Sunday, July 9, 2017

TRUENO (Kulog)

TRUENO
(Kulog)


Biglang kumulog!
Kami'y kumaripas pauwi.
Ang malakas na dagundong 
ay sobra naming kinatatakutan,
ngunit sabi ng aking kuya'y
"Nagbobowling lang ang Dios ",
kaya ako'y nakalma naman.

Saglit pa't takot ay nakalimutan.
Namayani ang nangungumbidang 
tilamsik ng kay lamig na ulan,
at ang tuwang dala ng pagtatampisaw 
naming magkakaibigan.
Ngunit biglang kumidlat.
Kasabay nang muling pag-ihit
ng malakas na kulog
na tila pupunit sa langit.
"Jesus Maria y Jose!"
Antanda ng aking impo,
at lahat ng salamin ay tinakpan.

Hudyat para muling taluntunin 
ng mumunti naming mga paa
ang daan pabalik sa aming mga bahay
Ang kidlat raw nakamamatay.

Isang araw,
ang aking mga katampisaw
di na makatingin sa isa't isa.
Palibhasa'y dalaga't binata na.
at ang kasiyahang dala nito'y
isang alaala na lamang.

Kahit ang bawat pagkulog 
may dala na ring lungkot.
Parang tunog ng agunyas
nang si Kuya'y hatid naming naglalakad.

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...