Basa basa din kahit walang taym...
Muli'y sasara ang tabing ng dumaang taon gaya ng mga nauna. May masasakit na alaala may masasaya. May kinapulutan ng pag-asa, may nakapanlinlang. Mayroong nagbigay ligaya, mayroong pagdurusa. May inggitan, may pagbibigayan. May poot, may pagpapatawad, may nagbingi-bingihan, may nagbulag-bulagan.
Nawa sa pagtatapos ng huling pahina ng kalendaryo, sa pagpilas nito'y kasamang mapupunit ang mga bahaging nagbigay pait, hapdi at pighati sa ating buhay. Nawa'y tuluyang mapigtal ang mga siphayo, pasakit at pagluha, upang sa pagsalubong sa haharaping taon ang mga panimdim, hapis, at hinagpis ay tuluyang malilibing kasama ang kanser ng kahapon na naglugmok at nagpahirap sa mahihinang kaluluwa o kung hindi man, ang mga ito'y magsilbing aral.
Sana sa taong ito at sa mga susunod pa ay iwasan nating makapanakit ng ating kapwa, maging ito'y emosyon o pisikal. Sana'y matuto tayong magmahal, gumalang magpakumbaba, magpakatao at makisama sa bawat nilalang ng Diyos mahirap man ito o mayaman at iwasang makadagdag sa kaguluhan ng mundo, manira, manulsol, gumawa ng kwento at maging sanhi ng di pagkakaintindihan.
Sana'y wag tayong malunod sa taginting ng pera at kislap ng salapi, mapagkamkam sa di mo tunay na pag-aari, dahil ang mga kayamanan at materyal na bagay ang magpapabigat sa ating paglisan sa daigdig lalo't ito'y bunga nang kagahamanan at kapalaluan.
Sana'y matuto tayong magdilig ng ating mga kaluluwa nang sa gayon ito ay yumabong upang sa oras nang paghuhukom ang pintuan ng kaharian ay bubukas at tayo'y malugod na papapasukin sa kanyang tahanan pagdating ng tamang panahon at may mukha tayong ihaharap sa Kanya.
Lagi nating alalahanin, kahit gaano tayo kaganda at kagwapo, kakinis at kabata, hindi tayo mga imortal. Sa pagdaraan ng mga taon unti-unting binabawi ang lahat ng ito at walang matitira kundi ang ating kulubot na balat, sakit at katandaan na magpapahiwatig na tayo'y walang kontrol at karapatan sa ating buhay at unti-unti'y babawiin ang lahat sa atin at ang ating katawang-lupa ay magiging abo. Ang kaluluwa natin ang magsasakripisyo kapag tayo'y di natuto, sapagkat mayroong hangganan ang buhay ng tao sa mundo.
Weeween reyes
Larawan: kredito sa may-ari
Larawan: kredito sa may-ari
No comments:
Post a Comment