Thursday, January 31, 2019

Kumusta Kayo Riyan sa Langit



Kumusta Kayo Riyan sa Langit?

Sa langit kung saan ang mabubuti raw
ang s'yang nananahan
kayo'y naririyan
sa tunay na tahanan
Sa kanyang kandungan
at yapos ng Maykapal.

Ibig kong hawiin ang mga ulap
Nang aking mahanap
kumakaway mong palad
kung dilim ay laganap
Kamay mo'y kikislap
tugon sa pangarap.

At ang bituing pinakamaningning
aking kakausapin
upang kanyang pawiin
lungkot ng damdamin
nang mawalay sa piling
at kami'y nanimdim.

At ang hanging mahinhin at tahimik
habang di nagagalit
hiling na pauli-ulit
sanay dalhing saglit
ang mainit kong halik
at yakap na mahigpit

Kasama ang dasal na sa yo'y alay
laman ng aming puso Itay
kasama ang aming nanay
na sinisintang tunay
at dalwa pang nawalay
mga kuya naming mahal.

Kumusta riyan sa langit Itay?
Masayang ika-95 kaarawan
kung ikaw sa lupa'y tumagal!

Weeween Reyes 2019

Aming Munting Prinsesa





Aming Munting Prinsesa
Na dati'y amusin, bulinggit at yayat
Puti,itim, kahel, sa kanya'y gumayak
Dapwa't dalwang linggong nasilay ang iwag
At sa kanyang ina agad ay naawat.
Tahanang kay timik, ngayon ay kay sigla
Ngiti'y humalakhak napuno ng saya
Kagyat nakalugdan, lahat, bawat isa
Tuwa'y humalili, mundo ay gumana
Dagli'y kumaripas itong pitong buwan
Ang aming prinsesa'y dalaga nang tingnan
Kaya't ang binata naming kapit-bahay
Panay ang pasimple at padaan-daan.
At bantay-sarado itong aming mutya
Dibdib ay may kaba kapag nawawala
Baka kung malingat maisahang bigla
Angkan ay dadami dagdag na bunganga.
Nalulugod nga ba ang mga nilalang
Na hinulma ng Dios, may sariling lunan
Kung saan linikhang hubad, walang salwal
Ngayo'y nananahan sa ating tahanan?
Pinagpala nga ba't puspos ang alaga
Kapagka may sakit tayo'y mabahala?
May gatas, may gamot kahit bulsa'y luwa
May beterenaryong agad kakalinga.
Puso ko'y may kurot, kasunod ay habag
At nagsalimbayan ang bakit na huwad
Baka ibig nila ay pakalat-kalat
Sa piling ng ibang pusang kamag-anak?
Weeween 2019

Tuesday, January 22, 2019

Oh ang Pag-ibig














Oh Ang Pag-ibig
Pa'no bang umibig at ibiging tunay
Ito'y katanungang walang kapaguran.
Mula pa sa nuno kay hirap turuan 
Nang pusong nabulag sa katotohanan.
Oo nga't pag-ibig ay nakakikilig
Laging nakangiti lutang yaong isip
Ngalan nya'y mabanggit agad hahagikhik
Parang kiniliti ng anghel sa langit.
Ngunit kung pag-ibig nang isa'y magmaliw
Isusumpang tiyak at mundo'y magdilim
Di na makausap, mata'y mugto't itim
Ga-dagat ang luha, rindi't maramdamin.
Kung kaya't tandaan maging mapanuri
pusong umiibig rendahan nang kunti
damdaming umigpaw damdaming masidhi
Wag ipahalata "hard to get" kunyari.
Pagkat ang pag-big ay mapang-abuso
Kung lamya ka't hibang,dungo't bigay-todo
Lalaki ang loob at ikaw ang talo
bukas makalawa'y aayaw na sa yo.
Pag-ibig, pag-ibig saan ka namula
Isang panaginip pagmulat ay muta
O galing sa hamog bumagsak sa lupa
Kaya'y si kupidong sa yo ay pumana.
O iyang pag-ibig na aayaw-ayaw
Ay s'yang hinahabol niyang nagmamahal
At tatawa-tawa kapag ikaw'y hangal
At kikinda-kindat minsan ay diwalwal.
Weeween 2019
Photo credits to the owner

Saturday, January 19, 2019

Kabalintunaan ng Buhay















Kabalintunaan ng Buhay
http://weenweenreyes.blogspot.com/
Itay may baon ba akong tiyak bukas?
Ang uniporme ko'y luma na at butas
Nangagpigtal na rin ang aking tsinelas
Kumakalam ang t'yan ko'y wala raw bigas.
Itay mahal mo pa ba ang mahal kong Nanay?
Dinig ko kagabi maangas mong sigaw
Tulala si Ina, sinaing ay hilaw
Ang ating tahanan, bahay na mapanglaw.
Itay ang ninang ko'y may bagong sasakyan.
Kahapon dinig ko ang usap-usapan
Nagtatawanan pa mga kabitbahay
Buti raw si Ninang may kumpareng hangal.
Siya na lang sanang aking naging tatay
Nang hapag kainan ay laging may laman.
Upang may pampuno sa uhaw ko't kalam
Upang aking buhay ay may katuturan.
Teka lang, teka lang, ikaw ba yon Itay?
Weeween Reyes 2019
Photo credits to the owner

BUSOG SA PANGARAL















Busog sa pangaral
http://weenweenreyes.blogspot.com/

Tigmak sa luha ang inang
patuloy ngumunguyngoy,
sa bukas na durungawan.
Wala na ni anino ng anak
na hatid nang tingin
hanggang makalayo, ngunit
di maampat ang mga butil
na naghabulan sa kanyang pisngi.
Idagdag pa ang sumabay
na pagtulo ng ilong,
pwede nang pigaan ang damit na basa
nang naghalong luha't sipon.
Habang kumakaway sa hangin
umuusal ng panalangin.
"Pagpalain ka nawa."
Ibig sumabog ng kanyang dibdib.
Nag-aalalang may takot
na gumapang sa isip,
Unang pagkakataong mawalay
ang kanyang nag-iisang anak,
ngunit saglit pa't
ang mga pangamba'y nahalinhan
nang pagngiti at pag-asa..
Dagli'y nagbalik-tanaw
kung paano hinubog ang supling
mula pa nang ito'y magkaisip.
Oo nga pala,
ang kanyang anak ay pinalaking
may pangarap na ibig abutin,
mabait, masunurin, palaaral,
may pagmamahal sa Diyos,
may galang sa magulang
may pagpapahalaga sa sarili
at may kahihiyan.
Pinahid nya ang hilam na mga mata.
Alam nya sa pagtawid sa buhay
anuman ang mapagdaanan,
ito'y sintibay ng nakatanghod
na mga bato sa ilog
hampasin man ng rumaragasang tubig
hindi maaanod..

Weeween Reyes
Photo credits to the owner

Monday, January 14, 2019

Tahan Na


Hindi ka ba nagsasawa?
Ako ang naaawa. 
Buhay nati'y maikli na.
Ngunit ang laman ng dibdib mo'y
puro giyera.
Giyerang wala ka naman kinalaman.
Giyerang sa araw-araw na pagmulat
ay iyong inaalmusal,
tinatanghaliaan,
hinahapunan
at kapag di ka nakontento,
minimeryenda mo pa nga.
Nag-aalala ako
baka kahit sa yong pagtulog
laman din ng iyong panaginip
ang walang katapusang poot,
galit sa mga usaping pilit mong
sinisiksik ang iyong sarili
samantalang mas masarap pa
ang magising at matulog ng mahimbing
upang sa pagmulat ng dalawang
maliit na bolang nakadikit sa iyong mukha
maaliwalas na mundo
ang iyong malilikha.
Tahan na.
Patahanin mo na ang dibdib mong
puno ng inis at pagkutya sa mga taong
ni minsan di ka naman binibigyang pansin.
Sapagkat isa ka lang ...
nunal sa kanilang paningin!
Weeween Reyes
photo credits to the owner

Friday, January 11, 2019

Minsan Ang Pag-ibig




MInsan ang Pag-ibig
Ang init ng araw 
na kusang nagpumilit pumasok
Sa siwang ng puyat
na bintanang tanging saksi 
sa kanyang paghihinagpis 
ang s'yang gumising 
sa kanyang kahibangang 
dulot ng isang kasawiang
kaytagal nyang kinimkim
ang dalang pasakit.
Pinili nyang umiwas sa
sa mga elementong.mapanglait, ,
mapanghusga at hindi nakauunawa
sa nagdurugong damdamin
upang sa minsang pagmulat 
kaylakas na halakhak 
ang tahimik na maririnig sa dibdib.
Tunay ngang ang pag-ibig 
ay tulad ng isang alamat,
may maganda at pangit na pamagat
Weeween Reyes 2019
Photo credits to the owner

Thursday, January 10, 2019

SINO ANG BANAL?

Sino Ang Banal?
Nagmistulang dagat, inasahang milyon
Ang pagdaloy nitong sagradong translasyon
Laksang mga tao, may banal may hudlum
Bata't matatanda, bakla't mga tomboy.
O, kahanga-hanga't walang kasintibay!
Paa'y di sumuko sa init at ulan
Tila karagatan nang araw pumanaw
Pamandong ay hamog, kayakap ay ginaw.
Walang kasinsidhi, tiyan ma'y dumaing
Ang ibig at nais panata'y tuparin
Patuloy ang layon at mga hangarin
Pagmamahal sa Dyos, sigaw ng damdamin.
Hangad ko'y matulad sa namamanata
Ngunit nangangambang alon rumagasa
Paimbabaw kayang aking paniwala
O dapat ayunan ang isang pithaya?
Bawat isinilang o bawat nilalang
sa mundo ng tao lahat pantay-pantay
Kung mali't di tama anong pamantayan
Sino ang huhusga? Ikaw ba ang banal?
Weeween reyes 2019
Photo credits to the owner

Thursday, January 3, 2019

BASA-BASA DIN KAHIT WALANG TAYM...




Basa basa din kahit walang taym...
Muli'y sasara ang tabing ng dumaang taon gaya ng mga nauna. May masasakit na alaala may masasaya. May kinapulutan ng pag-asa, may nakapanlinlang. Mayroong nagbigay ligaya, mayroong pagdurusa. May inggitan, may pagbibigayan. May poot, may pagpapatawad, may nagbingi-bingihan, may nagbulag-bulagan.
Nawa sa pagtatapos ng huling pahina ng kalendaryo, sa pagpilas nito'y kasamang mapupunit ang mga bahaging nagbigay pait, hapdi at pighati sa ating buhay. Nawa'y tuluyang mapigtal ang mga siphayo, pasakit at pagluha, upang sa pagsalubong sa haharaping taon ang mga panimdim, hapis, at hinagpis ay tuluyang malilibing kasama ang kanser ng kahapon na naglugmok at nagpahirap sa mahihinang kaluluwa o kung hindi man, ang mga ito'y magsilbing aral.
Sana sa taong ito at sa mga susunod pa ay iwasan nating makapanakit ng ating kapwa, maging ito'y emosyon o pisikal. Sana'y matuto tayong magmahal, gumalang magpakumbaba, magpakatao at makisama sa bawat nilalang ng Diyos mahirap man ito o mayaman at iwasang makadagdag sa kaguluhan ng mundo, manira, manulsol, gumawa ng kwento at maging sanhi ng di pagkakaintindihan.
Sana'y wag tayong malunod sa taginting ng pera at kislap ng salapi, mapagkamkam sa di mo tunay na pag-aari, dahil ang mga kayamanan at materyal na bagay ang magpapabigat sa ating paglisan sa daigdig lalo't ito'y bunga nang kagahamanan at kapalaluan.
Sana'y matuto tayong magdilig ng ating mga kaluluwa nang sa gayon ito ay yumabong upang sa oras nang paghuhukom ang pintuan ng kaharian ay bubukas at tayo'y malugod na papapasukin sa kanyang tahanan pagdating ng tamang panahon at may mukha tayong ihaharap sa Kanya.
Lagi nating alalahanin, kahit gaano tayo kaganda at kagwapo, kakinis at kabata, hindi tayo mga imortal. Sa pagdaraan ng mga taon unti-unting binabawi ang lahat ng ito at walang matitira kundi ang ating kulubot na balat, sakit at katandaan na magpapahiwatig na tayo'y walang kontrol at karapatan sa ating buhay at unti-unti'y babawiin ang lahat sa atin at ang ating katawang-lupa ay magiging abo. Ang kaluluwa natin ang magsasakripisyo kapag tayo'y di natuto, sapagkat mayroong hangganan ang buhay ng tao sa mundo.
Weeween reyes
Larawan: kredito sa may-ari

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...