Saturday, June 30, 2018

ANG KASALAN

Ang kasalan
Ang saya saya ko.
Handa na ang lahat
magmula sa mga abay, flower girl,
kahit na ang ring bearer.
Nakausap na rin ang pari
at ang simbahang gaganapan.
Ang mga ninong at ninang kumpleto na rin.
Ang kanyang magulang at ang akin
ay nagkita-kita ng sila'y mamanhikan.
Ganito pala ang pakiramdam.
Gusto mong umiyak sa kaligayahan.
Maya maya pa'y dinala na ang wedding gown.
Oh kay ganda't mamahalin.
Tingin ko'y bagay na bagay sa akin.
Sayang, di pwedeng isukat,
baka di daw matuloy ang kasal.
Eksayted na akong di ko mawari
Tila baga mundo'y nakikibahagi.
sa lahat ng kaligayahang
natatamo ng isang tulad ko.
Dumating na rin ang mga kaanak.
siksikan na sa aming malaking tahanan.
Nagkakatuwaan na't nagkakasiyahan
Habang ako'y umupo na't mag-aalamusal.
Ang bango ng Luto ni Yaya
Kaysarap ng afritada
at ako'y kumuha na ng kutsara't
sumandok, saba'y nganga,
nang biglang may yumugyog sa aking panga
ano ba, binabangungot ka na naman mama!
Waaaaaaaaa....
Di man lang pinasubo kahit isa 

MAY BULONG ANG ULAN

Bumuhos ang kanina pa'y
nagmamatyag na itim na ulap
na nakahalukipkip sa dakong kanluran.
May pagbadya ang lagaslas ng ulan.
May angas ang galaw.
Ang talim ng kidlat
halos pumunit sa pisngi ng langit.
Kahit ang hanging walang imik
Wari'y natulala sa palahaw ng kulog
at sandali pa't napapitlag.
Hudyat upang mag-uwian ang mga batang
nagkakatuwaang magduyan
sa lumang gulong ng sasakyang
binugkos ng pirapirasong tela't
tinali sa ilalim ng malaking
puno ng bayabas.
Takbo!
Kaya't nagtilamsikan ang tubig
na nagsisimulang maipon sa kalsada
sa kanilang pagkaripas.
At ang bawat talsik nito'y
gunitang nagpabalik sa nakaraan,
noong tayo'y inabutan
ng ulan sa madulas na pilapil.
Kaylamig ng bawat butil
na kumakaskas sa aking mukha
at nuot sa aking kalamnan.
Ngunit ang init ng yakap mo'y
darang na tumutunaw sa aking ginaw
at sa bawat sablay ng aking hakbang
sa daang makitid, dibdib mo't
dibdib ko'y agad sumasanib
upang ang paa ko'y di sumawsaw
sa pitak ng bukid.
Hayyyyy....
At ako'y napangiti.
Hindi lang hikbi ang dala ng ulan,
may bulong din itong hatid ay kilig.

Wines 2018

SA LIKOD NG LUMANG LARAWAN

Sa Likod ng Lumang Larawan

Nangangalmot na ang amag
na naninirahan sa kupas na larawang
nasa kahon ng narrang aparador.

May sapyaw na kurot ang kirot
tuwing umaalis ang araw,
ang buwan, at ang taon
sa mga pahina ng kalendaryo.
Lagpas bahay na ang puno ng akasyang
magkasabay tinusok sa lupa
sa laki'y naging lilim na,
ngunit kahit minsan ni haplos
ng basahan, di man lang sumayad
sa napabayaang litratong
hangad lang ay simpleng paglingap.

Minsang s'ya'y umuwi sa sariling bayan,
ang lumang larawan, nakaramdam 
ng pag-asang matagal nang pinapangarap.
"Kahit isang sulyap man lang."
(Gaya ng kanyang pag-asam).

Matamlay na ang kulay nito,
ngunit banaag pa ang saya ng lumipas.
Ang limot na't nilumot na nakaraan.
Dagli'y nahapit sa dibdib. 
May ngiting bumahid sa labi
pagkat alaala'y multong bumabalik.
Danga't kahit sa hinagap,
wala ng puwang ang dating kilig.
Ang pananabik magtatalo lang
at ng isip.

Wines 2018

Tuesday, June 5, 2018

KAHIT ISANG YAKAP LANG


Kahit Isang Yakap Lang
(Miss kita Ina)

Ibig kong mayakap ang nagbigay buhay
S'yang naging dahilang araw masilayan
Paa'y nasa hukay nang ako'y niluwal
Ang mundo'y tumigil habang nasasaktan

Nang ako'y nagsilang wika ko'y bayad na
Sa mga hirap mo at pag-aalala
Sa halik at hagod na walang kapara
Kulang pa ang sapat, oh, mahal kong ina!

Ngunit paano ba kita matularan?
Yaong pagmamahal na walang kapantay
Sa pag-aaruga't walang sawang gabay
Sa pag-uunawa bawat kamalian.

Kaypalad ko wari na ako'y nagising
sa mundong may hapis ngunit may paglambing
Sa mundong makulay, mata'y walang piring
May hagod ang tulog, madaling mahimbing

Mapalad din sila na ako'y namulat
Sa iyong daigdig na puno ng habag
Upang sa paglakbay o pagtawid-dagat
Baon ay pagsintang may sayang kayakap.

Salamat oh ina at may gintong-aral
Ang nulas sa labi mulang kabataan
May lamyos ang himig, may dangal ang asal
Sa bawat tugtugin, may tamang paghakbang.

Weeween 2018
(Pictures taken a year ago)

Monday, May 14, 2018

INA (Irog Ng Anak)

INA (Irog Ng Anak)
www.weenweenreyes.blogspot.com

Ang mga mata nyang malamlam
bakas ng inang nagbata
ng hirap at pagod.
Di hantad ang luha at lumbay
nang sampung kaluluwa'y maging tao.

Yumakap ang aking alimutaw
sa kulubot n'yang kamay
na sa akin ay nakatangan.
Wala na ang kinis ng kahapon.
Wala na ang lakas ng nakaraan.
Wala na ang lambing ng hagod.
Ang dating init ng gagap,
tila yumao na.
Ngunit ang mga ngiti sa labi
pilit nagsisinungaling.
Pilit tinatanggi ang panghihinang
kumakain sa kanyang himaymay.
Pilit tinatago ang takot
na gumagapang sa kanyang pagkatao.
Pilit nagpapakatatag
tuwing aking nilalapitan
at ang mahinang sagot
sa aking mga tanong
"nag-iingat lang"

Kay amo pa rin ng kanyang mukha.
Hindi kayang igupo ng sakit
na sa kanya'y humahaplit.
Ang mga biro, tila pa rin
bagyong humahagupit,
matibay, determinado, huwisyoso.
Sintatag ng moog
na tanggulan ng aming kahinaan,
bantayog na aming titingalain,
Upang aming baon sa bawat laban.

Kahit wala na ang tindig at tapang
sumisigaw ng pagmamahal ang haplos.
Bawat gatla sa mukha may kahulugan,
may gintong aral na iiiwanan.
Ah, ang ating ina, tunay na dakila.
May pusong patuloy na nagmamahal
kahit sa ating pinakamasama.
May kamay na humahawak
kapag tayo'y nanghihina.
May kandungang sasalo
kapag tayo'y nalugmok sa lupa.
Ating ina, sya ang umaakay
kapag tayo'y nadadaan sa lubyak.

Weeween Reyes 2018
(Araw ng mga Ina)


Sunday, April 15, 2018

PIRA-PIRASONG ULAP

· 
Naghagilap ang aking mga mata.
Ibig kong mamulot
ng mga naggagandahang ulap,
simula sa mababa pataas.
Isa-isa kong tinipon
ang bawat hibla nito.
May malaki't maliit.
Nais ko sana'y simputi ng bulak
ang aking bawat mahagip.
Upang sa pamamagitan nito
ang maiguhit galing sa paslit
kong alaala'y magagandang bagay,
masasaya, wagas at puno ng pag-ibig.
Ngunit aking napansin,
sari-sari ang kulay ng mga ulap.
May puting-puti, may abuhin,
may mapula, may kulay kahel,
may ube at meron ding maitim.
Marahil ito'y sanhi ng pagkakaiba
ng oras, at panahon, at repleksyon.
Para bang ating buhay.
Maraming kulay, maraming hugis,
May makapal may manipis.
May halakhak, may paghikbi.
Unti-unti kong pinagdikit
Ang bawat kong nadampot
upang ihugis ang ating kabataan.
Noong tayo pa lang, ating
mga kapatid, ating nanay at tatay.
Punong-puno ng pagmamahal at pangarap.
Kaysaya, kahit minsan
may lungkot ding kaagapay.
Ngunit tulad ng kastilyong buhangin
ang tinipon kong ulap
nadala ng hanging umihip,
nawasak, naiba ang hugis.
At ang mga ating mga hakbang
naiba ang landas, hindi nasunod
ang mga mumunting pinangarap
Ngunit gaya ng paggiya ng timon,
nariyan palagi ang Panginoon
upang hatakin tayo sa tamang landas,
nang sa ating paggising
tayo'y maging magulang
at may pamilyang masasandigan.
Gaya ng kung saan tayo nagsimula
Naitayo ang bagong kastilyong
Tunay na sariling atin.
Nabuo ang mga ulap na mapuputi
upang maging daan sa ating pagngiti.
Ngunit ang anino ng kabataan
at ang ating pamilyang pinagmulan
mawalay man ay busilak ang pagmamahal,
Weeween 2018 (April 9)

Wednesday, March 28, 2018

REGALO

REGALO

Namangha ka sa sunlower
na nakasabit, "for sale",
ngunit nagdalawang isip bilhin.
Nang balikan mo ang sining,
panghihinayang at panimdim
ang siyang umalipin
sa nagsisising damdamin.
Bakante na ang dingding.

Iyong ipinagkibit-balikat.
Kahit ka pa umiyak
ng sampung galong luhang maalat
wala nang saysay ang lahat.
Wala na ang paboritong bulaklak.

Kaarawan mo'y dumatal 
pagkaraan ng ilang araw.
Regalo mo'y isang larawan
ng bulaklak na pinanghinayangan.
Kakaiba man ang desenyong halaw
iyo pa ring pinasalamatan.
Kagyat, may nabungaran,
bumulaga sa iyong harapan,
hawak ng iyong tatay,
ang isang sorpresang tangan.
Walang kurap ang mata mong bilugan.
Nakatitig, salita'y nabalam
Habang tulala mong pinagmasdan
Ang pangarap mong larawan
Akala mo'y tunay
Ngunit iba ang nakasaad na ngalan....

Ang pintor pala'y iyong nanay! 

Weeween '18

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...