Monday, August 28, 2017

PANG-AGDONG BUHAY

Gumuhit na ang 'yong hininga
sa salaming nakapagitan sa atin.
Nagmistulang ulap na dumungis
sa kanina'y malakristal na kalinisan.
Panay ang buka ng yong bibig
kahit walang nakikinig.
Nagpapaawa ang huwad mong titig.
Ang muwestra ng 'yong mga kamay,
tulad sa sanggol na nakalahad ,
at kami'y tuwang-tuwa sa natututuhan.
Ngunit ang sa yo'y di nakaaaliw.
Di ko maatim na sa bawat lunok ko'y
may tinging natatakam,
sa kabusugan, may nakatanghod
na tiyang kumakalam.
Habang kami'y sarap na sarap
nabilaukan ka na ng 'yong laway.
Humpak ang marungis mong pisngi't
labi mo'y tila binabad sa suka.
Gisi-gisi ang soot mo't malinis pa
ang basahang nasa bulsa ng pantalon
ng "crew" na nagsilbi sa amin.
Nagtampo na rin ang tsinelas mo't
perdible na ang umagapay.
Ipauubaya ko sana ang ilang subo,
Ngunit maraming matang lisik
at nanunuot ang mga titig
Kaya't ang kaninang gana ko'y
nawalang tuluyan.
Sinong may sala?
Ang inang pabaya o amang walang pangalan?
O ang bayang nagdamot ng yakap?
Hindi ang isang putos ng pagkain.
Hindi ang minsang panawid-gutom.
Hindi ang minsang pamatid-uhaw.
Sana isang buhay na busog at may dangal!
Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...