INA (Irog Ng Anak)
www.weenweenreyes.blogspot.com
Ang mga mata nyang malamlam
bakas ng inang nagbata
ng hirap at pagod.
Di hantad ang luha at lumbay
nang sampung kaluluwa'y maging tao.
Yumakap ang aking alimutaw
sa kulubot n'yang kamay
na sa akin ay nakatangan.
Wala na ang kinis ng kahapon.
Wala na ang lakas ng nakaraan.
Wala na ang lambing ng hagod.
Ang dating init ng gagap,
tila yumao na.
Ngunit ang mga ngiti sa labi
pilit nagsisinungaling.
Pilit tinatanggi ang panghihinang
kumakain sa kanyang himaymay.
Pilit tinatago ang takot
na gumagapang sa kanyang pagkatao.
Pilit nagpapakatatag
tuwing aking nilalapitan
at ang mahinang sagot
sa aking mga tanong
"nag-iingat lang"
Kay amo pa rin ng kanyang mukha.
Hindi kayang igupo ng sakit
na sa kanya'y humahaplit.
Ang mga biro, tila pa rin
bagyong humahagupit,
matibay, determinado, huwisyoso.
Sintatag ng moog
na tanggulan ng aming kahinaan,
bantayog na aming titingalain,
Upang aming baon sa bawat laban.
Kahit wala na ang tindig at tapang
sumisigaw ng pagmamahal ang haplos.
Bawat gatla sa mukha may kahulugan,
may gintong aral na iiiwanan.
Ah, ang ating ina, tunay na dakila.
May pusong patuloy na nagmamahal
kahit sa ating pinakamasama.
May kamay na humahawak
kapag tayo'y nanghihina.
May kandungang sasalo
kapag tayo'y nalugmok sa lupa.
Ating ina, sya ang umaakay
kapag tayo'y nadadaan sa lubyak.
Weeween Reyes 2018
(Araw ng mga Ina)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
a morsel of my youth
A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...
-
CHILD OF A POLITICIAN When I was but seven years old, I already knew what politics means, for I lived in an atmosphere filled with stinki...
-
EPEKTO NG "SHABU" Ma.Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes,10/26/2011 Umaga sa klinika may dumating pala babaeng n...
-
"ANG NARS "Ma. Crozalle Reyes Raymundo a.k.a. Wee-ween Reyes, Sept. 20,2011 (alay ko sa mga Pilipinong Nars) Tawag sa kan...
No comments:
Post a Comment