Sunday, July 23, 2017

KALSADA-ADASLAK

KALSADA-ADASLAK

Kung binaliktad ng Diyos ang langit
kalsada naman yaong nakasabit
At bato'y ang bituing banggit
Buhangin ang ulang didilig.

Kapag langit ang ating aapakan
Magkakandirit tayo bawat hakbang
Pagkat langit ay napakaselan
Mga ulap ay bula sa daraanan.

Ngunit kahit lubak-lubak nililibak;
Kalsada man ay masadlak;
Patuloy na nariyang may galak;
Naghihintay sa ating mga yapak.
Mabango't maangot na tsinelas;
Lahat kanyang pinapaapak.

Oh kalsada kong nililiyag.
Tulad ng araw, bituin, buwan at ulap;
Ng bundok, karagatan at dagat;
Nais kitang gawaran ng pasalamat.
Ikaw ang dahilan ng pantawid sa salat.
Ang gutom, at uhaw ay mararanas
Kapag di makatawid sa landas
Ang aming kinabubuhay!
Kung wala ikaw, paano si mahal daratal?

Weeween Reyes 2017
Larawan:

KALSADA

Tulay ka sa aming paroroonan
Upang marating ang lunan na pakay.
Kahit bahain ka't basura'y bahagdan;
Nakangiti pa rin at hindi ka mariringgan.
Daanan man ng libong toneladang sasakyan;
Nang mga paang may sugat, alipunga't an-an;
Walang sawa mo kaming pinagsisilbihan
Mawakwak man ang mukha mong magaspang.
Ngunit sino ba ang sa 'yo'y nang-aapi;
Dumudura't nagkakalat ng mabahong dumi?
Sa nagnanaknak mong sugat at puri;
Naghahanap sila ng tapat mong pagsilbi?
Mulang iniluwal at lumakad ang pobre;
Tanging ikaw ang laging nasa tabi
Kapag s'ya'y may sakit, lubak mo'y walang tanggi;
Humihirit ang sasakyan sa pagamutang libre.
Ngunit inaabang sira-sirang kalsada;
Kahit isa, meron bang sa yo'y nagpasaya?
Kahit huwad na pagtangi at pagpapahalaga
O ang simpleng salamat, nakatanggap ka ba?
Tulad ng bituing sa langit ay kayganda.
Ang buwang matayog na may sinag na kakaiba.
Ang haring araw na nagdadadala ng enerhiya.
At karagatan at dagat na nagpalis ng gutom nila?
Para ka lang laway na pantighaw ng uhaw.
Walang pumapansin ng kahalagahan.
Nang mga tirang pagkain sa basurahan;
Ngunit sa nangaggutom ay kabusugan.
Gaya ka lang siguro ng tuldok sa isang liham;
Matatapos ba kung walang pangkatapusan?
Ikaw kalsada? mararating ba nila ang lunan
Kung saan ang minamahal nila'y naghihintay?
Kalasada ka lang, isang kalsadang walang buhay
Ngunit lingid sa lahat, wala ang mundo, kung wala ikaw
Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

Saturday, July 22, 2017

A THING OF BEAUTY IS A JOY FOREVER

"A THING OF BEAUTY IS A JOY FOREVER" John Keats
(Salamin, salamin, sino ang mas maganda sa amin?)
🤣Ang di magbasa't maniwala, ganda'y dagling mawala't madaling tatanda😆
Minsan nakakatangos ng ilong kapag may nagtatanong sa atin... "bakit di ka tumatanda"? Totoo man o hindi ay nakasisiya sa kalooban. Minsan may nakadaupang palad ako sa UP. Habang nakaupo ako sa banko, may nakipaghuntahan sa aking babae na kalahati lang ata ng idad ko ang gulang. Nakatataba ng puso ang kanyang tinuran. Ang sabi nya sa akin ..."sana po pag idad ko na kayo, ganyan din ako sa inyo" Sinuklian ko lang sya ng ngiti, though medyo nag-isip ako at baka binobola lang ako nang katabi ko dahil nabuburaot na sa paghintay sa kasama 
Paano nga ba mapapanatili ang kagandahan o paano maiiwasang maging losyang agad ang ina ng tahanan? Hindi kaila na ang babae o ang ina ng tahanan ay laging s'yang nag-aasikaso sa isang binuong pamilya at syang hindi magkandaugaga sa maghapon sa pag-aasikaso sa asawa, mga anak at bahay. Maliban na lamang kung iaasa mo sa kasambahay ang iyong tahanan.
Tip # 1
Maglagay ng salamin sa bawat lugar sa bahay na laging pinagtataanan ng oras gaya ng sa lababo. Kapag nagluluto ka o naghuhugas ng pinggan tiyak makikita mo ang iyong sarili kung gaano na kagulo ang yong buhok. Kung gaano na kalangis ang iyong mukha. Siguro ma ko conscious ka at kahit paano kakahigin mo ang iyong buhok gamit kahit ang yong kamay o kaya'y talian para di ka magmukhang si Sisa. (Nanay ni Crispin at Basilio sa Noli Me Tangere, di yong kapitbahay nyo  ) At ang tangan-tangan mong maliit na tuwalya ay maipupunas mo sa "fez" mong mukha ng malagkit. Ugaliing magsuklay ng buhok sa maghapon... "Hair is the crowning glory of a woman". eh paano maging korona un kung gusot-gusot?
Tip #2
Maglagay din sa dingding malapit sa kainan upang bago ka kumain ay makita mo ang iyong hitsura at baka mahiya ka't magsuklay muna bago dumulog sa mesa para di mawalan ng ganang kumain ang mga kaharap mo. Kapag nakita mong naglilimahid na ang iyong damit sa maghapong trabaho baka maisipan mong magpalit naman. O baka maalala mong bumili ng apron para di ka naman ganun ka dungis
Tip #3
Sa harap kung saan nakalagay ang lap top mo o computer, maglagay ka rin kahit maliit na salamin. Isang sulyap lang at baka mapangitan ka sa sarili at bigyan mo ng kaunting segundo para ayusin ang sarili bago gumawa ng proyekto o bago kakipagchat sa mga ka fb friends mo. Nakakahiya namang ang ganda ng mga post mo o kaya ng mga profile picture mo eh kung sisilipin ka sa loob ng iyong bahay ay mas mapagkakamalan kang kasambahay kaysa sa kasama mo. (No offense meant).
Tip #4
Maglagay din sa CR. Kasi doon solo mo ang mundo at kapag makita mo ang sarili mong sibangot at tumatanda na ngingiti ka ng ubod sarap upang hanapin ang kabataan mo't natitirang ganda sa salamin. Dahil walang nakakakita sa yo. Dito ka pwedeng magngiwi-ngiwi ng iyong mukha o pagtumbling-tumblingin ang iyong mata, ilong, baba at pisngi upang ma exercise ang mga ito ng hindi ka nahihiya kahit ilang segundo lang.
Tip #5 Maglagay sa gilid ng pintuan upang bago lumabas ng bahay ay iyong makita ang buo mong pagkatao, ang iyong mukha, kasootan, ang iyong kaluluwa at anino, upang makita mo kung pwedeng iharap ang sarili mo sa mundo kapag ikaw ay lumabas ng bahay.
Tip #6
Maglagay sa kwarto ng make up area na may salaming malaki upang mas convenient mag-ayos at pwede kang magmodel-model ng iyong get-up at make- up kung ikaw ay may pupuntahang mga pagtitipon. Upang makasiguro na maayos ka bago umalis. Mag standby rin lagi ng suklay at pulbos. Lalo na ang suklay sa bawat salamin.
Hindi lang sa kwarto dapat maglagay ng salamin at suklay. Hanggat maaari ay lagyan ang mga lugar na malimit mong gamitin o pag istambayan, o pinag-uubusan ng matagal na oras upang lagi mong nasisipat ang iyong face value at iyong kabuuan. Sa pamamagitan nito ay na e exercise mo ang iyong mukha ng unti-unti upang maging maganda ng di sinasadya o pinipilit. Pagkat ang tao may ugaling ningas kugon. Mag-aayos ngayon bukas mukhang pendangga na naman kasi hindi nakikita lagi ang sarili. Make it a habit na ngumingiti lagi kapag napatingin ka sa salamin, so more often, naaayos mo ang sarili kapag lagi mong nakikita. Kung wala ang mga salamin na magpapaalala sa yo ay baka di mo na makilala ang iyong sarili paggising mo isang araw.
Ugaliing laging linisin ang mukha bago matulog kahit bagong ligo. Huwag mong iasa sa paligo ang ikagaganda at ikababata ng iyong mukha, lalo't kapag nagkakaidad na. Dapat may kaunting paghagod din at pag-aalaga sa kagandahan. MInsan pinapairal natin ang katamaran sa pag-asikaso sa sarili. Sabi nga "charity begins at home. Yong pagmumukha mo, yong sarili mo, bahay yan ng iyong pagkatao. Mahalin ang sarili. At sino pa nga ba maliban sa nanay mo, joke lang po 
Kung lagi kang ngumiti sa maghapon para mo na ring na excercise ang iyong mukha, without really trying. "It takes 17 muscles to smile and 42 muscles to frown." KItam mas nakakapagod pa palang sumimangot kaysa ngumiti. Ngunit kung sa bawat sulok ng bahay, bawat galaw mo ay nakikita mo ang iyong sarili mahihiya ka naman sigurong di ayusin Ito at maaawa kang tingnan na bumibilis ang pagtanda mo't bukot na rin ang iyong katawan.
Bawas-bawas kanin din ah... Hala magdagdag na ng salamin!
Ikaw din... yong kapitbahay mo laging mabango't pustoryosa baka....🤣🤣🤣

Friday, July 21, 2017

ULAP NG BUHAY



ULAP NG BUHAY

Tingnan mo't kay puti ng ulap sa langit!
D'yan ko iguguhit ang munting daigdig.

At bubuhayin ko pangarap na mithi,
gamit ang magandang kulay bahaghari.

Aking pipintahan ng kahel at pula, 
dilaw, lunti, bughaw, indigo at lila.

Ngunit harinawang umitim ang ulap,
hayaan mong luha ay kagyat huhulas.
Kahit malabuhok huhugos na patak 
tutuyuing labis labi ang pamunas.
Muli'y bubuuin  gamit ang pagliyag,
mainit na hagod, papawi sa iyak.

Kapagka pumula yaong mga ulap,
hayaang lambingin ng kulog ang kidlat.
Ang sigwa at unos na siyang sumadlak,
at hanging malakas, magiging banayad.
Araw ay sisilip, sinag ay  sisikat
itong santinakpan, paraisong hanap.

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google





Saturday, July 15, 2017

“A PLACE FOR EVERYTHING AND EVERYTHING IN ITS PLACE”

“A PLACE FOR EVERYTHING AND EVERYTHING IN ITS PLACE”
www.weenweenreyes.blogspot.com.
I’m one person who is so particular when it comes to the arrangement of anything inside our home. I don’t like excessive decorations. I just want simple ones to suit my needs and taste, and things should coordinate with each other from color, to shape, to size and lines. In short, I’m a very meticulous person and a minimalist. I want a very light paint around our place so that it will look neat, cozy and peaceful. I always wanted an organized surrounding. Be it a big place or small place. I want things in its proper place.
Underneath the landing of our stairs, is a space for keeping things that are less important. But the space under the stairs connecting to the second floor remained unused, so we converted it into a mini bar wherein I could have a better place for my few wine collections and my wine glasses. And decided to make a ninety degree tiled bar counter to complement the mini bar display. It made a cozy nook for a little drink. And with the counter is a shoe cabinet of which we used four and six inches PVC, cut into seven inches long to put each pair of shoes and slippers independently. And that made a very good shoe holder.
At the left edge of the counter is a chess board so that a little drink could be more fun while playing chess. This small space makes a fine hang out for a few visitors. This is my favorite place in our home since it gave me a feeling of satisfaction after it was converted into a mini bar with shoe cabinet in it and a chess board to kill the boredom that haunts us sometimes, at times, just sitting there when I’m using my cell phone face booking. I relate playing chess to brainstorming but that’s another long story to tell.
Home is where our heart is. It’s always our comfort zone. It’s our choice to clean, to arrange and decorate the way we wanted, and going home is always a relief to us and our family especially when we’re tired and exhausted from the chaos of the outside world. Loving our family means giving them a healthy environment, a place where they could feel the warmth, the hugs of its atmosphere. Home is home.



 

 




Thursday, July 13, 2017

IKAW PILIPINAS

IKAW PILIPINAS
♫♪♫♫♪♪♫♫♪♪♫♫
www.weenweenreyes.blogspot.com
Iuugoy kita aking Pilipinas, 
ang mahal kong bayang sa dusa'y nasadlak.
Magmula pa noon, panaho'y lumipas,
hindi ka naahon, pangako'y naagnas.
Iduduyan kita dito sa bisig ko,
May init ang yakap, may hagod sa ulo,
pagkat iniirog mulang maging tao,
aking inang bayan, luha mo'y luha ko.
Lalambingin kita ng aking pag-ibig.
Sakali'y mapalis ang sakit at pait.
Bansang sinilangang puno ng hinagpis,
kita'y aaliwin ng haplos ko't halik
Marawi, Marawi, nilunod sa takot,
sa bala'y sumayaw habang natutulog.
Anong hinaharap ng batang nabalot,
sa lagim at poot, sa gutom at pagod?
Mga mamamayang nawalang tahanan,
tumakas ang sigla at katahimikan.
Anaki'y bangungot ang kinasadlakan
ng bayang naulog, nawasak na lunan.
Bayani ng bayang sa ati'y nagpala,
nilisang pamilya'y animo'y ulila.
Kung dugo'y dumanak o gulo'y humupa,
magising pa kaya o maging gunita.
O bayang sininta, bayang Pilipinas.
Patuloy ang tangis, hikbi'y tumatagas.
Saan na patungo itong nilalandas?
Sa dulo pa roon araw ba'y may sikat?
Ngunit may pangakong hindi mananawa,
sa gitna ng dilim, sigalot at sigwa.
Di ka iiwanan, kapalit ma'y luha,
bayang tinubuan ng lipi ko't tuwa.
Weeween Reyes 2017
Larawan:Google

Sunday, July 9, 2017

TRUENO (Kulog)

TRUENO
(Kulog)


Biglang kumulog!
Kami'y kumaripas pauwi.
Ang malakas na dagundong 
ay sobra naming kinatatakutan,
ngunit sabi ng aking kuya'y
"Nagbobowling lang ang Dios ",
kaya ako'y nakalma naman.

Saglit pa't takot ay nakalimutan.
Namayani ang nangungumbidang 
tilamsik ng kay lamig na ulan,
at ang tuwang dala ng pagtatampisaw 
naming magkakaibigan.
Ngunit biglang kumidlat.
Kasabay nang muling pag-ihit
ng malakas na kulog
na tila pupunit sa langit.
"Jesus Maria y Jose!"
Antanda ng aking impo,
at lahat ng salamin ay tinakpan.

Hudyat para muling taluntunin 
ng mumunti naming mga paa
ang daan pabalik sa aming mga bahay
Ang kidlat raw nakamamatay.

Isang araw,
ang aking mga katampisaw
di na makatingin sa isa't isa.
Palibhasa'y dalaga't binata na.
at ang kasiyahang dala nito'y
isang alaala na lamang.

Kahit ang bawat pagkulog 
may dala na ring lungkot.
Parang tunog ng agunyas
nang si Kuya'y hatid naming naglalakad.

Weeween Reyes 2017
Larawan: Google

Saturday, July 8, 2017

MAY NGITI SA TAG-ULAN

MAY NGITI SA TAG-ULAN
(Tula lang)
www.weenweenreyes.blogspot.com.
Nalungkot ako
nang sumilip sa bintana.
Makulimlim ang araw,
nawala ang aking tuwa.
Akala ko'y
makalalabas ako ng bahay,
ay hindi naman pala.
Kaya't maghapong nakatunganga,
at walang magawa.
Ngunit nang ako'y muling sumilip;
"Aba! May bisita sa kapitbahay".
Nang aking tingnan,
akoy kanyang kinindatan.
Ako'y kinilig at sa sarili'y nasambit.
"Ayos naman palang di nakaalis".
Napalis ang aking hinagpis
sa ngiting nanggaling
yata sa langit.
At tuwing tag-ulan
may ngiting naglalaro sa aking isipan,
pagkat ang dating bisita ng kapitbahay,
na sa akin noon ay kumindat,
s'yang aking naging kabiyak!
Weeween Reyes 2015
Larawan: Google

Monday, July 3, 2017

SINONG BEST FRIEND MO?

SINONG BEST FRIEND MO?
Ngayon naunawaan ko na. Ang FB parang si best friend. Sumbungan mo ng problema, iniiyakan kapag ikaw'y sawimpalad, kinikwentuhan kapag ikaw'y galit, malungkot, natalo, nawalan, nabigo o iniwanan. S'ya rin ang pinakauna mong babalitaan kapag ikaw'y sobrang saya. Kapag nakakuha ng karangalan ang yong anak, napromote ka sa trabaho, napadalhan ka ng nanay mo sa abroad, o naregaluhan ka ng kaibigan. Una mo ring babalitaan kapag may bago kang boyfriend, kapag may bago kang bahay, kotse at iba pa. May selfie o kaya kumpleto picture pa.Kahit nga ang mga bagay na dapat ay sekretro nailalabas mo na rin sa kanya gaya ng kung minsan galit ka sa yong asawa, sa yong kaanak, sa yong kaibigan o katrabaho. Tiyak ang dami mong hugot lines.
Ang FB walang mayaman, walang mahirap, walang putot, walang matangkad, walang maputi, walang maitim, walang maganda walang pangit. Tutulungan ka ni FB kung gusto mong tumangkad, pumuti, gumanda, magmukhang bata at flawless, magmukhang mayaman. In short walang problema kung ano ang iyong nais maging.. Bawat isa'y may karapatang magpahayag at magpost kung ano ang gusto nyang sabihin o ipakita. Huwag ka lang lumabag sa batas para di ka makulong. Social media, para sa lahat, maartista, mapulitiko, ordinaryong tao, milyunayo or what not there.
Matanda, bata, may ngipin o wala basta may pambili ka ng load at cell phone pwede ka dito. Di gaya nung araw na kailangan mong may computer, may laptop o note book bago ka makapag FB. Napakadali nang gumawa ng account sa ngayon para makapag participate ka sa Socila media. Pwede ka ring mag-iba iba ng pangalan kung ayaw mong magpakilala. Ngalan ng artista, ng presidente, ng national hero, ng gulay ng barko, ng simbahan, walang nagrereklamo. Pati profile picture mo pwedeng picture ng kung sino-sino at ano ano ang ginagamit mo ok pa rin wag mo lang angkinin o ipahayag mo lang lagi na ang ginamit mong larawan ay di mo pag-aari, (ctto) credit to the owner. Ganyan tayo sa Face Book, ok lang ang mga trip, trip natin.
Masaya. Parang araw-araw, kahit anong oras sumilip ka lang meron ka ng ka istorya. Hindi ka na lalabas para mangapitbahay at mang isturbo sa kanila. Hindi mo na kailangang maligo't magbihis para lumabas at kausapin ang gusto mong kausapin. At hindi lang kapit-bahay. Mga tao sa buong mundo araw-araw mong nakakahalubilo't nababalitaan kung ano ang nagyayari sa isa't isa at sa isang daigdigan. High tech, yes, ganyan na tayo ka high tech. Kahit sa loob ng bahay di mo na kailangang sumigaw upang tawagin ang mga anak mo't asawa o kahit kasambahay kung may kailangan o kakain na. Gawa ka lang ng group page nyong mag-anak ...presto walang ingay ang bunganga ng mga nanay. Pati sermon sa mga kapamilya ang kawawang si FB ang sumasalong lahat upang ipaabot sa kausap ang gustong sabihin.
Ngunit sana sa lahat ng ito, unahin nating magsumbong kay Lord at magpasalamat sa mga biyayang ating natatanggap. Unahin nating humingi ng kalinga at awa kay Lord bago natin kwentuhan si BF. Paggising natin, bago kapain ang cell phone na nakatulugang dutdutin, magkurus muna tau at umusal ng kaunti at magpasalamat sa patuloy na paghinga at sa magandang hatid ng umaga.
Pakatandaan lang, Wag matulog na may pasak na earphone sa taynga at tanggalin ang charger kung hindi na ito ginagamit..

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...