Wednesday, August 28, 2019

Minsang Nagmuni-muni



Minsang Nagmuni-muni
Sinusulyapan ko ang rabaw ng mundo.
ngunit nakaharang ulap na maitim
Hagip ko'y naumid paano ba ito
Kung bawat kong tingin pala ay madilim.
At ang salipawpaw bumasag sa timik
sa himpapawiring parang mga ibon
nang aking pagmasdan ako'y napaimik
kay timyas tanawin, masdan mo't magayon!
Ngunit aking masid ninakaw ang pansin
bawat mga hugis na paiba-iba
Nitong kalangitang aliw sa pangingin
Sari-saring kulay sa mata'y kayganda
D'yos ang tanging dahil, ang S'yang may akda
nitong sanlibutang tinamasang ganap
ngunit inabuso ng tao at madla
paano ang bukas, sinong maghihirap?
Nahihiyang araw bigla ay sumilay
at sagot sa tanong sa muni kong lihis
pagkat sa karimlan sisikat kukulay
Daigdig ay bilog ikot ay kaybilis
Minsan lang ang buhay at pagkakataon
na tayo'y sinilang, dito'y maglimayon.
Weween 2019

Tuesday, August 27, 2019

Itay


Itay
Nabuklat kong muli ang mga nilumot
na tulang kung bakit ubod namang lungkot
aking kalooban uli'y nagkukukot
habang itong dibdib may hapis at kurot.
Nang ikaw'y lumisan ng agad at bigla
kala'y pumikit sa tulog na kayhaba
ngunit Itay dapwa't kami ay tulala
nang ikaw'y pumanaw, tiwasay't, payapa.
Sapagkat marahil almusal mo'y dasal
at pasasalamat kasunod na usal
buhay mong nilakbay pagod man at pagal
ay may kabuluhan, may uri at dangal.
Salamat din Itay sa mga ehemplo
sa kabutihan mo't pagkamakatao
ladlad ng palad mong may ngiting totoo
ang karunungan mo'y inani ng ulo.
May hapdi at lumbay ang maging ulila
uhaw sa yakap mo't iyong pagkalinga
kayhirap pigilin tahimik na luha,
may hibik at tangis, pighati at luksa.
Hamo aking Itay kahit mag-ulyanin
aming mga puso sigaw ay mahalin
ikaw at si Inay ay di lilimutin,
aming dal'wang kuyang kapiling nyo na rin.
Weeween 2019

Friday, August 23, 2019

Antipara

ANTIPARA
Hanap-hanap kita't oras kay halaga
ramdam ko'y nand'yan ka't tila natatawa
di ka mahagilap ng luwa kong mata
paroo't parito sa kwarto at sala.
Ngunit sa salamin may biglang umirap
naku nama't ako'y todo ang paghanap
sa leeg ng damit may sukbit sa harap
ano't di umimik, aba'y oh, kay hirap!
Kahit may bisita bigla'y mataranta
at hindi matanaw saan naglakwatsa
pa'no mababasa ang sulat na dala
sulyap dito't doon ay nakaloloka.
Ano ang problema aking kaibigan
bakit tila yata mukha mo'y talunan
aligaga ka pa't walang kapaguran
lakad mo'y kay bilis at padaan-daan?
Aking antipara'y ayaw magpakita
sakit na ang ulo't gusto kong ngumawa
biglang napahawak sa ulo'y nakapa
O Dios, ito pala't limot ko'y kay lala!
Weeween 2019

Thursday, August 22, 2019

Biyenang Babae



Biyenang Babae (Byanan)
(para sa yo ang tulang ito kaibigan)
Bakit bansag sa yo'y isang kontabida 
magulo, masungit, pakialamera
mula pa sa nuno, sa lolo't sa lola
manyapa't sa buhay isang beterana.
Nilang bukambibig ulo'y mainitin
babaeng kaagaw higit ay mahalin
ina ng mahal mo ay nanay mo na rin
sa mata ng Diyos sa tao'y gayundin.
Suko hanggang langit ng tikman ang husga
pagkat nais lamang anak di magdusa
anuman ang bagsik kapag lumapit na
patawad igawad tulad ng yong ina.
Ba't sintigas wari ng bato ang puso
minsang nagkamali alab ay pumaso
ang ningas ng angas kung wala ng bugso
ng galit sa dibdib palitan ng suyo.
Manugang kang turing sa bisa ng kasal
kabiyak ng dibdib, asawa kang ligal
yama't pinag-isa ikaw at ng mahal
dapat igalang ang nagsilang nagluwal.
Ba't para kang reyna na wala mang trono
kung makaasta ka'y may-ari ng mundo?
Pamana'y inangkin, tahana'y ginulo
nag-aastang bida, nawalan ng modo.
Wag kang kasing hangal baka ay magising
wagas na damdamin mamatay ang lambing
sa awa sa ina ikaw ay ituring
tulad ng bituing nawalan ng nigning!
Weeween 2019
Photo credits to the owner

Wednesday, August 21, 2019

Sa Pagbabalik ng Tula

Sa Pagbabalik ng Tula
Sinundan kang pilit ng aking paningin
sinabayan nito ang mahinhing hangin
kumaway sa bundok at mga kaingin
hinawi ang ulap sa himpapawirin.
Habang patuloy sa dagling pag-imbulog
pilit pang dinukwang ang sapa at ilog
matalim na kidlat umiwas sa kulog
upang walang sagwil itong mundong bilog.
Kayat nakamasid aking mga maslok
sa mga bituin na nangagyukayok
na nagniningningan sa gabi'y di hadlok
wari'y nangaghintay habang nakatumpok.
Upang isa-isa silang pipitasin
parang abaloryo itong tutuhugin
upang gawing kwentas aking ihahain
sa mahal kong mutyang tila matampuhin
At gawing pabitin ang buwang gasuklay
upang sa hinampo'y may ngiting sisilay
Weeween 2019
Photo credits to the owner

Bahala na si Lord

Bahala na si "Lord"
"Hinahanap" kita, sa ritmo ng alon
sa saliw ng hanging dala ay hinahon
sa bughaw na ulap sa tampok ng bunton
sa rabaw ng mundo hagap ko'y naroon
habang umaasang sana ay mapansin.
"Hinahanap kita", sa batis, sa bangin,
dagat, karagatan ninasang tawirin
sa dampi ng lamig sa aki'y umangkin
hibik ng puso ko lamang ay ibigin
habang may hininga't paa ko'y di tuwid.
"Hinahanap kita", sa dawag, sa bukid
sa mga bulaklak, katuray sa ligid
parang na tiwangwang,lupa mang namanhid
pagal kong himaymay sa halhal na sigid
dantay mo'y kalabog sa dibdib kong tigam.
"Hinahanap kita", pagibik ay ramdam
nilunod ng hikbi sa luha ay hilam
ng ulilang gabing may nasa at takam
uhaw na magdamag sa buwang malamlam
nang gabi'y magmaliw, umaga'y maniil.
"Di ka hahanapin" laya na marahil
sa mga pangarap kong gising at sutil
upang sa pagmulat pagduhagi't siil
higit ang patawad kahit di maningil
May awa ang Diyos, buhay ma'y maalon.
Weeween 2019
Photo credits to the owner
Salamat maestro Salidumay Diway
Sa mapangahas na istilo 

Friday, August 9, 2019

bawang kontra lamok

Bawang Kotra Lamok

Nasalubong ko sa facebook i share ko sana nawala, di ko na mahanap haha ginaya ko na lang malay mo effective ... Puhunan mo lang isang butil ng bawang tuhugin sa toothpick at empty bottle lagyan ng water at naka sawsaw ung bawang sa water. Lalayas daw mga lamok. Nothing to lose malay mo may gain haha... ibig ko tuloy maniwala na ang lamok kamag-anak ng aswang 
yong tubig siguro ang magpapahaba sa buhay ng bawang kaya dapat nakasawsaw ang isang dulo. pinutulan ko rin ang both ends para sumingaw ang amoy at yung nakasawsaw makasipsip ng water. change water once a week

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...