www.weenweenreyes.blogspot.com
Ipagpapalagay kitang isang nanay,
ang iyong katulad isang mapagmahal.
Sumuba sa alon, mukha'y kinapalan,
handa kang magtiis nang sila'y mabuhay.
Bakit ka naganyak? Ganyan ay kay hirap.
Pagkat mga hangal ay mapahalakhak
Dungisin mong mukha, paang naglilipak,
mabahong suot mo'y may sangsang na hayag.
Kung saan nagmula, walang nakaalam.
Sumulpot sa bayang tila bulalakaw.
Isang patunay ngang may buo kang dangal,
kahit ang pulubi ay may kahihiyan.
Ang isang tulad mo'y hangaan bang dapat,
kung init ng araw at pagod ay sapat?
Kaysa ang magnakaw palimos ang hangad.
Katamarang taglay, kaya'y kulang-palad?
Ngunit sa lunan ko'y di ka malimutan,
pagkat nag-iwan ka ng tuwa at lumbay.
Sa aking kagaya na isa ring nanay,
isa kang ehemplo ng tatag at tibay.
Weeween Reyes 2017
No comments:
Post a Comment