Saturday, June 30, 2018

MAY BULONG ANG ULAN

Bumuhos ang kanina pa'y
nagmamatyag na itim na ulap
na nakahalukipkip sa dakong kanluran.
May pagbadya ang lagaslas ng ulan.
May angas ang galaw.
Ang talim ng kidlat
halos pumunit sa pisngi ng langit.
Kahit ang hanging walang imik
Wari'y natulala sa palahaw ng kulog
at sandali pa't napapitlag.
Hudyat upang mag-uwian ang mga batang
nagkakatuwaang magduyan
sa lumang gulong ng sasakyang
binugkos ng pirapirasong tela't
tinali sa ilalim ng malaking
puno ng bayabas.
Takbo!
Kaya't nagtilamsikan ang tubig
na nagsisimulang maipon sa kalsada
sa kanilang pagkaripas.
At ang bawat talsik nito'y
gunitang nagpabalik sa nakaraan,
noong tayo'y inabutan
ng ulan sa madulas na pilapil.
Kaylamig ng bawat butil
na kumakaskas sa aking mukha
at nuot sa aking kalamnan.
Ngunit ang init ng yakap mo'y
darang na tumutunaw sa aking ginaw
at sa bawat sablay ng aking hakbang
sa daang makitid, dibdib mo't
dibdib ko'y agad sumasanib
upang ang paa ko'y di sumawsaw
sa pitak ng bukid.
Hayyyyy....
At ako'y napangiti.
Hindi lang hikbi ang dala ng ulan,
may bulong din itong hatid ay kilig.

Wines 2018

No comments:

Post a Comment

a morsel of my youth

A morsel of my Youth (Malayan Wave -- aaba bbcb ccdc dd of Jose Rizal M. Reyes) In a small town where I was born and grew had happy...