Thursday, January 31, 2019

Aming Munting Prinsesa





Aming Munting Prinsesa
Na dati'y amusin, bulinggit at yayat
Puti,itim, kahel, sa kanya'y gumayak
Dapwa't dalwang linggong nasilay ang iwag
At sa kanyang ina agad ay naawat.
Tahanang kay timik, ngayon ay kay sigla
Ngiti'y humalakhak napuno ng saya
Kagyat nakalugdan, lahat, bawat isa
Tuwa'y humalili, mundo ay gumana
Dagli'y kumaripas itong pitong buwan
Ang aming prinsesa'y dalaga nang tingnan
Kaya't ang binata naming kapit-bahay
Panay ang pasimple at padaan-daan.
At bantay-sarado itong aming mutya
Dibdib ay may kaba kapag nawawala
Baka kung malingat maisahang bigla
Angkan ay dadami dagdag na bunganga.
Nalulugod nga ba ang mga nilalang
Na hinulma ng Dios, may sariling lunan
Kung saan linikhang hubad, walang salwal
Ngayo'y nananahan sa ating tahanan?
Pinagpala nga ba't puspos ang alaga
Kapagka may sakit tayo'y mabahala?
May gatas, may gamot kahit bulsa'y luwa
May beterenaryong agad kakalinga.
Puso ko'y may kurot, kasunod ay habag
At nagsalimbayan ang bakit na huwad
Baka ibig nila ay pakalat-kalat
Sa piling ng ibang pusang kamag-anak?
Weeween 2019

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...