Sa awang ng pintuan ako ay sumilip
Ng marinig ko ang yabag mong papaalis
Gusto kung sumigaw upang pigilan ka
Yayakapin ka sana
Kahit man lang sa huling sandali
Ay maramdamang muli
Ang init ng iyong yakap
Ngunit ako'y wala ng lakas

II
Kahit boses ko'y namaos na kakaiyak
Parang nilindol ang utak
Di kayang isipin na tayo'y tapos na
Ang sakit pala talaga
Ang dahilan mo'y kaybabaw
At naduwag ka pang humarap sa katotohanan
Na wala na ang pag-ibig na ipinangako
Dahil may iba ka na sa puso

III
Lumingon ka pa nga
kahit hindi ako nakikita
Dahil iyon ay huling paalam mo
Kahit alam mong nasasaktan ako
Gusto kong tumakbo't hagkan ang 'yong labi
Kahit banayad lang, kahit sandali
Ngunit ang paa ko'y ayaw
Hanggang yabag mo'y huminay

IV
Pero salamat pala
Kahit masakit ang alaala
Pilit kong buburahin sa aking puso
Kahit ito'y nagdurugo
Aking kakalimutan
Na may isang ikaw na dapat panghinayangan
Dahil sayang lang ang oras
Sa gaya mong talipandas!!!

Saturday, May 19, 2012



BULAKLAK PARA KAY MARIA


BULAKLAK PARA KAY MARIA
Wee-ween Reyes, 5/18/2012
(Pasalaysay)

Isang hapon naghanap ng bulaklak
Sa puso ng bata'y may galak
Nanghingi sa kapitbahay
Mga rosas na puti't dilaw

Pupunta sa flores
Barong puti ang ibinihis
May suot suot na belo
Nakatali sa kanyang ulo

Sa katesismo ang unang yugto
Dasal ay itinuro
Ang Ama Namin ang nauna
Sumunod ang Aba Ginoong Maria

Pagkatapos ay Santa Maria
At Luwalhati Sa Ama
Sarisaring dasal
Sa Diyos nating mahal

Ngunit nung bata pa kami
Ang dasal ay Gloria patri,
Et filio, et Spiritui Sancto
Sicut erat in principio

Et num et semper et sekola
Seculurum amen, aking naalala
At dahandahan naglakad
Kay Maria'y nag-alay ng bulaklak

Papunta sa altar ako'y kumilos
Sa saliw ng bene de vamos todos
Kay lamyos ng mga tinig
At boses na pagkalamig

Dasal at kanta'y di maintindihan
Ngunit tumatak sa isipan
At tuwing sasapit ang Flores de Mayo
Aking naalala pa rin ito

REYNA DE LOS FLORES


REYNA DE LOS FLORES
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/17/2012

Reyna ng bulaklak ang aking igayak
Ako'y natutuwa nasiyahang tiyak
Sarisaring kulay sa isip lumakbay
Parang paraiso diwa ay nabuhay

Ito na ang balag sa aking harapan
Ngayo'y naghihinaty na aking gampanan
Ang isang pangako naiwan sa puso
Ako ang gagayak, ako ang umako

Sa pinakatuktok aking ipapatong
Higanteng bulaklak sa reyna'y iputong
Ang kulay ay dilaw parang umiilaw
Kahit ta malayo ating matatanaw

Kayraming bulaklak ang nakapaligid
Ang balag ng reyna ay nakakakilig
Pagmasdan ang dahon ika'y mabighani
Kayberde ng kulay ika'y managhili

Sa kanyang likuran kung iyong pagmasdan
Ay naglalambitin at naggagandahan
Bulaklak na pino ay ulan ng Mayo
Parang pumapatak kaylamig sa ulo

Tingnan yaong sutla n'yaring telang puti
Na galing sa pinya at sadyang hinabi
Idedekorasyon sa balag ng reyna
hanggang sa matapos ay ubod ng ganda

Kayganda ng gayak parang kumikislap
Ilaw na marikit mukhang alitaptap
At sa bawat galaw kayganda ng ilaw
At sa kanyang pagsayaw kita'y mapahiyaw

Kaysarap pagmasdan mukhang kaharian
At sa isang reyna aking ilalaan
Iyang kanyang gandang bulaklak ang wangis
S'ya ang nararapat Reyna de los flores

Ito na ang Reyna ng mga bulaklak
Kayganda nyang tingnan lahat papalakpak
Habang lumalakad ngiti n'ya'y kaysaya
Sa loob ng balag parang isang d'yosa

Monday, May 14, 2012

INA DAKILA KA


INA DAKILA KA
Ma. Crozalle Vernaliz Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/13/2012

Siyam na buwan dinala
Sa tiyan ay kargakarga
Tuwing umaga'y susuka
ngunit hindi alintana

Ang mundo ay nasilayan
Lumabas sa kayang tiyan
Simula pa lang ng laban
Ina ang kanyang sandigan

Ngunit sa kanyang paglaki
Ina ay naisantabi
Limot na ang mga gabi
Na siya ay pinaghele

Ang pagmamahal ng ina
Sa anak ay sobrasobra
Hanggang sa kanyang pagtanda
Sa anak ay nag-alala

Makulit ang tingin nila
Pag ang ina ay tumanda
Ngunit ito'y paalala
Buhay nila'y maiksi na

Ang mapagmahal na ina
Kahit reklamo ay wala
Tahimik na nagdurusa
Umiiyak na mag-isa

Oh dakila ka nga ina
Na sa amin ay nagpala
Magmula sa pagkabata
Sa amin ika'y nagtyaga

Inspirasyon: "TANGING BULAKLAK"
ni Danilo C. Diaz

TO A WONDERFUL MOM ON MOTHER'S DAY


TO A VERY WONDERFUL MOM,
ON MOTHER'S DAY...
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/13/2012

'TIS YOUR DAY OH MOTHER DEAR
WITH A HEART SO HUMBLE AND RARE
LIKE WINE WHEN AGED IS SWEETER
OH WE LOVE THEE MORE THAN EVER

MOM, REMEMBERING YOU ON THIS DAY
WILL GIVE YOU SO MUCH FUN TODAY
AND WE WILL PRAY TO GOD EVERYDAY
TO KEEP YOU SAFE EVERY NIGHT AND DAY

MAY THE GOOD LORD BLESS YOU ALWAYS
AND BRING YOU JOY AND HAPPINESS
WITH GOOD HEALTH AND LESS SICKNESS
WE SEND YOU OUR LOVE THAT'S ENDLESS

HAPPY MOTHER'S DAY MOM!!!

INA AKING MAHAL


INA AKING MAHAL
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/12/2012

Kay gandang pakinggan ng mga salita
Kung anu-ano pa ang hinabing tula
Lahat ng papuri nabasa ng madla
Ngunit sapat na ba para sa nagpala?

Masdan ang kulubot, ang mukha n'yang hapis
Na kung ilang taon hirap ay tiniis
Tayo ay mapalaki kahit sa hinagpis
Ang kadakilaan ay walang kaparis

Sa ating magulang tayo ay magpugay
Kay ama at ina sa ati'y naggabay
Sa bawat sandali ng kanilang buhay
Ang bawat minuto, segundo'y inalay

Pag-ibig ay alay sa 'yo ngayong araw
Damhin yaring puso ikaw sinisigaw

SALAMAT MGA ANAK


SALAMAT MGA ANAK....
Christopher Ern Raymundo
Marvi Raymundo
Vernaliz Reyes Raymundo

Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes

Nakakalunod na kaligayahan
Ngunit huwag kalimutan
Ang Diyos ay pasalamatan
Sa lahat ng nakamtan

Mababait na anak
Pati na ang kabiyak
Kahit buhay ay payak
Kaysaya namang tiyak

Maraming salamat D'yos
Sa buhay na maayos
Sa una'y di naman lubos
Ngunit sa huli'y ibinuhos

Sa buhay na tahimik
Kaunti ang tinik
Problema'y tumatalsik
Sa dasal na mabagsik

Salamat mga anak
Kaysarap humalakhak
Ang puso'y pumapalakpak
Lumulundag sa galak!!!

MANGGAGAWA, BARYABARYANG KITA


MANGGAGAWA, BARYABARYANG KITA
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/1/2012

Sino ba ang may sala
Sa pagiging 'sang dukha
Magulang na pabaya
O pamahalaan ba?

Sino ang lalapitan
Kung kumulo ang tiyan
Si Mayor o kapitan
Ikaw ba'y tutulungan?

Pag tapos ang eleksyon
Nahalal di aaksyon
Pangako ay nabaon
At wala ng lilingon

Paulit ulit na lang
Lahat may pagkukulang
Kahirapan ay hadlang
Kung utak mo ay kulang

Pagmasdan mong mabuti
Itanong sa sarili
Talino ba'y sa buti
O kung saan may swerte

Magising tayo lahat
Ang buhay ay iangat
Gawin natin ang dapat
Para kumitang sapat

Wag na tayong umasa
Sa pangulo o mana
Kumayod at gumawa
Ng pamilya'y sumaya

Pag-aralin ang anak
Para s'ya ay magalak
Wag hayaang masadlak
Para s'ya'y di umiyak

Pag ikaw ay may dunong
Sa laban di uurong
Kahit ano ang tanong
Lalaban at susulong

Paghanap ng trabaho
Hindi madedehado
Mas malaki ang sa 'yo
Kaysa kay Talpulano

Kahit ka mangagawa
Pwede ka ring kumita
Mas higit sa kanila
Basta may balang dala

Iyan ay karunungan
Na hindi mapantayan
Kahit sinong Don Juan
Tiyak ika'y lalaban

Manggagawa barya nga
Pero mas mahalaga
Kaysa sa tumungaga
Sinupin bawat kita

Sa Dakilang Lumikha
Tayo ay tumingala
Humingi ta ng awa
Bigyan pa ng biyaya!

INA NATATANDAAN MO PA BA


INA NATATANDAAN MO PA BA?
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/8/2012

Siyam na buwan inasam kaytagal sa iyong tiyan
Maya't maya'y kinakapa inaantay masikaran
Iyang mapagpalang kamay na handa laging damayan
Ang sanggol na pinagpala sa kanyang sinapupunan

Bakit nga nanay kayhirap iyang maging isang ina
Ang iyong pinagdaanan balakid ay pagkahaba
Magmula s'ya ay iluwal at magbinata't dalaga
Ina ay nagdurusa na mula gabi at umaga

Tuwing s'ya ay magkasakit o lagnatin ng matindi
Ang ina n'yang mapagmahal simula ng maturete
Walang s'yang tulog magdamag mata'y halos makulite
Hindi man lang makakain ngunit s'ya ay nakangiti

Ngunit bakit ng lumaki pagsagot ay lampas langit
At halos makalimutan ang lahat sa kanyang ngitngit
Na itong inang nagluwal ay dapat na nilalangit
Upang sa kanyang pagtanda sa iyong braso kakapit

Masdan iyang mga uban sa ulo ay nagpitikan
Kasama ang mga gatla sa noo nagsusuntukan
Kapain ang mga kamay ugat ay naglalabasan
At ang kanyang mga paa na halos ay mapilayan

Hindi pa ba sapat sa 'yo ang mga nagdaang araw
Kung saan ang iyong Nanay ay lubusan ng mamanglaw
Pagkat sa kanyang pagtanda walang anak na matanaw
Walang ng nakaalala wala na ring dumadalaw

Pagsapit ng takipsilim ay paano na si Nanay
Mayroon kayang magt'yaga at sa kanya ay gagabay
Kung malabo na ang mata at s'ya ay hahapayhapay
Sino kaya ang dadating at sa kanya ay aakay

Sino ngayon ang tatayo dito sa aking harapan
Upang s'ya ay magmalaki na kanya ng nagampanan
Ang pag-alaga sa nanay upang kanyang mapantayan
Ang lahat ng sakripisyo't hirap na pinagdaaanan

At sino ang magsasabi na s'ya ang may karapatan
Upang s'ya ay magmalaki sa kanyang pinagdaanan
Pagkat ang kanyang paglingap at kanyang kadakilaan
Kung hindi ta maging nanay hindi natin matapatan

SA BAWAT PATAK NG GATAS NI NANAY



SA BAWAT PATAK NG GATAS NI NANAY
(Leticia LeaƱo Maulion Reyes)
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 5/7/2012

Sa bawat pagtulo ng likidong puti
Buhay ang katapat ng uhaw na labi
At ang aking nanay ay agad ngingiti
At sa kanyang dibdib ako'y itatabi

Sadyang kay linamnam ng gatas ni Nanay
Walang kasingsarap iyan ay patunay
Mula pa sa nuno hanggang magkamalay
Gatas na kaysarap nanggaling kay Inay

Ang unang tumulo ay dilaw ang kulay
At laban sa sakit katawa'y titibay
Kanyang ibinigay sa ati'y inalay
Nanggaling sa puso nanggaling kay nanay

Sa unang pagsuso kaysakit sa ina
At sugat sugat na ay hindi aalma
Pagkat tanging nais ay mabusog kita
Ng tayo'y lumaki tumalinong bata

Ang batang lumaki sa gatas ng ina
Ay batang mabait at kaysayasaya
Mabuti ang puso at mapagmahal pa
At kapag lumaki may talinong dala

Buhay nati'y utang kay ina't kay ama
Walang kasing buti at kay dakila pa
Ating tatandaan respetuhin sila
Sila ay mahalin buhok ma'y puti na

Sa 'yong pagtitiis oh dakilang ina
Sa lahat ng hirap at sa yong adhika
Gusto kong magpugay sa isang nilikha
Kung saan nagmula, bigay ni Bathala

Sa araw na ito ako ay nagpupugay
Sa yo aking inay, at lahat ng nanay
Sana ay patuloy ibigay ang gabay
Hanggang sa pagtanda ika'y kaagapay

Maraming salamat, maraming salamat
Para po sa akin isa kang alamat
Na D'yos Ama lamang may alam sa lahat
Kung saan nagmula kung saan nagbuhat

MASAYANG ARAW NG MGA NANAY SA ATING MGA NANAY!!!
MASAYANG ARAW DIN SA ATIN NA MGA NANAY!!

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...