Tuesday, August 27, 2019

Itay


Itay
Nabuklat kong muli ang mga nilumot
na tulang kung bakit ubod namang lungkot
aking kalooban uli'y nagkukukot
habang itong dibdib may hapis at kurot.
Nang ikaw'y lumisan ng agad at bigla
kala'y pumikit sa tulog na kayhaba
ngunit Itay dapwa't kami ay tulala
nang ikaw'y pumanaw, tiwasay't, payapa.
Sapagkat marahil almusal mo'y dasal
at pasasalamat kasunod na usal
buhay mong nilakbay pagod man at pagal
ay may kabuluhan, may uri at dangal.
Salamat din Itay sa mga ehemplo
sa kabutihan mo't pagkamakatao
ladlad ng palad mong may ngiting totoo
ang karunungan mo'y inani ng ulo.
May hapdi at lumbay ang maging ulila
uhaw sa yakap mo't iyong pagkalinga
kayhirap pigilin tahimik na luha,
may hibik at tangis, pighati at luksa.
Hamo aking Itay kahit mag-ulyanin
aming mga puso sigaw ay mahalin
ikaw at si Inay ay di lilimutin,
aming dal'wang kuyang kapiling nyo na rin.
Weeween 2019

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...