(Wag makikiapid)
Malayo na ang salipawpaw,
ngunit kahit gakuto na ang natatanaw
ang malilinggit na kamay
matyagang pa ring kumakaway.
Ganyan ang senaryo pagsibol ng araw
hanggang bago mamaalam at humalili ang buwan
Laging nasa durungawan, nakatunganga,
nakatungtong sa salumpuwit,
Upang umabot sa bintana't
bahagyang mahagip nang alik-mata
ang dumaraan sa himpapawirin.
Di mapatid ang humihikbing butil,
ang mata'y halos mabura sa kusot.
Nananaghoy, nagmamakaawa,
walang lakas ang boses na matinis,
ngunit umaasang marinig
ang maninipis nyang hiyaw,
kahit sandali, kahit sa hinagap.
Nakadagdag pa sa kirot
ang kapwa batang nakakunyapit sa leeg.
"Mabuti pa sila, may amang kumakarga".
Ang tingin n'ya'y may paninimbuso.
Isang damuhong batang dumaan,
ngising-asong nang-asar,
"walang tatay, walang tatay!"
Tudyo sa batang namamanglaw.
"Nagtrabaho sa malayo aking tatay!"
"Padadalhan nya ako ng maraming laruan!"
Ang paangil na sigaw.
Tuwing tutunog ang hatinig,
makipag-unahang sagutin
at maririnig ang kanyang mga hibik.
Ang pagsamo'y nakawawasak ng dibdib,
at ang patango-tangong walang katapusan,
kahit wala namang kausap. (wrong number)
Ang ina'y lumilipad ang diwa
habang nagwiwilig ng halaman,
kahit ito'y kagampan.
Ngunit nasaan?
Sinong aasahan?
Hanggang kailan tatagal
ang tinahi-tahing kasinungalingan?
"Pumuti man ang uwak, umitim ang tagak",
wala ang laruang kanyang inaasam,
walang sasapong kandungan.
Ang hinihintay, tumugpa sa ibang bahay.
Ang piloto'y naligaw.
Weeween 2017
Larawan: Google
No comments:
Post a Comment