Saturday, February 25, 2012
UNANG PASKO MAGMULA KAY ONDOY
UNANG PASKO MAGMULA KAY ONDOY
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a.Wee-ween Reyes, 11/04/2011
Puro kalungkutan aking nakikita
Hungkag na paligid aking nadarama
Hindi pa naalis ang amoy ng baha
Nagpapaalala nagdaang sakuna
Kay panglaw ng araw parang nagbabadya
Mga kalungkutan ang mata'y may luha
Ang takot ay nadyan laging nag-alala
Bakas ng kahapon sadyang narito pa
Si Ondoy dumating Setyembre nga noon
Ika bente seis nakadalwang taon
kaybilis ng araw sa nagdaang taon
Nasa aking diwa kaysamang kahapon
Oktubre nawala ang bahang nagwala
Iniwan ang lupang kanyang kinawawa
Mabaho ang putik sa mga kalsada
Ang kapaligiran puno ng basura
Ang buong paligid ay aming nilinis
Tinanggal ang amoy na nakakainis
Nobyembre'y narito bahay ay nagbihis
May bagong pintura nagmukhang makinis
Ay napakalungkot Pasko'y malapit na
Ako ay nag-isip paano sumaya
Ang bakas ni Ondoy ramdam na ramdam pa
Kaybigat ng loob ang puso'y naaba
Ako'y nagsimulang mag-ayos ng bahay
Lahat pinalitan ng pula na kulay
Ang mga kurtina lahat ay binagay
At biglang sumaya nawala ang lumbay
Nagkabit ng ilaw buong kabahayan
At pinuno ko pa hanggang sa labasan
Ngayon ang "Christmas Tree" ay tinayo naman
Nilagyan ng sabit kaygandang pagmasdan
Mga kapitbahay ay gumaya na rin
Ito kaya'y hudyat ng aking hangarin
Lumukso ang dugo puso at damdamin
Lahat ay natuwa labi'y may ngiti rin
Kaysayasaya na sa loob ng bahay
At masaya na rin mga kapitbahay
Pagkat kami ngayon ay nagbagong buhay
Si Ondoy nalimot kami'y napalagay
Ika-labing-anim at simbang gabi na
Lamig ng umaga kami ay nagtyaga
Hanggang sa matapos gumising ng kusa
Diyos ang pag-asa kumapit sa Kanya
Pagsapit ng Pasko kami ay lumabas
Binati ang lahat sa lungkot umiwas
Ang tawa'y taginting ang tuwa ay bakas
Ang buong paligid ligaya'y namalas
Kaydami ng handa kami'y nagbigayan
Pagkatapos noon kami'y nagyakapan
Kay lutong ng tawa aming halakhakan
Kay sigla ng lahat puro kasiyahan
Sa buhay ng tao kayraming bangungot
Pero hindi dapat na tayo'y matakot
Sapagkat ang buhay may kasamang lungkot
Dapat ay bumangon ginhawa ang dulot.
ANG PASKO AY PARA SA LAHAT
ANG PASKO AY PARA SA LAHAT
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 11/26/2011
Sa araw ng pasko lahat ay may gayak
Ang mga kristyanong kahit buhay payak
May handang pagkain masarap na tiyak
At tandang ang Pasko'y may saya at galak
Dito nga sa amin kaysaya ng Pasko
Sa bisperas pa lang kami'y magkasalo
Magkakapitbahay ay nakakagulo
Maraming palaro't palitang regalo
Sa umaga pa lang ay merong palaro
At ang mga bata dito ay magtungo
May bunutan sila ng mga regalo
Lahat naman sila may grasyang masalo
At sa gabi naman ay sa matatanda
May handang pagkain mayron pang programa
Meron ngang sayawan at katuwaan pa
Lahat ay masaya lahat ay masigla
Maraming niluto kaysarap ng handa
Lahat ay kakain at libre sa madla
Pagkat itong Pasko masaya ang diwa
May pagmamahalan tayo'y samasama
Bago magsimula tayo ay magdasal
Kahit simpleng dasal tayo ay umusal
At magpasalamat sa grasyang dumatal
Tayo'y pinagpala tayo'y "Kanyang" mahal
May kunting inuman ang kalalakihan
Kahit ang babae'y nakikitagayan
Kaysaya ng lahat merong halakhakan
Sila'y magbiruan masarap pakinggan
Ito't tumugtog na'ng magandang musika
At ang mga tao pumunta sa gitna
Kay lutong ng tawa sumasayaw sila
Ang iba'y nanghila ng mga pareha
Iindak indak pa kay-inam pagmasdan
Bigay todong sayaw dahil kahiyaan
Pagdating sa gitna sila'y laban-laban
Patigasan ng mukha para may tawanan
Bago pa nagtapos lahat magbunutan
Para sa regalo galing sa samahan
Ang bawat miyembro tiyak mabibigyan
Maraming biyaya lahat masiyahan
At pag "alas dose" ay magbatian na
Lahat ay magyakap mag besobeso pa
At ang kasiyahan makita sa mukha
Lahat ay masaya sapagkat Pasko na!
Maligayang Pasko ang aking pagbati
Ating salubungin ng puno ng ngiti
ngayo'y kaarawan may gawa ng lahi
Tayo ay magsaya tayo ay magbunyi
Untitled (poem/poetry) -3
luha ko'y balunbon tumulo sa mata
gaya ng ginawa ang kanyang istorya
pagkat aking ama'y lumisang maaga
sa otsenta' pito ako'y naulila
Kaya aking ina huwag muna sana
Pagkat aking puso ay hindi pa handa
Kahit ka tumanda ako'y kakalinga
gusto ay kasama tayo ay magsaya
BAGONG TAON AY NARITO NA
BAGONG TAON AY NARITO NA
Ma Crozalle R. Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 12/2011
Ah, halina kayo't ating salubungin
Itong bagong taon sa puso'y tanggapin
Ang mga nagdaan ay ating limutin
Kung nakakasakit sa ating damdamin
Lahat tayong tao ay makasalanan
At lahat ay galing kay Eva at adan
Kaya tangantangan unang kasalanan
Ating ding namana sa kapanganakan
Tayo ay magbago iwasan ang gulo
Harapin ang ngayon magsising tutuo
Ang buhay ay hiram may taning ang tao
Matutong gumalang at magpakatao
Masdan yaong ulap sa langit nadikit
Ang sariwang hangin sa bayan nawaglit
Mga kalikasang kaysamang magalit
Iyan ay patunay mundo'y may pasakit
Ngunit manawari'y atin ding makita
Na sa mundong ito may ligaya't saya
Lalo't may pag-ibig kay gandang umaga
Ang ngiti sa labi kayhalihalina
Ako'y manikluhod sa inyong harapan
At makikiusap lahat magyakapan
Damhin ang pag-ibig at ating makamtan
Ang kapatawaran ng sansinukuban
Ngayo'y bagong taon tayo ay magsaya
Simulan ang taon ng bagong pag-asa
Itabi ang lungkot itago sa luma
At wag hahayaan sa bago'y sumama
Tayo ay magdasal sa Kanya'y umusal
Tayo'y pagpalain lahat ay magmahal
Tayo'y magpatawad ang galit matanggal
Itong bagong taon aya't dumaratal
Maligayang taon oh kay sarap sarap
Ibuka ang palad hayaang matanggap
Ang mga biyayang ating pinangarap
Ngayo'y abot kamay mata'y wag ikurap
MANIGONG BAGONG TAON SA LAHAT!!!!!!
MAY BAGONG TAON DIN BA ANG MGA ABA?
Ma.Crozalle Reyes
a.k.a. Weeween Reyes, 12/28/2011
(iSANG MAIKLING KWENTONG KALYE)
Sa araw araw na pagdaan sa kahabaan ng Espana ay nakikita ko ang isang gusgusing lalaki na nakahandusay sa kalye. I really don't know how old he is. S'ya ba'y bata pa kahit ang mukha ay panat at mukhang matanda at maliit lang? O kaya s'ya ba ay binata na at nabansot lang dahil sa hirap? O di kaya matanda na talaga kaya lang maliit kaya napagkakamalang bata.
S'ya'y nakalugmok sa tabi ng kalye at may tabong katabi kung saan hinuhulog ang mgabaryang limos ng mga taong napapadaan at naaawa sa kanya. Minsan iisipin natin "wag na lang magbigay kasi baka ibili lang ng rugby. Sayang lang ang ibibigay mo." Tama nga kayang mag-isip pa tayo ng ganito? Kahit makita mo ang kalagayan nong tao o naghahanap ka lang ng rason para mawala ang guilt mo sa sarili.
Kung pagmasdan mo sya ay mahahabag ka dahil ang kanyang itsura ay mukhang isang taon ng di naligo. Ang damit at salawal ay kulay brown na at halatang kaytagal ng di nabihisan. Bukod pa roon ay mapapansin mo na parang s'yay nagkaskit ng polyo dahil ang mga paa ay mukhang abnormal at pagkapayatpayat. Kawawa naman.
Ang kanyang mukha ay hapis at lusok ang mga mata.Tiyak pag madaanan mo s'ya ay maaawa ka at maghuhulog kahit lang barya. Bato na ang iyong puso pag di ka nahabag. Sad to say. At maiisip mo sa sarili kunting barya lang ipinagkait mo pa samantalang pagsunod sunod kang nanigarilyo sinusunog mo na ang baga mo sinunog mo pa yong pwedeng makadugtong sa buhay ng tao.
Araw araw ay ganun ang mga pangyayari paulit ulit na eksena. Ewan ba kung nakamagkano na s'ya sa akin di ko na iniisip yon. Maraming katanungan ay nasa aking diwa. Nag-iisa ba s'ya sa buhay? Nasaan ang mga kamag-anak nya? Ang DSWD ba di sila napapansin? Ang gobyerno, akala ko may mga programa sa mga ganito.
Pero bakit wala yatang nagyayari? Well, I'll just shrug my shoulders regarding this matter. Wala namang pagbabago hanggang ngayon. What matters to me most is how long will he be staying in the streets. And the rest of the street children. Hanggang sa takipsilim ba ng kanilang buhay?
Kinabukasan ay dumaan ulit ako at sabay nagtaka. "Bakit mukhang wala sa pwesto ang aking suki." (sa araw araw ba naman, suki na ang tawag ko sa kanya, hehehe). Pinaikot ko ang aking mga mata pilit inaabot ang mga kalyehin na abot tanaw nito. Pinahaba ang aking leeg at nagbabakasakaling matanaw ko s'ya. Pakiwari ko ay naging bahagi na sya ng aking buhay at pag hindi ko makita sa pwesto nya minsan iniisip ko "namaalam na kaya s'ya sa mundo, God forbid. Biglang nahagip ng aking dalawang mata (natural di naman bulag hehehe) ang isang di makalimutang eksena.
Ang aking suki nasa kahabaan ng daang Espanya at tanaw na tanaw ng aking dalawang naglalakihang mga mata na lalong pinalaki sa nakita. Ang aking suki tumatakbo? Sumasagitsit ang iikaikang paa na hindi pantay? Halos tumagilid habang tumatakbo. Akala ko'y lumpo dahil buto't balat na ang mga paa at pag nakaupo ay di nga maipwesto ng ayos. At ang mga daliring halos nahihiya at halos tumago sa
pagkakadikit sa paa.
Ang pagtataka'y napunta sa pagkaawa. Panandaliang napaisip "bakit nga kaya?" At lahat ng mga mata ng mga dumaraan kasama ang mga by standers ay nangagitla rin sa natanaw na eksena. Di ko napigilang magtanong. "Ano ang nangyari?" " Kasi po yong pera n'ya sa tabo tinangay ng isang lalaki, itinakbo" "Wow", ako'y napalatak. Ganyan na ba ka desperado ang mga Pilipino? A dog eat dog world?.
"Ano toh, survival of the fittest?" Gusto kong maawa sa aking suki. Walang takot na sinagasa ang kakalsadahan. Di inalintana kung mahahagip ba s'ya ng rumaragasang sasakyan, at halos nagkabuhulbuhol ang traffic dahil sa kanya, sa paghabol sa sandakot na barya. Ngunit ito' kayamanan para sa kanya at ipaglalaban n'ya ng patayan. That's all of his possession. Ako ay nabaghan. Ang maghapong pinaghirapan ng isang katawan na halos humapay na sa hirap at mukhang ginugupo na rin ng sakit aagawin lang ng isang malakas na buwitre?
Hanggang ako'y nakalayo ay s'ya pa rin ang aking naisip. Paano kaya kahirap maging sawimpalad? Nakakasama ng damdamin pero pano tayo makatulong? Yong barya barya ba araw araw nakakatighaw sa uhaw ng mga nagpapalahaw? At muli ang aking tanong "paano ang naging Pasko nila? Paano ang bagong taon?
Kaya sa buhay ng tao dapat tayo ay magpasalamat sa D'yos sa mga biyayang ibinigay sa atin. Ang malakas nating pangangatawan, ang magandang kutis, ang magagarang damit, ang mga branded na sapatos, ang mga cell phone na bago, ang mga laptop na magaganda ang mga kayamanang wala ang iba, lahat yan ay biyaya sa atin. Ngunit tatanungin kita kaibigan naalala mo bang magpasalamat sa "Kanya"? Kung hindi pa, ay gawin mo na habang may oras pa.
Sabihin mo na kaibigan......
HAPPY BIRTHDAY HESUKRISTO
HAPPY BIRTHDAY HESUKRISTO
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Weeween Reyes, 12/25/2011
Noong unang panahon
May anghel na umahon
Sabi ng Panginoon
Sa Nazareth naroon
Nagngangalang Maria
Isa siyang dalaga
Anghel ay don pumunta
S'ya'y may dalang balita
Nang makita na siya
Ang anghel nagsalita
"Bukod kang pinagpala"
At siya ay nabigla
Ang anghel nagpatuloy
"Wag matakot" tinukoy
Doon siya tumuloy
Pagkat s'ya'y may isaboy
Ang sabi kay Maria
Wag magulat' magtaka
Diyos ang nagpadala
Ng magandang balita
Magdala'y si Maria
Jesus ang pangalan N'ya
Anak na pinagpala
Ng ating Diyos Ama
Si Maria'y nagtaka
S'ya ay walang asawa
Ang anghel nagsalita
"Ang anak ay anak N'ya"
Si Joseph ang napili
Sa kanya'y kumandili
Nanggaling s'ya sa lahi
Dugong bughaw na lipi
S'ya'y isang karpentero
Napakabuting tao
Namulaklak daw ito
iyong kanyang bakulo
Pero minsa'y naglakbay
Magbabayad ang pakay
Buhis ay pinagtibay
Ang lahat ay magbigay
At s'ya ay napaanak
Ng wala namang tiyak
Sa lugar na kay payak
Ay doon "S'ya" inanak
Sa isa ngang sabsaban
Sa Bethlehem kung saan
Ay walang masilungan
Ang lahat ay punuan
Ngayon nga ay birthday "Nya"
Ito'y alay sa "Kanya"
Anak na pinagpala
At aking sinasamba
Ito ngayon ang Pasko
Salamat sa yo D'yos ko
Ako ay naging tao
At nabuhay sa mundo
HAPPY BIRTHDAY JESUS!!!!!
MALIGAYANG PASKO SA LAHAT.....
IKA-SIYAM NA ARAW NG SIMBANG GABI
IKA-SIYAM NA ARAW NG SIMBANG GABI
Ma. Crozalle Reyes Raymundo
a.k.a. Wee-ween Reyes, 12/24/2011
Heto na heto na nga
Katapusang araw na
Ako'y kay saya saya
Simbang gabi'y tapos na
Kahit aantok antok
Pilit walang himutok
Narinig ang tilaok
nabulabog na manok
Ngumiyaw pa ang pusa
Gumising na ng kusa
At baka may umunga
Magising na ang madla
Tumungo sa simbahan
Kaysaya't kainaman
Lubos ang kasiyahan
Pagkat ngayo'y ika s'yam
Idilat ng mabuti
Ang mata'y ipalaki
Ika'y pumiksi piksi
Tumayo lang palagi
Pagkatapos magsimba
nakita ang bibingka
Puto bongbong pa pala
may niyog na kasama
Oh kaysarap namnamin
Ang nais natupad din
Syam na araw tapusin
Mainam sa damdamin
Isa itong sakripisyo
Ipakita ng tao
Pagmamahal ay buo
Para kay Jesukristo
Bukas nga ay pasko na
Lahat ay maligaya
Mga bata'y masaya
Naghihintay na sila
Ah, Maligayang Pasko
Ang bating may pagsuyo
Pag-ibig galing puso
Ang alay ko sa inyo
MALIGAYANG PASKO PO SA LAHAT......
Subscribe to:
Posts (Atom)
a morsel of my youth
A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...

-
CHILD OF A POLITICIAN When I was but seven years old, I already knew what politics means, for I lived in an atmosphere filled with stinki...
-
EPEKTO NG "SHABU" Ma.Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes,10/26/2011 Umaga sa klinika may dumating pala babaeng n...
-
TULA AY PAG-IBIG Lihim na nagmasid ang plumang tahimik. Ba't wala ng sigla ang kanyang paligid. Hanggang sa lumuha may pait a...